Mga Kabataan—Ano ang Inyong Espirituwal na mga Tunguhin?
1 Nalalaman ni Jehova kung gaano kahalaga ang makabuluhang gawain at ang abot-kayang mga tunguhin sa pagdudulot ng kaligayahan. (Tingnan ang Genesis 1:28; 2:15, 19.) Sa ngayon, si Jehova ay nagbigay sa kaniyang bayan ng atas na mangaral at magturo. Taglay din natin ang ultimong tunguhin na tamuhin ang buhay na walang hanggan sa Paraiso. Samantala, kailangan nating maglagay ng progresibong mga espirituwal na tunguhin upang maiwasan natin ang maling paggamit sa ating lakas at tinatangkilik.—1 Cor. 9:26.
2 Makatotohanang mga Tunguhin Para sa mga Kabataan: Kailangang magkaroon ang mga kabataan ng teokratikong mga tunguhin na maaaring abutin depende sa kanilang indibiduwal na mga kakayahan. (1 Tim. 4:15) Naabot ng ilang mga batang-bata pa ang tunguhing sauluhin ang mga aklat ng Bibliya kahit na bago pa sila natutong bumasa. Sa pamamagitan ng pampamilyang pag-aaral, natutuhan ng mga bata na maghanda para sa mga pulong upang abutin nila ang tunguhing makagawa ng makabuluhang mga komento at magpatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Habang sinasamahan ng mga bata ang kanilang mga magulang sa paglilingkod sa larangan, sila’y natututong magkaroon ng bahagi sa pagbibigay ng patotoo at sumulong tungo sa tunguhin ng pagiging di-bautisadong mga mamamahayag. Dapat na ingatan ng mga magulang sa harapan ng kanilang mga anak ang tunguhin ng pag-aalay at bautismo.
3 Kung ikaw ay isang tin-edyer, ano ang kalakip ng iyong espirituwal na mga tunguhin? “Alalahanin ngayon ang iyong Dakilang Maylikha” sa pamamagitan ng pagtutuon sa tunay na mahahalagang tunguhin sa buhay. (Ecles. 12:1; Awit 71:17) Bakit hindi mag-auxiliary pioneer sa panahon ng bakasyon sa paaralan o sa iba pang mga panahon? Naisip mo na bang pumasok sa pambuong panahong ministeryo bilang isang regular pioneer? Ano naman ang tungkol sa pagkatuto ng isang bagong wika upang sa hinaharap ay matulungan mo ang mga indibiduwal o mga kongregasyon na gumagamit ng wikang iyon? Marami sa mga naglilingkod ngayon sa Bethel o bilang naglalakbay na mga tagapangasiwa o mga misyonero ang naglagay sa pantanging buong-panahong paglilingkod bilang kanilang tunguhin nang sila’y nagsisipag-aral pa lamang. Bakit hindi mo gawin ang gayon din?
4 Habang bata pa, pagsikapang tularan ang halimbawa ni Jesus. Kahit na sa murang edad na 12, siya’y malayang nakipag-usap hinggil sa espirituwal na mga bagay. (Luc. 2:42-49, 52) Ang pagtatakda ng kapaki-pakinabang na mga tunguhin para sa iyong sarili na gumawa ng personal na pag-aaral, magbasa ng Bibliya araw-araw, at makisama nang regular sa maygulang na mga Kristiyano sa mga pulong at sa paglilingkod ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng kasanayan sa pagtuturo sa iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos gaya ng ginawa ni Jesus.