Sinasapatan ang Inyong Espirituwal na Pangangailangan
1 Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga gising sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mat. 5:3) Bakit lubhang mahalaga na maging gising sa ating espirituwal na pangangailangan? Papaano natin maipakikita na tayo’y gising sa bagay na ito?
2 Hindi maaaring patuloy na kaligtaan ng isang tao ang kaniyang pisikal na mga pangangailangan at asahang magawa pa ring mabuti ang gawain araw-araw. Ang gayunding simulain ay kumakapit sa atin kapag kinaligtaan ang pagkain sa espirituwal na paraan.—Mat. 4:4; Juan 17:3.
MGA PULONG NA MAKASASAPAT SA ATING MGA PANGANGAILANGAN
3 Sa ating mga pulong, “ang tapat at maingat na alipin” ay naglalaan ng mainam na espirituwal na putahe upang masapatan ang ating pangangailangan. (Mat. 24:45-47) Ang bawa’t pulong ay nagsisilbi ukol sa isang tiyak na layunin, at wala sa mga ito ang dapat kaligtaan.
4 Isaalang-alang natin sa maikli ang tatlo lamang sa ating limang pulong. Ang pangunahing pulong na dinisenyo upang lagi tayong makaalinsabay sa sumusulong na katotohanan ay ang pag-aaral ng Bantayan. Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nakatutulong sa atin na maging dalubhasa bilang mga ministro. Ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay naglalaan ng isang masinsinang pag-aaral sa iba’t ibang paksa ng Bibliya.
5 Kayo ba ay naghahanda para sa mga pulong? Maaaring mabilis na binabasa ng ilan ang materyal, mabilis na sinasalungguhitan ang mga sagot sa mga katanungan, subali’t hindi tinitingnan ang mga binabanggit na kasulatan. Maaaring sila’y handa sa pagbibigay ng komento, subali’t tinatamasa ba nila nang lubusan ang espirituwal na pagkain?
SAMANTALAHIN ANG PANAHON
6 Kapag naglaan kayo ng panahon upang maghanda para sa mga pulong, huwag ninyong pahintulutang ang telebisyon o iba pang di gaanong mahahalagang gawain ay makahadlang. Ang mga ulo ng pamilya lalo na ang dapat na tumulong sa kanilang sambahayan na manghawakan sa isang regular na programa ng pag-aaral sa Bibliya, paghahanda sa mga pulong, at pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Dapat na ‘samantalahin ng lahat ang nalalabing panahon’ sa pamamagitan ng pag-una sa kanilang espirituwal na pangangailangan.—Efe. 5:15-17.