Pagtatamasa ng Kasiyahan sa Teokratikong Pagsasamahan
1 Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatawagan bilang “kapatid na lalake” at “kapatid na babae.” Ito’y nagpapakita sa malapit na kaugnayang umiiral sa lahat ng mga lingkod ni Jehova.
2 Ang terminong “kapatid” ay literal na nangangahulugang “anak ng iisang magulang.” Nadarama ba ninyo ang buklod ng mainit na espirituwal na kaugnayan sa lahat ng naaalay na mga lingkod ni Jehova? Papaano pa natin higit na malilinang ang pag-ibig pangkapatiran sa ating mga kasamang Kristiyano?
SA MGA PULONG
3 Pinahalagahan ng mga alagad ni Jesus ang pagtitipong magkakasama. (Gawa 2:42, 46; 20:7, 8) Pinahahalagahan din natin ang mainit na pagsasamahang Kristiyano. (Roma 16:3, 5) Gayunman, ang atin bang mga kapahayagan sa mga pulong ay nagpapakita na talagang tayo’y nababahala sa espirituwal na kapakanan ng ating mga kapatid? Sa pamamagitan ng ating mga komento sa pulong, maitataguyod natin ang pag-ibig at kawalang pag-iimbot sa kapakanan ng iba, na pinatitibay ang ating mga kapatid na maging masigasig sa paglilingkod at maging huwaran sa paggawi.—Heb. 10:24, 25.
4 May maraming pagkakataon para sa teokratikong pagsasamahan bago at pagkatapos ng mga pulong. Dapat nating gamitin ito upang mapalawak ang ating pagtanggap sa mga baguhan at makilala ang marami hangga’t maaari. Ang pagsasabi ng mga karanasan ay makatutulong sa ikatitibay ng iba.—1 Tes. 5:11, 15.
KASIYASIYANG PAGSASAMAHAN
5 Ang isa ay hindi maaaring lumakad na kasama ng Diyos habang nakikisama doon sa mga nasa balakyot at maysakit na lipunan na sumasang-ayon sa lahat ng mga bagay na kinapopootan ng Diyos. Ang Bibliya ay nagbabala: “Ang masamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.” (1 Cor. 15:33) Maaaring ang iba ay may hilig na mag-anyaya ng mga kakilala sa sanlibutan at mga kamag-anak na di kapananampalataya sa mga sosyal na pagtitipon, na iniisip na ito’y maaaring magpasigla sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Gayunman, ito ba’y katalinuhan at kaayon ng mga Kasulatan?
6 Tayo ay pinayuhan na maging maingat sa ating pakikitungo sa mga tao ng mga bansa at sa mga di sumasampalataya. (Tingnan ang Nobyembre 15, 1988 ng Bantayan, mga pahina 15-16.) Bakit kailangan pa tayong magkaroon ng di kinakailangang pakikipag-ugnayang sosyal sa mga tao na nagtataguyod sa makasanlibutang pamamaraan at hindi naging mga mananampalataya ni Jehova? (2 Cor. 6:14, 15) Ang ilan na nagpabaya sa kanilang espirituwalidad ay maaaring makihalubilo sa mga may makasanlibutang kaisipan at pamamaraan sa halip na makipagsamahan sa maygulang na mga Kristiyano na makatutulong sa kanilang magkaroon ng matibay na pananampalataya. Hindi nila napagtanto na ang pagdalo sa mga sosyal na pagtitipon kasama ng mga makasanlibutang tao ay maaaring magpahina sa kanilang pananampalataya at magpasamâ sa kanila.—Ihambing ang 2 Tesalonica 3:14, 15.
7 Ang ating mga kaibigan at kasamahan ay maaaring magkaroon ng matinding epekto sa atin. Kaya, gaano katalino na hanapin ang pakikipagsamahan ng maka-Diyos na mga tao na nananatili sa kanilang malapit na kaugnayan kay Jehova at makatutulong sa atin na patuloy na lumakad sa katotohanan!