Magdaos ng Sumusulong na mga Pag-aaral sa Bibliya
1 Ang mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay dapat pasimulan at idaos taglay ang malinaw na layunin sa kaisipan, na iyon ay upang tulungan ang estudiyante na maging isang mabungang alagad ni Kristo Jesus. (Mat. 13:23) Tulungan ang estudiyante na maunawaang ang pag-aaral ay idaraos linggu-linggo upang tulungan siyang magkaroon ng saligang kaalaman sa Salita ng Diyos. Gayundin, maibiging ipakita sa kaniya ang pagkaapurahan ng paggawa ng tunay na pagsulong sa pamamagitan ng pagkakapit sa kaniyang natututuhan. (Kaw. 22:17; Fil. 3:16) Subali’t sa anong mga espesipikong dako dapat makita ang pagsulong?
2 Sa pana-panahon ay dapat alamin ng mamamahayag ang pagsulong ng estudiyante sa Bibliya. Tanungin ang inyong sarili: Siya ba’y naghahanda nang patiuna ng kaniyang aralin, na tinitingnan ang mga maka-Kasulatang reperensiya na binabanggit subali’t hindi sinisipi? (Gawa 17:11; 1 Tes. 2:13) Ang kaniya bang komento ay ibinibigay sa sariling pangungusap? (Kaw. 2:1-6) Angkop bang pasiglahin siyang gumawa ng mga karagdagang pagbabasa ng Salita ng Diyos? May suskripsiyon ba siya ng Gumising! at Ang Bantayan? Siya ba ay sumulong na hanggang sa punto na kaniyang mapapahalagahan ang paglalaan para sa pang-araw-araw na teksto?
3 Ipinakikita ba niya sa pamamagitan ng kaniyang pananalita, saloobin, at paggawi na kaniyang ikinakapit ang pamantayan ng Bibliya hinggil sa moralidad? (1 Cor. 6:9, 10) Siya ba’y gumagawa ng pagbabago sa kaniyang personalidad? (Efe. 4:22-24) Siya ba’y nakikipag-usap nang impormal sa mga kamag-anak, kamanggagawa, o kapitbahay hinggil sa mga bagay na kaniyang natututuhan? (Luc. 6:45) Siya ba’y mayroong regular na kaayusan sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon? (Heb. 10:22-25) Ang pagsasaalang-alang sa pagsulong ng estudiyante sa mga bagay na ito ay tutulong upang malaman kung hanggang saan niya ‘tinatanggap nang may kaamuan ang salita.’—Sant. 1:21.
PAGHINTO SA MGA DI MABUNGANG PAG-AARAL
4 Kapag ang estudiyante ay hindi gumagawa ng makabuluhang pagbabago pagkatapos ng isang makatuwirang yugto ng panahon, kaypala’y isang katalinuhan na ihinto na ang pag-aaral. Ipakita sa maybahay na habang natututuhan ang mga katotohanan sa Bibliya, ang mga ito ay dapat na ikapit. Sa pamamagitan ng paggamit sa talinghaga ni Jesus ng manghahasik, maaari ninyong talakayin ang apat na uri ng lupa na tinutukoy doon at pagkatapos ay ipakita kung papaanong ang ilustrasyong ito ay nagdiriin sa pangangailangang tumugong may pagsang-ayon sa mensahe ng Kaharian. Maging mabait, subali’t tuwiran at naiintindihan. (1 Cor. 14:8, 9) Ipabatid sa kaniya na ang pag-aaral ay maaaring ipagpatuloy kapag naisagawa na niya ang kinakailangang pagbabago. Samantala, sa pana-panahon ay dadalaw kayo upang pasiglahin siya.
5 Kapag nakasumpong ng mga tao sa teritoryo na noong una’y nakipag-aral na, makabubuting kausapin muna ang dating nagdaos ng pag-aaral sa kaniya kasama ang tagapangasiwa sa paglilingkod at alamin kung bakit nahinto ang pag-aaral. Malamang na may mga dahilan na hindi ninyo nalalaman. Ang ilan ay nakipag-aral na sa iba’t ibang mamamahayag sa ilang mga taon subali’t hindi nagkaroon ng tunay na pagsulong. Kailangang gamitin natin ang panahon doon sa mga nagpapakita ng tunay na interes sa katotohanan.
6 Habang pinatatalas natin ang ating mga kakayahan sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya, marami pang matutulungan upang matuto, tumanggap, at mamuhay ayon sa katotohanan. Magbubunga ito ng pagkakaroon nila ng isang sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos na Jehova, at sa dakong huli ay buhay na walang hanggan.—Fil. 4:9; Juan 17:3.