Magpatotoo sa Katotohanan
1 Sinabi ni Jesus: “Ako’y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanlibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan.”—Juan 18:37.
2 Sa pamamagitan ng kaniyang masigasig na pangangaral, pinarangalan ni Jesus ang pangalan ni Jehova. Siya’y nagpakita rin ng tunay na pag-ibig sa mga tao. Si Mateo ay sumulat hinggil kay Jesus: “Datapuwa’t nang makita niya ang mga karamihan, ay nahabag sa kanila, sapagka’t pawang nangangalat na gaya ng mga tupa na walang pastol.” (Mat. 9:35, 36) Kagaya ni Jesus, ang ating debosyon kay Jehova at pag-ibig sa iba ay dapat na magpakilos sa atin na mangaral.
ANG MAHALAGANG ATAS NATIN
3 Ang ating pag-ibig kay Jehova at sa mga tao ay nagpapakilos sa atin na samantalahin ang bawa’t pagkakataon na magturo ng katotohanan tungkol kay Jehova. (Awit 96:2, 3; 145:10-13) Gayumpaman, ang kabalisahan sa buhay ay maaaring maglihis sa atin mula sa ating gawaing pagpapatotoo. Kaya kailangan nating laging isaisip ang pagkaapurahan ng pagbibigay patotoo sa katotohanan at huwag magambala ng iba pang mga bagay. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Ang pagiging abala ay isang proteksiyon sa atin at ito’y maaaring magdulot ng namamalaging kapakinabangan para doon sa mga makikinig sa atin.—1 Cor. 15:58.
4 Maaari ba kayong maglingkod bilang isang regular o isang auxiliary payunir? Bakit hindi isaalang-alang ang inyong kalagayan at tingnan kung maaari ninyong mapalaki pa ang inyong paglilingkuran sa ganitong paraan? Kayo ba ay retirado na mula sa sekular na trabaho? Bakit hindi gamitin ang inyong panahon nang higit sa pangangaral? Maraming mga kabataan sa paaralan ang nakapag-auxiliary payunir at nasumpungang iyo’y nakagiginhawa kapuwa sa espirituwal at pisikal.
5 Ang mabisang pagpapatotoo sa katotohanan ay humihiling ng maingat na pag-eeskedyul ng ating panahon. (Efe. 5:15, 16) Ang pagiging auxiliary payunir ay humihiling ng aberids na dalawang oras lamang sa isang araw. Pinipili ng iba na gumising nang mas maaga ng isang oras upang sila’y maglingkod bago magtungo sa paaralan o sa trabaho. Ang maraming kongregasyon ay nakatulong sa mga auxiliary payunir sa pamamagitan ng pagsasaayos ng pagpapatotoo sa gabi. Gayundin, kayo ay mapatitibay at tatanggap ng nakatutulong na mga mungkahi sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa iba na nakapagsaayos na mabuti ng kanilang panahon upang makapag-auxiliary payunir.
6 Ang mga naglilingkod kay Jehova sa katapatan ay nagtamo ng mga saganang pagpapala. Malugod niyang tinatanggap ang anumang ipinahihintulot ng ating kalagayan sa pagbibigay natin ng patotoo sa katotohanan.—Heb. 6:10.