Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng mga Pagdalaw-muli
1 Ang makaranasang mga ministro ay nakapansin na ang mga pagdalaw-muli ay tumutulong sa paglaki tungo sa pagiging isang mananampalataya. Ang paghahanda ay susi ng pagiging epektibo. Ano ang ilang praktikal na mungkahi na dapat ingatan sa isipan? Papaanong tayong lahat, bago o makaranasang mamamahayag, ay babahagi sa paglilingkod na ito sa Kaharian?
2 Ang paghahanda para sa isang pagdalaw-muli ay nagpapasimula sa unang pagdalaw. Itala ang pangalan ng maybahay, ang paksang pinag-usapan, at anumang publikasyong nailagay. Maging espesipiko sa bagay na ito. Pagkatapos, bago gumawa ng isang pagdalaw-muli, repasuhin ang inyong house-to-house record at isiping mabuti kung ano ang inyong sasabihin.
3 Para sa karamihan sa atin, ang mga pagdalaw-muli ay isang hamon. Gayumpaman, hindi ito dapat na maging masalimuot. Kapag ang mga pagdalaw-muli ay may layunin, higit na mabisa ninyong madidiligan ang mga binhi ng katotohanan. (1 Cor. 3:6) Kapag dumadalaw sa mga napaglagyan ng magasin, maaari ninyong ipakita na ang sinasabing layunin ng Ang Bantayan ay “Naghahayag ng Kaharian ni Jehova”. Tanungin ang maybahay kung nakikilala niya kung sino si Jehova, at pagkatapos ay basahin ang Awit 83:18. Kung ipinahihintulot ng panahon, gamitin ang unang tanong sa pahina 149 ng aklat na Reasoning upang ipagpatuloy ang pag-uusap. O maaari ninyong gamitin ang impormasyon sa ilalim ng paksang “Jehovah” sa mga pahina 196-7. Upang mabigyang daan ang susunod na pagdalaw, maaari ninyong tukuyin ang panalanging Ama Namin na doo’y hinihiling nating dumating ang Kaharian ng Diyos at maganap ang kaniyang kalooban. Sabihin sa maybahay na sa inyong pagbabalik ay nais ninyong ipakita sa kaniya ang ilang mga teksto ng Bibliya na nagpapaliwanag kung ano ang Kaharian ng Diyos at ano ang mangyayari sa lupa kapag ang kalooban ng Diyos ang naganap.
4 Kapag dumadalaw sa mga napaglagyan ng literatura, ipakita sa maybahay ang isang punto na magugustuhan niya. Sikaping ipagpatuloy ang paksang dati na ninyong pinag-usapan. Kung ginagamit ninyo ang kasalukuyang Paksang Mapag-uusapan, maaari ninyong sabihin: “Nang huli tayong mag-usap, tinalakay natin ang pangako na taglay ng Bibliya ukol sa kapayapaan. Mayroon lamang isang pamahalaan na maaaring magdulot ng tunay na kapayapaan—ang Kaharian ng Diyos. Pansinin ang sinasabi mismo ng Bibliya sa Isaias 9:6, 7. [Basahin.] Hindi ba kayo masisiyahan sa buhay sa ilalim ng gayong mapayapang kalagayan? [Hayaang sumagot.] Gayumpaman, bukod pa sa kapayapaan, itinatala ng Bibliya ang maraming espesipikong mga pagpapala na idudulot ng Kaharian ng Diyos sa sangkatauhan.” Sa puntong ito maaari ninyong ipakita ang isang partikular na parapo sa aklat. Sa susunod pang ilang pagdalaw pagkatapos niyaon, maaari ninyong gamitin ang mga punto sa ilalim ng “Kaharian” sa mga pahina 225-34 ng aklat na Reasoning.
5 Bakit hindi kayo maglagay ng personal na tunguhin na gumawa ng kahit na isa man lamang pagdalaw bawa’t linggo? Sa pamamagitan ng pagtuturo sa iba sa mga pagdalaw-muli, ang inyong ministeryo ay magiging lalong makahulugan at lalago ang inyong kagalakan.