Makapag-aauxiliary Payunir Ba Kayo sa Marso at Abril?
1 Pinasimulan ni Jesus ang isang gawaing pangangaral na gayon na lamang kahalaga anupa’t ang kinabukasan ng lahat ng sangkatauhan ay nakasalalay sa kalalabasan nito. (Mat. 4:17) Ang gawaing ito ay aabot sa kaniyang sukdulan bago “ang katapusan,” kapag ang mensahe ng Kaharian ay “naipangaral na sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.”—Mat. 24:14.
2 Ang gawaing ito ngayon ay apurahan higit kailanman. Ang kaayusan sa pagiging auxiliary payunir ay nagpasigla sa marami na higit pang maging aktibo sa pagsasagawa ng gawaing ito. Maaari ba kayong maging auxiliary payunir sa Marso at Abril?
MAIINAM NA MGA PAGKAKATAON SA MARSO AT ABRIL
3 Yamang ang Marso ay may limang Sabado at ang Abril ay limang Linggo, ang mga ito ay napakainam na mga buwan para mag-auxiliary payunir. Maging yaong mga may buong panahong trabaho ay maaaring magawa ito. Bakit hindi ipakipag-usap ito sa mga naatasan na at kumuha ng ilang praktikal na mungkahi mula sa kanila? Gayundin, maaari kayong dumalo sa pulong sa Pebrero 18 kasama ng mga nagbabalak mag-auxiliary payunir at magtamo ng karagdagang pampatibay-loob mula dito.
4 Bagaman ang pagpapalawak ng ating paglilingkuran ay mangangahulugan ng pagsasakripisyo ng ibang personal na mga kapakanan, sa paghahasik nang sagana, tayo ay aani ng maraming espirituwal na mga pagpapala. (2 Cor. 9:6) Yaong mga gumagawa nang buong kaluluwa para kay Jehova ay “nangapuspos ng kagalakan” sa masaganang ani ng mga bagong alagad.—Gawa 13:48, 52.
ISANG TEOKRATIKONG TUNTUNGANG BATO
5 Ang marami sa nakatikim ng pagiging auxiliary payunir ay naging mga regular payunir. Kaya ang pagiging auxiliary payunir ay isang tuntungang bato tungo sa higit na kaligayahan. Kung kayo ay makapag-aauxiliary payunir sa Marso at Abril, maaari kayong magkaroon ng mga pagdalaw-muli at mga pag-aaral sa Bibliya na makatutulong sa madaling paglipat ninyo sa paglilingkuran bilang regular payunir sa Setyembre o bago pa nito.
6 Bakit ang marami ay nagpapasulong ng kanilang ministeryo sa panahong ito sa halip na maghanap ng higit na materyal na kapakinabangan sa sistemang ito? Ito’y dahilan sa nalalaman nila na “ang sanlibutan ay lumilipas at ang masamang pita niyaon, datapuwa’t ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananahan magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Sila ay kumikilos kasuwato ng kanilang panalangin na ang Panginoo’y “magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.”—Mat. 9:37, 38.
7 Sa pagsasagawa ng ating buong makakaya sa paglilingkod kay Jehova tayo ay mapapabilang sa mga ‘nagsisipagpagal at nagsisipagsikap sa pagtulong sa lahat ng uri ng mga tao upang maligtas.’—1 Tim. 4:10.