Nagkakaisa sa Paggawa ng Kalooban ni Jehova
1 Yamang ang Disyembre ay ating buwan ng kombensiyon, tayong lahat ay nagpaplanong maglakbay patungo sa isang kombensiyon sa susunod na ilang linggo. Subali’t habang tayo’y nagbibigay-pansin sa ating mga plano sa kombensiyon, huwag nating lilimutin ang ating mahalagang gawain ng pangangaral sa buwang ito. Pinasisigla namin ang lahat na maglaan ng maraming oras hangga’t maaari sa ministeryo sa larangan sa mga linggo bago ang kombensiyon, na hindi kinaliligtaan ang ating mga pag-aaral sa Bibliya at ang regular na gawain sa bahay-bahay sa panahong ito.
2 Para sa maraming mga tao ang Disyembre ay isang buwan ng kapistahan. Ang kanilang isipan ay nakabaling sa mga selebrasyon, sa pagbili ng mga regalo, pagdalaw sa mga kamag-anak, abp. Yamang ang karamihan sa mga selebrasyon ay itinuturing na para kay Kristo, makabubuting itampok ang mga bagay hinggil kay Kristo sa ating gawaing pangangaral. Ang impormal na pagpapatotoo ay nagbibigay din ng pagkakataon upang talakayin ang tunay na layunin ng kapanganakan ni Jesus, na nagtatampok sa pantubos. Samantalang naglalakbay patungo at paalis sa kombensiyon maaaring magkaroon tayo ng maiinam na pagkakataon na kausapin ang mga tao sa mga puntong ito.
ANG ALOK
3 Ating iaalok Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya sa buwang ito. Gayumpaman, maaari ding ialok bilang kahalili ang aklat na Mabuhay Magpakailanman kung nais ninyo. Ang mga publikasyong ito ay naglalaan ng maraming paraan upang iharap ang mabuting balita. Ang Bahagi 6 ng aklat na Mga Kuwento sa Bibliya, pasimula sa kuwento 84, ay sumasaklaw sa yugto mula sa pagsilang ni Jesus hanggang sa kaniyang kamatayan. Taglay natin dito ang mayamang impormasyon sa mga paksang may kaugnayan sa pagsilang ni Jesus. Naririyan ang mga kuwentong pinamagatang “Dinalaw ng Anghel si Maria,” “Isinilang si Jesus sa Kuwadra,” at “Mga Lalaking Inakay ng Isang Bituin.” Sa tatlong mga kuwentong ito lamang ay maraming punto kayong magagamit sa panahon ng kapaskuhan. Ito’y lalo nang totoo kapag may mga anak sa pamilya.
4 Ang Kabanata 6 ng aklat na Mabuhay Magpakailanman ay pinamagatang “Si Jesu-Kristo—Isinugo ng Diyos?” Ito’y naglalaan ng maraming litaw na punto hinggil sa pag-iral ni Jesus bago naging tao, ang kaniyang buhay sa lupa, at ang kaniyang kasalukuyang kalagayan bilang Tagapamahala sa Kaharian ng Diyos. Ang paggamit sa mga puntong ito ay magpapalaki sa kanilang interes sa wastong impormasyon hinggil sa ating Panginoon sa buwang ito kapag ang kanilang mga isipan ay nakapako sa pagsilang ni Jesus.
5 Palibhasa’y marami sa mga kabataang mamamahayag ang nagbabakasyon sa Disyembre, sila rin ay maaaring lubusang makabahagi sa gawain sa Kaharian kasama ng kanilang pamilya sa buwang ito. Yamang may limang Sabado at limang Linggo sa Disyembre, marami ang maaaring maging auxiliary payunir sa kabila ng pagdalo sa isang kombensiyon.
6 Dapat tiyakin ng mga matatanda na makapag-eskedyul ng sapat na mga pagtitipon bago maglingkod at gumawa rin ng isang pantanging pagsisikap na tipunin ang lahat ng ulat sa katapusan ng buwan upang ang ulat ng kongregasyon ay maging kompleto. Hayaang magsikap ang lahat na samasamang gumawa ng kalooban ni Jehova sa Disyembre.