Gamitin ang Aklat na Nangangatuwiran sa mga Pagdalaw-muli
1 “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig.” Ito ang sinabi ni apostol Pablo. (1 Cor. 3:6) Ang pagdalaw-muli ay karaniwang tinutukoy na gawaing “pagdidilig.” Pinapangyari nitong ating ‘maisabog ang kaalaman’ upang malinang ang ipinakitang interes hanggang sa pag-uugat nito at mapasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.—Kaw. 15:7.
2 Ang ilan ay maaaring nag-aatubiling dumalaw-muli dahilan sa di alam kung ano ang sasabihin. Ang aklat na Nangangatuwiran ay naglalaan ng balangkas ng mga tema sa Kasulatan na maaaring talakayin sa maybahay. Maghandang mabuti para sa pagdalaw-muli, na ginagamit marahil ang isa o dalawa sa mga sumusunod na mungkahi.
3 Kung kayo’y nakapaglagay ng kopya ng Abril 15, 1992 ng “Bantayan” hinggil sa paksa ng panalangin, sa inyong pagbabalik ay maaari ninyong iharap ang katanungang:
◼ “Papaano magiging di-kanaisnais sa Diyos ang panalangin ng isang tao?” Pagkatapos na sumagot ang maybahay, kunin ang inyong aklat na Nangangatuwiran at bumaling sa pahina 317 (293 sa Ingles). Talakayin sa kaniya ang ilang kasulatan sa ilalim ng temang ito, na hinihimok siyang tuwirang basahin iyon sa aklat. Kung inyong napansing taimtim ang interes, nanaisin ninyong mag-alok ng suskripsiyon.
4 Sa ibang pagdalaw-muli, pagkatapos na tanungin ang maybahay kung ano ang unawa niya sa Kaharian ng Diyos, gaya ng nasa Ama Namin, bumaling sa mga pahina 87-93 (226-32 sa Ingles). Habang ipinahihintulot ng panahon, gamitin ang mga kasulatan sa ilalim ng “Ang Kaharian ba ng Diyos ay Tunay na Pamahalaan?” at “Ano ang Maisasagawa ng Kaharian ng Diyos?”
5 Sa ibang pagkakataon, ang maybahay ay maaaring kumuha ng isang kopya ng Abril 22, 1992 ng Gumising! na “Buhay—Ano ang Layunin Nito?”
Maaari kayong magtanong:
◼ “Mayroon bang katunayan na ang katawan ng tao ay dinisenyo upang mabuhay magpakailanman sa lupa?” O, “Sa palagay ba ninyo’y nalalaman ng patay kung ano ang ginagawa ng nabubuhay?” Gumawa ng mga kaayusan para sa pagdalaw-muli taglay ang mga kasagutan gaya ng masusumpungan sa aklat na Nangangatuwiran sa mga pahina 74 at 107 (247 at 100 sa Ingles).
6 Kung ang unang pag-uusap ay hinggil sa kinabukasan ng lupa, maaari kayong magtanong:
◼ “Pahihintulutan ba ng Diyos ang mga tao na sirain ang lupa sa anumang paraan?” Pagkatapos ay bumaling sa pahina 42 ng aklat na Nangangatuwiran (44-5 sa Ingles) at talakayin ang sagot ng Kasulatan. O maaaring magtanong ang maybahay: “Kung bilyun-bilyon ang bubuhaying-muli mula sa mga patay, saan sila titira?” Ang sagot ay masusumpungan sa aklat na Nangangatuwiran, pahina 279 (340 sa Ingles).
7 Huwag sikaping lunurin ang maybahay ng lahat ng katotohanan nang minsanan. Magtira ng ilang katanungan na sasagutin sa susunod na mga pagdalaw. Bilang mga kamanggagawa ng Diyos, nanaisin nating magpatuloy sa bihasang pagtatanim at pagdidilig sa pamamagitan ng mabisang paggamit ng aklat na Nangangatuwiran. Makatitiyak tayong palalaguin ito ni Jehova.