Kung Paano Aabutin ang Iyong Espirituwal na mga Tunguhin
1. Anu-ano ang espirituwal na mga tunguhin ng maraming kabataang Kristiyano?
1 Bilang isang kabataang Kristiyano, ang mga tunguhin mo sa buhay ay tiyak na naiimpluwensiyahan ng iyong pag-ibig kay Jehova at ng tagubilin ni Jesus sa lahat ng mga Kristiyano na “hanapin muna ang kaharian.” (Mat. 6:33) Baka tunguhin mong palawakin ang iyong ministeryo sa pamamagitan ng pagpapayunir o paglilingkod kung saan may higit na pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Marahil iniisip ng ilan na magboluntaryo sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, maglingkod sa Bethel, o maging isang misyonero. Tunay ngang kasiya-siya at kapuri-puring mga tunguhin ito!
2. Ano ang makatutulong sa iyo upang maabot mo ang iyong espirituwal na mga tunguhin?
2 Ang isang tulong upang maabot ang iyong espirituwal na mga tunguhin ay isulat ang mga ito. Ganito ang sinabi ng Bantayan ng Hulyo 15, 2004: “Ang isang malabong ideya ay lumilinaw at nakikita kapag ipinahayag [mo] ito sa salita. . . . Baka gusto [mong] isulat sa papel ang [iyong] mga tunguhin at ang mga paraan upang maabot ang mga ito.” Bukod pa riyan, ang panimulang mga tunguhin ay makatutulong upang masuri mo ang iyong pagsulong at mapanatili ang iyong pokus habang itinataguyod mo ang pangmatagalang tunguhin.
3. Banggitin ang ilang tunguhing madaling abutin na makatutulong sa isa upang maging kuwalipikado para sa bautismo.
3 Mga Tunguhing Madaling Abutin: Kung hindi ka pa bautisado, isaalang-alang kung ano ang kailangan mong gawin upang maabot ang tunguhing iyon. Baka kailangang higit mo pang maunawaan ang pangunahing mga turo sa Bibliya. Kung gayon, gawin mong tunguhin na pag-aralang mabuti ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, na tinitingnan ang lahat ng binanggit na kasulatan. (1 Tim. 4:15) Magtakda rin ng tunguhin na basahin ang buong Bibliya mula Genesis hanggang Apocalipsis, gaya ng hinihiling sa mga Bethelite at mga estudyante sa Gilead. Pagkatapos, panatilihin ang regular na programa ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw. (Awit 1:2, 3) Gunigunihin kung gaano kalaking tulong iyan upang sumulong ka sa espirituwal! Manalangin nang taos-puso bago at pagkatapos mong magbasa at mag-aral ng Bibliya, at laging sikaping ikapit ang iyong natutuhan.—Sant. 1:25.
4. Anu-anong tunguhing madaling abutin ang maaaring itakda ng isang Kristiyano na may pangmatagalang tunguhin na maglingkod sa Bethel o maging misyonero?
4 Kung bautisado ka na, anu-ano pang tunguhin ang maaari mong abutin? Kailangan mo bang pasulungin ang iyong mga kasanayan sa pangangaral? Halimbawa, maaari mo bang gawing tunguhin na maging mas bihasa sa paggamit ng Salita ng Diyos sa ministeryo sa larangan? (2 Tim. 2:15) Paano mo mapalalawak ang iyong ministeryo? Magtakda ng espesipiko at madaling-abuting mga tunguhin na bagay sa iyong edad at mga kalagayan at na tutulong upang maabot mo ang iyong pangmatagalang mga tunguhin.
5. Paano nakatulong sa isang brother ang pagtatakda ng mga tunguhing madaling abutin upang makamit ang kaniyang tunguhing maglingkod sa Bethel?
5 Isang Kuwento ng Tagumpay: Nang dumalaw sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ang 19-anyos na si Tony, napasigla siyang maglingkod sa Bethel. Gayunman, suwail siya, at hindi pa nga siya nakaalay sa Diyos. Nagpasiya si Tony na iayon ang kaniyang buhay sa mga pamantayan ni Jehova at ginawa niyang tunguhin na maging kuwalipikado para sa bautismo. Nang maabot niya ang tunguhing iyon, sinikap naman niyang makapag-auxiliary pioneer at maging regular pioneer, anupat isinusulat sa kaniyang kalendaryo ang mga petsa kung kailan niya gustong magsimula. Gunigunihin ang kaniyang kagalakan nang, pagkatapos makapagpayunir sa loob ng ilang panahon, siya ay inanyayahang maglingkod sa Bethel!
6. Ano ang makatutulong sa iyo na maabot ang iyong espirituwal na mga tunguhin?
6 Maaabot mo rin ang iyong espirituwal na mga tunguhin habang inuuna mo ang mga kapakanan ng Kaharian. Ipanalangin kay Jehova ang “iyong mga gawain” at puspusang magsikap na abutin ang mga ito.—Kaw. 16:3; 21:5.