Iulat Nang Wasto ang Paglilingkod sa Larangan
1 Di na matatagalan at darating ang bagong Yearbook taglay ang pandaigdig na ulat para sa 1988 taon ng paglilingkod. Tayo ay may pananabik na tumitingin sa hinaharap sa bagay na ito upang ating mabasa ang tungkol sa pagsulong ng gawaing pangangaral sa buong daigdig. (Isa. 60:22) Yamang ang lahat ng mga mamamahayag ay may bahagi sa taunang ulat na ito, ano ang magagawa natin bilang indibiduwal upang matiyak na ito ay tumpak?
2 Sa Mateo 24:14 ay mababasa natin ang ating atas na mangaral sa mga huling araw na ito. Maipakikita natin ang ating paggalang sa organisasyon ni Jehova sa pamamagitan ng mataimtim na pag-uulat ng ating paglilingkod sa larangan sa katapusan ng bawa’t buwan. Iniuulat ba ninyo nang palagian at tumpak ang inyong paglilingkod?
KUNG ANO ANG IUULAT
3 Ang buong oras lamang ang dapat na iulat sa kongregasyon. Ang hindi buong oras ay maaaring isama ng mamamahayag sa susunod na buwan. Makabubuting isulat ang oras na ginamit, nailagay na literatura, bilang ng mga pagdalaw-muli sa bawa’t paglabas sa larangan ng paglilingkod. Pagkatapos sa pamamagitan ng pagkuha sa kabuuan ng mga numerong ito sa katapusan ng buwan, hindi na natin kailangang tantiyahin pa kung ano ang ating nagawa.
4 Huwag kalilimutan na ang isang pagdalaw-muli ay dapat na bilangin sa bawa’t panahon na kayo ay nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya. Sa katapusan ng buwan, ang isang Study Report slip para sa bawa’t pag-aaral na idinaos ay dapat na punan at ibigay kasama ng inyong Field Service Report slip. Pagkatapos na punan ang bawa’t Study Report slip nang kompleto, ang kabuuang bilang ng iba’t ibang pag-aaral sa Bibliya na idinaos sa buwang iyon ay kailangang isulat sa wastong kahon sa ibaba sa gawing kanan ng Field Service Report slip.
5 Waring wastong ilakip ang paalaala na ang inyong oras sa paglilingkod sa larangan ay dapat na magpasimula kapag kayo ay nag-umpisa sa inyong gawaing pagpapatotoo at nagwawakas kapag kayo ay natapos sa inyong huling pagdalaw sa bawa’t panahon ng inyong pagpapatotoo. Kaya, ang panahon ng paghinto para sa pagmimiryenda o pagkain samantalang nasa paglilingkod sa larangan ay hindi ibibilang na oras sa paglilingkod sa larangan. Yaong mga nagbibigay ng pahayag pangmadla ay maaaring bumilang ng oras na ginagamit sa gayong pagpapahayag. (Tingnan ang Ating Ministeryo, pahina 104, parapo 1.) Sa pamamagitan ng pagiging taimtim sa pag-uulat, makatutulong tayo sa pagkakaroon ng tumpak na ulat na inilalathala sa Yearbook.
6 Yamang ang kalihim ay nagpapadala ng ulat ng kongregasyon sa Samahan sa ikaanim ng susunod na buwan, mahalaga na magbigay karakaraka ang bawa’t mamamahayag ng kaniyang ulat ng paglilingkod sa larangan sa katapusan ng buwan. Bilang pagbibigay ng konsiderasyon sa kaayusang ito, nanaisin ng bawa’t mamamahayag na sunding maingat ang tagubiling ito. Ang kalihim ay mayroon lamang anim na araw upang tipunin ang lahat ng ulat, kunin ang kabuuan nito, at ipadala sa koreo ang ulat ng kongregasyon upang ito’y matanggap ng Samahan nang nasa panahon at ito’y maisama sa paglilingkod sa larangan ng mahigit sa 2,700 iba pang mga kongregasyon sa bansang ito.
7 Ang bawa’t mamamahayag na kusang-loob na nakikipagtulungan sa nabanggit na pang-organisasyonal na kaayusan ay maaaring magkaroon ng kasiyahan sa pagkaalam na siya’y nakatulong sa paggawa ng isang tumpak na ulat sa pambuong daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova. (Ihambing ang Ezekiel 9:11.) Tayo nawang lahat ay magbigay ng ulat ng paglilingkod sa larangan nang wasto at nasa panahon!