Nakatutulong Ka Ba sa Pagkakaroon ng Tumpak na Ulat?
1 Maraming ulat sa Bibliya ang naglalakip ng espesipikong mga bilang, na nakatutulong upang maipakita ang malinaw na larawan ng kung ano ang naganap. Halimbawa, nilupig ni Gideon ang kampo ng Midian sa pamamagitan lamang ng 300 lalaki. (Huk. 7:7) Ang anghel ni Jehova ay pumatay ng 185,000 sundalong Asiryano. (2 Hari 19:35) Noong Pentecostes 33 C.E., mga 3,000 ang nabautismuhan, at di-nagtagal pagkatapos nito ay dumami ang mga mananampalataya at umabot ng mga 5,000. (Gawa 2:41; 4:4) Maliwanag mula sa mga ulat na ito na ang sinaunang mga lingkod ng Diyos ay gumawa ng malaking pagsisikap upang matipon ang isang kumpleto at tumpak na rekord.
2 Tinatagubilinan tayo ng organisasyon ni Jehova sa ngayon na iulat ang ating gawain sa paglilingkod sa larangan bawat buwan. Ang ating buong-katapatang pakikipagtulungan sa kaayusang ito ay nakatutulong sa mabisang pangangasiwa sa gawaing pangangaral. Maaaring isiwalat ng mga ulat na ang isang aspekto ng ministeryo ay kinakailangang bigyan ng pansin o na kinakailangan ang higit pang manggagawa sa isang partikular na bahagi ng larangan. Sa kongregasyon, ang mga ulat sa paglilingkod sa larangan ay tumutulong sa matatanda na matukoy yaong mga may potensiyal na sumulong sa kanilang ministeryo gayundin yaong mga maaaring nangangailangan ng tulong. At ang mga ulat sa pagsulong ng gawaing pangangaral ng Kaharian ay nakapagpapatibay sa buong kapatirang Kristiyano. Ginagawa mo ba ang iyong bahagi upang makatulong ka sa pagkakaroon ng tumpak na ulat?
3 Ang Iyong Personal na Pananagutan: Kapag katapusan ng buwan, nahihirapan ka bang alalahanin kung ano ang nagawa mo sa ministeryo? Kung oo, bakit hindi itala ang iyong gawain sa tuwing makikibahagi ka sa paglilingkod sa larangan? Ang ilan ay gumagamit ng kalendaryo o talaarawan. Ang iba naman ay nagdadala ng blangkong report slip ng paglilingkod sa larangan. Sa katapusan ng buwan, ibigay agad ang iyong ulat sa inyong tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat. O kung gusto mo, maaari mong ihulog ang iyong ulat sa kahon ng ulat na nasa Kingdom Hall. Kung nakalimutan mong ibigay ang iyong ulat, makipag-ugnayan agad sa inyong tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat sa halip na hintayin na siya ang lumapit sa iyo. Ang buong-katapatang pag-uulat ng iyong gawain ay nagpapakita ng paggalang sa kaayusan ni Jehova at maibiging konsiderasyon sa mga kapatid na inatasang mangolekta at maglista ng mga ulat.—Luc. 16:10.
4 Ang Papel ng Tagapangasiwa sa Pag-aaral sa Aklat: Bilang isang alisto at maalalahaning pastol, interesado ang tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat sa gawain ng grupo sa buong buwan. (Kaw. 27:23) Alam niya kung ang bawat mamamahayag ay regular, makabuluhan, at maligayang nakikibahagi sa larangan at alisto siya sa pagtulong kung may sinuman na hindi nakibahagi sa loob ng isang buwan. Kadalasan, ang kailangan lamang ay pampatibay-loob, praktikal na mungkahi, o isang paanyaya na samahan siya sa paglilingkod sa larangan.
5 Sa katapusan ng buwan, titiyakin ng tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat na lahat ng kabilang sa grupo ay gumawa ng kanilang pananagutan na iulat ang gawain nila upang ang kalihim ay makapagpadala ng isang tumpak na ulat ng kongregasyon sa tanggapang pansangay sa ikaanim na araw ng sumunod na buwan. Habang papalapit ang katapusan ng buwan, makatutulong sa kaniya na paalalahanan ang grupo at maghanda ng mga report slip sa pinagdarausan ng pag-aaral sa aklat. Kung may sinumang makakalimutin sa pag-uulat ng kaniyang gawain, makapagbibigay ang tagapangasiwa ng angkop na paalaala at pampatibay-loob.
6 Ang maagap na pagbibigay ng ating mga ulat sa paglilingkod sa larangan ay nakatutulong sa pagkakaroon ng isang tumpak na ulat na nagpapakita kung ano ang nagawa sa larangan. Gagawin mo ba ang iyong bahagi sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat ng iyong gawain sa bawat buwan?