Mga Kabataan—Abutin ang Kapakipakinabang na mga Tunguhin
1 Napansin ng marami sa ating mga kabataan na walang kabuluhan ang pag-abot sa mga materyalistikong tunguhin, lakip na yaong may kinalaman sa mataas na sekular na edukasyon. Sila’y nagpasiya na ang gayong mga tunguhin ay hindi sulit sa mga panganib na maaaring maranasan. Ang mga kapakinabangan mula sa makasanlibutang mga tagumpay ay maaari lamang magtagal hangga’t umiiral ang sistemang ito, na nalalapit na ngayon sa kaniyang katapusan. Gayumpaman, ang mga teokratikong tunguhin ay nagiging kasiyasiya sa indibiduwal sa ngayon at umaakay tungo sa walang hanggang kaligtasan.—Ecles. 12:1, 13.
MGA TEOKRATIKONG TUNGUHIN
2 Bilang mga kabataan sa ngayon, nagsasaliksik ba kayo upang “masumpungan ang mismong kaalaman ng Diyos”? (Kaw. 2:1-5) Hindi ninyo kailanman matatamo ang kaalamang ito ng Diyos malibang kayo ay mag-aral ng kaniyang Salita. Sa pamamagitan ng palagiang personal na pag-aaral naikikintal ninyong malalim sa inyong kaisipan at puso ang maka-Kasulatang materyal na dinisenyo upang lalo kayong mapalapit kay Jehova. Higit na marami kayong matututuhan at matatandaan. Ito’y tutulong sa inyo na gumawa ng mga pagpapasiya kapag napaharap sa mga mahahalagang isyu. Habang ginagawa ninyo ito, dapat na sumulong ang inyong kakayahang bumasa, lakip na ang inyong balarila at bukabularyo.
3 Hindi ninyo matatamo ito sa loob ng isang araw. Ang pagsulong tungo sa espirituwal na pagkamaygulang ay nangangailangan ng panahon at pagtitiyaga. Subali’t kung kayo ay naglalagay ng mga tunguhin at patuloy na gumagawa ng pagsulong, maaaring matamo ang espirituwal na pagkamaygulang.
4 Inaabot ba ninyo ang mga pribilehiyo ng paglilingkod? Mayroon ba kayong personal na tunguhin na maglagay ng tiyak na dami ng oras sa ministeryo bawa’t linggo? Tunguhin ba ninyo na magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya? Ang ilan sa paaralan ay naglagay ng isang tunguhin na maging isang auxiliary payunir sa mga buwan ng bakasyon.
5 Kumusta naman ang mga tunguhin para sa susunod na taon at pagkatapos noon? Tunguhin ba ninyo na maging isang regular payunir na ministro? Kung kayo’y isang kabataang lalaki, kayo ba ay naghahangad ng pribilehiyo na maglingkod bilang isang ministeryal na lingkod at maging isang matanda sa hinaharap? Sa pamamagitan ng paglalagay ng tiyak na mga tunguhin at sa pagsasagawa ng mga iyon, maaari ninyong ugitan ang inyong buhay sa isang higit na kapakipakinabang na paraan.
6 Tandaan na ang ilang matatanda, tagapangasiwa ng sirkito at distrito, misyonero, at yaong nasa paglilingkurang Bethel ay mga kabataan din noong napasa katotohanan. Subali’t nagsikap silang sumulong at lumaki sa kaalaman at sa kakayahan sa paglilingkod sa Diyos at sa kanilang mga kapatid. Ang halimbawa ng kanilang sigasig ay dapat na magpasigla sa inyo na gamiting mabuti ang inyong panahon samantalang nasa kabataan pa.
7 Ang mga tunguhin ay dapat na maging praktikal at inilagay ayon sa maaabot ninyo. Ang bawa’t isa ay may pagkakaiba sa pisikal, isipan at emosyon. Naririyan din ang iba’t ibang antas ng espirituwal na paglaki. Kaya, huwag asahang magagawa ninyo ang isang bagay dahilan lamang sa iyon ay nagagawa ng iba.
8 Makatitiyak kayong mapaliligaya si Jehova kapag kayo ay umaabot sa mga espirituwal na tunguhin. Habang kayo ay gumagawa tungo sa pagtatamo sa mga tunguhing ito, isagawa iyon taglay ang determinasyong gawin ang buong makakaya. Sulit ang lahat ninyong pagsisikap at ito’y magdudulot ng mayamang pagpapala para sa inyo ngayon at sa mga taóng darating.—Fil. 4:13.