Pagtulong sa mga Kabataan na Maiwasan ang Kapahamakan
1 Nais ni Jehova na masiyahan tayo sa buhay. Dahilan dito, binigyan niya tayo ng kalayaan upang gawin ang ninanais ng ating puso. Subali’t kalakip ng kalayaang ito, pinananagot tayo ni Jehova sa anumang gagawin natin.—Ecles. 11:9.
2 Palibhasa tayo’y di sakdal, papaano natin maiiwasan ang kapahamakan? (Ecles. 11:10) Posible ba kahit na ang walang karanasang mga kabataan ay makaiwas sa kapahamakan? Oo. Maibiging naglaan si Jehova ng payo at patnubay na tutulong kapuwa sa mga kabataan at matatanda na malampasang matiwasay ang sapin-saping kahirapan sa mga huling araw na ito.—Awit 19:7; 119:9; 2 Tim. 3:1.
PANANAGUTAN NG MGA MAGULANG
3 Kapag nagkakaroon ng suliranin, kailangan ng mga kabataan ang responsableng mga magulang na ‘makapagtataas sa mga kamay na nakababa, upang huwag maligaw ang pilay kundi bagkus gumaling.’ (Heb. 12:12, 13) Upang matulungan ang kanilang mga anak, kailangang sa pana-panahon ay ituwid ng mga magulang ang kaisipan ng kanilang mga supling. Ito’y nangangailangan ng katiyagaan at kadalubhasaan.
4 Hindi lubusang mapangangalagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak mula sa masasamang impluwensiya. Subali’t papaano mapatitibay ang kaisipan ng isang bata? Sa pamamagitan ng ‘pagpapalaki sa kaniya alinsunod sa kaisipan ni Jehova.’ (Efe. 6:4) Ito’y sumasaklaw sa pampamilyang pag-aaral, espirituwal at moral na pagpatnubay, angkop na disiplina, at mabuting halimbawa ng mga magulang.
5 Ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas ay dinisenyo upang tulungan ang mga kabataan. Ito ay tumutulong din sa mga magulang na maipaliwanag sa kanilang mga anak ang matutuwid na pamantayan. Kung ang mga batas ng Diyos ay naikintal sa isip at puso ng isang bata, ang mga ito ay magsisilbing isang nakapipigil na impluwensiya. Ang pampamilyang pagtalakay sa bagong publikasyong ito ay magpapatibay sa mga kabataan na maiwasan ang kapahamakan.
6 Nang inilabas ang aklat na ito sa mga kombensiyon, pinasigla ang mga magulang na gamitin ito bilang isang saligan para sa pag-uusap ng pamilya. Sa katapusan ng bawa’t kabanata ay may “Mga Tanong para sa Talakayan.” Ang mga ito ay hindi dinisenyo para sa pag-aaral nang parapo-por-parapo. Ang bawa’t tanong ay sumasaklaw sa isa o higit pang subtitulo. Maaaring piliin ng ilang ulo ng pamilya na isaalang-alang ang mga tanong pagkatapos basahin ang buong kabanata. Maaaring gamitin ng iba ang tanong habang binabasa ang materyal sa ilalim ng mga subtitulo.
PAGTULONG SA MGA KABATAAN SA ATING TERITORYO
7 Maraming mga kabataan sa ating teritoryo ang nagtataglay ng mga katanungang gaya ng tinatalakay sa bagong aklat na ito. Kaya sa Hunyo ay itatampok natin ang aklat na Tanong ng mga Kabataan sa larangan. Nanaisin ninyong sabihin ang tulad nito:
8 “Karaniwan nating iniisip na ang kabataan ang pinakamaligayang yugto sa ating buhay. Subali’t sa kasamaang palad nakikita natin ang maraming di maliligayang mga kabataan sa ngayon, hindi ba? [Maghintay ng sagot.] Ang nagbabagong mga pamantayan ay lumikha ng isang nagugulumihanang sanlibutan taglay ang maraming suliranin na nakakaapekto sa mga kabataan at nag-aalis sa kanila ng kaligayahan. Saan natin masusumpungan ang maaasahang patnubay? [Maghintay ng komento.] Pansinin ang inirerekomenda ng Awit 119:9. [Basahin.] Itinatampok ng Bibliya ang pananagutan ng magulang sa pagtuturo ng tama at pagkatapos ay nagbibigay ng tagubiling ito sa Kawikaan 1:8: [Basahin.] Kasuwato nito, ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas ay punong-puno ng praktikal na patnubay salig sa Bibliya. Ito ay nagtataglay din ng maraming aktuwal na mga karanasan na makatutulong sa mga kabataan na harapin ang kinabukasan nang matagumpay. [Ipakita ang ilang paksa ng mga kabanata na pupukaw ng interes.] Masisiyahan kayo sa aklat na ito sa abuloy na ₱21.00 lamang.”
9 Tunay na ang bagong aklat na ito ay magtuturo sa marami sa bukal ng walang hanggang karunungan—ang Bibliya. Anong inam na kasangkapan para sa pag-akay sa mga kabataan tungo sa isang ganap na buhay ngayon at sa isang matiwasay na kinabukasan!—Ecles. 12:1.