Maglagay ng Personal na mga Tunguhin Para sa Bagong Taon ng Paglilingkod
1 Kayo ba’y maligaya sa inyong mga natamo sa espirituwal na paraan? Makabubuti na patuloy na sumulong sa espirituwal, subali’t ito’y nangangailangan ng pagsisikap. Ang paglalagay ng mga tunguhin para sa atin at sa ating sambahayan ay nakatutulong. Ang tunguhin ay siyang hantungan ng pagsisikap. Upang maging kalugod-lugod kay Jehova, ang ating mga tunguhin ay dapat na kaayon ng kaniyang kalooban. Sa gayong paraan, tinutularan natin ang kaisipan ni Jehova at itinataguyod ang mga teokratikong tunguhin, kagaya ng ginawa ni Jesus. (Juan 17:4) Kung gayon ay makakasumpong tayo ng malaking kagalakan at kasiyahan sa ating buhay sa paglilingkod kay Jehova.—Juan 15:10, 11.
2 Anong mga tunguhin ang inyo nang natamo sa pagtataguyod sa mga kapakanan ng Kaharian sa nakaraang taon ng paglilingkod? Ang bagay na marami ang nakaabot sa mga tunguhing kanilang inilagay para sa sarili ay nakikita sa bilang ng mga nabautismuhan. Gayundin, libu-libo ang nagpatala bilang mga auxiliary at regular payunir. Marami ang nagsaayos na maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan. Ang ilang mga kapatid ay nakaabot sa personal na tunguhin nang sila’y anyayahan sa gawaing espesyal payunir o sa Bethel o sa konstruksiyon.
MGA TUNGUHING MAAARI NINYONG ISAALANG-ALANG
3 May mga angkop na tunguhin ba na maaari ninyong maabot? Upang ang mga baguhan ay magkaroon ng mabuting pagsulong sa espirituwal, ang pagiging regular sa pagdalo sa mga pulong at pakikibahagi sa Teokratikong Paaralan sa Pagmiministro ay mga maiinam na tunguhin. Kung hindi kayo nagkokomento nang palagian sa mga pulong, bakit hindi ninyo gawing tunguhin iyon? Ang iba ay maaaring makinabang mula sa inyong pag-aaral at pagsasaliksik, at ang inyong panghahawakan sa katotohanan ay mapatitibay.—Heb. 10:24, 25.
4 Kayo ba’y kuwalipikado na makibahagi sa ministeryo sa larangan? Ginagawa ba ninyo iyon nang palagian? Kayo ba ay nagbabasa ng mga bagong publikasyon kapag iyon ay lumalabas, upang makaalinsabay sa mainam na tagubilin mula sa tapat at maingat na alipin? Kung natamo na ninyo ang mga tunguhing ito, hindi kaya ang pag-aalay at bautismo ay mga wastong tunguhin na marapat ninyong isaalang-alang?
5 Kayo ba ay nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya? Kayo ba ay nananalangin ukol sa tulong upang makapagpasimula ng isa? Lubusan ba kayong nagsasagawa ng mga pagdalaw-muli, nag-aalok ng pag-aaral sa mga taong interesado na inyong nasusumpungan? Kung ang inyong pinagdarausan ng pag-aaral ay kuwalipikado na makibahagi sa paglilingkod sa larangan, sinasanay ba ninyo siya sa ministeryo?
6 Kayo ba ay nagtatakda ng tunguhin sa oras bawa’t buwan? O nasubukan na ba ninyo ang paglilingkod bilang auxiliary payunir? Marahil kayo ay nasa kalagayan na magpasimula sa paglilingkod bilang isang regular payunir, na ibinabahagi sa iba ang mabuting balita sa loob ng 90 oras bawa’t buwan. Sa takdang panahon, kayo ay maaaring magkaroon ng pantanging pagsasanay na inilalaan ng Pioneer Service School. Dapat na pagsikapang abutin ng mga kapatid na lalake ang pribilehiyo ng paglilingkod bilang mga ministeryal na lingkod at mga matatanda.—1 Tim. 3:1.
7 Ang mga personal na tunguhin na ating inilalagay para sa sarili ay dapat na maglapit sa atin kay Jehova at magpangyari na tayo’y higit na makabahagi nang lubusan sa pagsasagawa ng kaniyang kalooban. Sinabi ni Pablo na kaniyang “nililimot ang mga bagay na nasa likuran at tinutungo ang mga bagay na hinaharap.” Pinasigla niya tayo na magkaroon ng isang positibong kaisipan hinggil sa mga teokratikong tunguhin na “sa gayon ding ayos na ating inabot na,” tayo’y dapat na “patuloy na lumakad nang may kaayusan sa gayon ding paraan.”—Fil. 3:13, 16.