Mga Kabataan, Magpatotoo Nang Mabisa sa Paaralan
1 Ang paglilingkod kay Jehova samantalang kayo ay bata pa ay isang kahanga-hangang bagay. (Ecles. 12:1) Kayo mga kabataan ay may pantanging pagkakataon na maibahagi ang katotohanan sa inyong mga kamag-aral at mga guro, isang teritoryo na kadalasa’y hindi naaabot ng mga matatanda. Kayo ba ay alisto na makapagpatotoo sa impormal na paraan sa paaralan?
2 Bakit nasusumpungan ng ilan na mahirap magpatotoo sa paaralan? Iyon kaya’y dahilan sa takot sa maaaring sabihin ng kanilang mga kaklase? (Ihambing ang Marcos 8:38.) Marahil ay naranasan na ninyo ang gayong takot nang una kayong magbahay-bahay. Gayumpaman, kung inyong pinahahalagahan ang pangangailangan ng ibang mga kabataan para sa katotohanan, kayo’y maghahanap ng pagkakataon upang ibahagi sa kanila ang pabalita ng Kaharian. (Mat. 9:36-38; Luc. 12:8, 9) Upang ito’y magawa nang mabisa nangangailangan ng patiunang paghahanda sa inyong bahagi.
PAPAANO GAGAWIN IYON
3 Isang kabataan ang nagbabasa ng kaniyang aklat na mga Kuwento sa Bibliya sa paaralan araw-araw ng 15 minuto sa panahong walang klase. Nang ang kaklase ay magtanong hinggil sa aklat, inanyayahan niyang maupo ito at isinaalang-alang nilang dalawa ang isang kuwento. Makaraan iyon, siya ay may pananabik na nagbalik upang maisaalang-alang ang susunod na kuwento. Sinabi niya sa kaniyang ina ang tungkol sa kaniyang natututuhan. Bilang resulta, ang kaniyang ina ay nagpasimulang mag-aral ng Bibliya at dumalo sa mga pagpupulong kasama ang kaniyang anak na babae.
4 Bakit hindi manguna sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa aklat na mga Kuwento sa Bibliya? Halimbawa, maaari ninyong sabihin: “Ang aklat na ito ay nagpapakita kung papaano iniligtas ng Diyos ang kaniyang tapat na mga lingkod. [Bumaling sa kuwento 79.] Ipinagsanggalang ni Jehova si Daniel sa yungib ng leon. Sa palagay mo ba’y ililigtas niya ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pag-aalis ng kasamaan sa hinaharap?” Pagkatapos ay maaari kayong bumaling sa kuwento 114 at ipakita kung papaanong pupuksain ni Jehova ang kabalakyutan at ililigtas ang kaniyang bayan.
5 Maaari ninyong ilagay ang aklat na Creation sa ibabaw ng inyong mesa upang makita ng iba. O maaaring buksan ninyo ang larawan sa pahina 83 at tanungin ang inyong guro o kamag-aral: “Sa palagay ba ninyo’y ganito ang anyo ng ating mga ninuno?” Pagkatapos ay maaari ninyong talakayin ang impormasyon sa pahina 89, mga parapo 19 at 20. Maaaring mapukaw ang pagkamausisa ng iba kung ipakikita sa kanila ang mga paksa ng mga kabanata na nakatala sa pahina 5. Kung sila’y nagpakita ng interes, maaari ninyong ipakita kung papaano mapag-aaralan ang aklat sa pamamagitan ng pagbasa ng isang parapo at paggamit sa katanungan sa ibaba ng pahina.
6 Isang mamamahayag na tin-edyer sa mataas na paaralan ang naglagay ng tunguhin na makapagsimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. Isang kaklase na may suliranin sa kaniyang mga magulang ang nagsabi sa Saksing babae tungkol dito. Ang kabataang mamamahayag ay nagpakita sa kaniya ng angkop na artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” mula sa Gumising! Napukaw ang interes ng kamag-aral at nagtanong pa ng marami. Ang kabataang mamamahayag ay nakapaglagay sa kaniya ng aklat na Mabuhay Magpakailanman, at ipinaliwanag na ito ay makatutulong upang masagot ang kaniyang mga katanungan, at napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.
7 Upang maging saksi ni Jehova, kailangang tayo’y magsalita ng tungkol sa kaniya. (Isa. 43:10-12) Kayo ba’y taimtim na nagsisikap na ibahagi ang katotohanan sa inyong mga kamag-aral o mga guro sa inyong paaralan? Maghanda ng kapanapanabik na mga paksa na ipakikipag-usap sa kanila. Gumawa ng pagsisikap. Hilingin ang tulong ng inyong mga magulang at ng iba pa. Manalangin kay Jehova na pagpalain ang inyong mga pagsisikap, kung papaanong kaniyang pinagpapala ang maraming mga kabataan na naging mabisa sa pagpapatotoo hinggil kay Jehova sa paaralan.—Col. 1:9, 10.