Pasiglahing Sumulong ang mga Estudiyante sa Bibliya
1 Sa Ebanghelyo ang terminong “alagad” ay hindi lamang kumakapit doon sa mga naniniwala sa mga turo ni Kristo kundi sa mga maingat na sumusunod sa mga ito. (Mat. 28:19, 20) Pinahahalagahan ba ito ng mga estudiyante sa Bibliya? Papaano natin mapasisigla sila na gumawa ng pagsulong sa pagiging mga alagad?
AKAYIN ANG INTERES SA ORGANISASYON
2 Ang pagsulong ng estudiyante ay walang pagsalang kaugnay ng kaniyang pagpapahalaga sa organisasyon ni Jehova. Kaya, pananagutan natin bilang mga guro na akayin ang interes ng estudiyante tungo sa organisasyon ng Diyos. Sa loob ng maraming taon tayo ay pinasiglang gumamit ng lima o sampung minuto bawa’t sesyon ng pag-aaral sa Bibliya upang magpaliwanag tungkol sa organisasyon. Ang brochure na Mga Saksi ni Jehova—Nagkakaisang Paggawa ng Kalooban ng Diyos sa Buong Daigdig ay napakabisa sa layuning ito. May kopya na ba nito ang inyong estudiyante sa Bibliya? Kung wala pa, tiyakin ninyo na kaagad ay magkaroon siya. Pasiglahin siya na basahin ito, at sabihing isasaalang-alang ninyo ang ilang bahagi nito bawa’t pag-aaral.
3 Ang impormasyon sa mga pahina 14 at 15 ng brochure na Paggawa ng Kalooban ng Diyos ay tumutulong na mapahalagahan ang bawa’t pulong ng kongregasyon. Bakit hindi kubrehan ang isa o dalawang parapo bawa’t linggo? Ipakita kung papaanong ang bawa’t pulong ay nakatutulong sa isang partikular na pangangailangan. May init na pasiglahin siya na sumama sa atin sa Kingdom Hall upang personal na maranasan niya ang pagkakaisa at pag-ibig sa gitna ng nagtitipong bayan ni Jehova.—Awit 133:1; Juan 13:35.
PASIGLAHIN ANG ESPIRITUWAL NA PAGLAKI
4 Kailangang mag-aral ang mga baguhan, upang sumulong sa kaalaman at pagkakapit ng Salita ng Diyos. Dahilan dito patuloy nating pag-aralan ang aklat na Mabuhay Magpakailanman at aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba kahit nabautismuhan na ang estudiyante bago pa niya natapos ang mga publikasyong ito. Gayundin, dapat nating ipakita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga suskripsiyon sa Bantayan at Gumising! at pagkakaroon ng iba pang mga publikasyon ng Samahan upang makaalinsabay sa “pagkain sa kapanahunan.” (Luc. 12:42) Ang mga gumagawa nito ay magkakaugat, mapatitibay, at magiging matatag sa pananampalataya.—Col. 2:7.
5 Kailangan ng mga estudiyante sa Bibliya ang ating tulong upang sila’y sumulong sa pagkamaygulang. (Heb. 5:14) Dapat tayong magbigay ng komendasyon ukol sa lalo pang pagsulong. (Fil. 3:16) Ibinabahagi ba niya ang kaniyang natutuhan sa pamilya at mga kakilala? Kung kuwalipikado na, siya ba’y sumasali sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro? Nais ba niyang maging isang mamamahayag?
6 Huwag kalilimutan ang kapangyarihan ng panalangin sa kapakanan ng mga estudiyante sa Bibliya. Hilingin kay Jehova na akayin silang tumugon. (1 Cor. 3:6, 7) Kumilos nawa sila upang makisama sa kongregasyon at makaabuloy sa kapurihan ng pangalan ni Jehova.