Patiunang Paghahanda Para sa Setyembre
1 Bilang paghahanda sa pagpapasimula ng isang bagong taon ng paglilingkod sa Setyembre, makabubuting isaalang-alang nating lahat kung ano ang naisagawa sa nakaraang taóng ito ng paglilingkod at kung ano ang nais nating maisagawa sa dumarating na taon. Gaya ng sinabi ni apostol Pablo: “Lamang, ay magsilakad tayo ayon sa gayon ding ayos na ating inabot na.”—Fil. 3:16.
2 Ginawang tunguhin ng maraming mga kabataang nasa paaralan na magpatotoo sa kanilang kamag-aral at magsikap na makapagtatag ng pag-aaral sa Bibliya. Kayong mga magulang na may mga anak na nasa paaralan ay maaaring makasumpong na ang Setyembre ay isang mainam na buwan para mag-auxiliary payunir. Tandaan na ang Setyembre sa taóng ito ay may limang Sabado at limang Linggo, kaya marami ang maaaring makapag-auxiliary payunir sa buwang ito.
3 Marami sa mga matagumpay na nakapag-auxiliary payunir kamakailan lamang ang magnanais na isaalang-alang ang pagiging regular payunir pasimula sa Setyembre 1 kung ipinahihintulot ng kanilang mga kalagayan. Anong inam na paraan upang pasimulan ang isang bagong taon ng paglilingkod!
4 Para doon sa mga pumapasok pa sa paaralan, maaari ba kayong mag-eskedyul ng inyong panahon para sa teokratikong aralin gaya na rin sa inyong araling bahay? Makatutulong ito sa inyo na maging kuwalipikado para sa karera ng pambuong panahong paglilingkuran at tutulong sa inyo na makapanatili sa daan ng buhay. (Isa. 30:21) Ang mahahalagang panahon ay maaaring mawala sa panonood ng telebisyon. Bakit hindi gamitin ang panahong iyon para sa mga teokratikong gawain?—1 Tim. 4:15.
5 Huwag ninyong hayaang lumipas ang panahon gaya ng mga ulap sa kalangitan, kundi planuhin ang inyong panahon at magtakda ng mga tunguhin upang doon gamitin ang inyong panahon sa paraang magdudulot ng karangalan kay Jehova.—Ecles. 11:4.