Ang mga Bagong Publikasyon ay Tumutulong sa Atin na Magsanay sa Maka-Diyos na Debosyon
1 Dahilan sa pagdalo sa pandistritong kombensiyon, tayo ay higit na gising sa pangangailangan na sanayin ang ating sarili taglay ang maka-diyos na debosyon bilang tunguhin. (1 Tim. 4:7) Habang ating binubulay-bulay ang lahat ng mga impormasyong iniharap sa programa at sinisikap na ikapit iyon sa ating buhay, lalo tayong napapalapit kay Jehova sa tunay na pagsamba.
2 Gayumpaman, ang ating pagsasanay sa maka-diyos na debosyon ay lalo pang napalalaki habang ating patuloy na pinag-aaralan ang mayamang impormasyon sa tatlong mga bagong babasahing natanggap sa mga pandistritong kombensiyon. Nabasa na ba ninyo ang mga ito?
ISANG BAGONG BROCHURE
3 Ang nakakukumbinsing mga pangangatuwiran sa Kasulatan na nasa brochure na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? ay tutulong sa atin na hindi lamang patunayang isang huwad na doktrina ang Trinidad kundi upang ipaliwanag sa iba ang katotohanan tungkol sa Diyos, sa kaniyang Anak, at sa banal na espiritu.—1 Cor. 8:6.
MGA KASAGUTAN PARA SA MGA KABATAAN
4 Hindi natin kaagad malilimutan ang pahayag sa kombensiyon at ang pantanging kaayusan para sa paglalabas ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Bagaman ito ay inilaan para sa mga kabataan, hinimok ang mga magulang, lalo na ang mga ama, na gamitin ang aklat sa pagsasanay sa kanilang mga anak at ‘palakihin sila sa disiplina at kaisipan ni Jehova.’—Efe. 6:4.
5 Kapuwa ang mga magulang at ang mga anak ay dapat na maging lubusang pamilyar sa mahalagang impormasyong ito na inilaan ng organisasyon ni Jehova upang tulungan ang mga kabataan na patuloy na magsanay sa maka-diyos na debosyon. Ito ay magagawa sa mga pag-uusap ng pamilya.
SALITA NG DIYOS—HINDI NG TAO
6 Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, ang bagong aklat na inilabas noong Sabado, ay dinisenyo upang tulungan ang mga tao na maunawaan na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos. Upang magamit ito nang mabisa kailangang maging pamilyar tayo sa nilalaman nito upang maipakita ang espesipikong mga punto sa aklat kapag ginagamit ito sa larangan.
7 Anong laking pasasalamat nating lahat kay Jehova para sa napapanahong masaganang espirituwal na pagkain na kaniyang inilaan sa “Maka-Diyos na Debosyon” na Pandistritong Kombensiyon! Gamitin natin ang mga paglalaang ito upang itaguyod ang maka-diyos na debosyon at tulungan ang iba pa na maging mga mananamba ng ating Diyos na si Jehova.