Bakit Ninyo Nanaising Magdaos ng Isang Pag-aaral sa Bibliya
1 Ang isa sa pinagpalang karanasan ng isang Kristiyano ay ang makatulong sa iba na maging tagasunod ni Kristo. (Mat. 28:19, 20; 1 Cor. 3:6, 9) Sa mga tinutulungan natin, ito ay maaaring mangahulugan ng buhay na walang hanggan.
2 Isang napakalapit na kaugnayan ang nagaganap sa pagitan ng guro at ng tinuturuan. Ang espirituwal na paglaki ng estudiyante ay tunay na sanhi ng malaking kagalakan. (1 Tes. 2:11, 19, 20) Kung gayon, dapat na maging tunguhin ng bawa’t Kristiyano na magdaos ng kahit na isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa labas ng kaniyang sariling sambahayan. Sabihin pa, pananagutan ng bawa’t ulo ng sambahayan na magdaos ng isang regular na pag-aaral sa Bibliya sa sariling pamilya. Kung ang ama ay hindi sumasampalataya, ina ang magdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa mga anak.
MANALANGIN PARA SA MGA PAG-AARAL
3 Ang regular na pananalangin kay Jehova na magkaroon ng isang pag-aaral sa Bibliya ay nagpapamalas ng ating taimtim na pagnanais na makapagdaos nito. Ipinakikita nito na batid nating ang isyung nasasangkot ay buhay at kamatayan. (Ezek. 33:7-9, 14-16) Tiyak na matatamo natin ang pagpapala ni Jehova sa ating taimtim na mga pagsisikap.—1 Juan 5:14, 15.
4 Upang maging mabisa sa paggawa ng mga alagad, kailangan nating maghandang mabuti. Sa dumarating na mga buwan, ipapasa namin sa inyo ang mga mungkahi ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng iba pa na naging matagumpay dito. Ang isang serye ng mga artikulo ay magbibigay ng praktikal na mga ideya kung papaano magsisimula at magdaraos ng mabungang mga pag-aaral sa Bibliya.
MGA ARTIKULO SA HINAHARAP
5 Ano ang ilan sa mga ideyang ito na isasaalang-alang sa susunod na mga isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian? Ating tatalakayin kung papaanong nagpasimula ng mga pag-aaral ang iba at anong paraan ng pagtuturo ang kanilang ginamit upang abutin ang puso ng kanilang estudiyante. Ibabahagi din namin ang ilang mungkahi kung papaano sila tutulungang magkaroon ng pagpapahalaga sa organisasyon at sa paglilingkod sa larangan. Mayroon ding mungkahi kung papaano mapasusulong ang inyong pampamilyang pag-aaral sa Bibliya upang magkaroon ang inyong mga anak ng mas malapit na kaugnayan kay Jehova.
6 Sa nakaraang apat na taon ng paglilingkod, 959,834 na mga tao ang nabautismuhan sa buong daigdig at 31,383 sa mga ito ay sa mga kongregasyon sa Pilipinas. Ang karamihan sa mga taong ito ay nakaabot sa punto ng pag-aalay at bautismo sa tulong ng nagdaraos sa kanila ng pag-aaral sa Bibliya. Ang bilang ng dumalo sa Memoryal at sa ating mga pandistritong kombensiyon ay nagpapakita na marami pa ang maaaring matulungang sumulong tungo sa bautismo. Sa pamamagitan ng patuloy nating pagsisikap na makapagsimula at makapagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga tulad nito, makatulong nawa tayo sa marami pa na maging mga alagad at sa dakong huli ay magtamasa ng buhay na walang hanggan. (1 Tim. 6:12, 19) Kaya kung wala pa kayong pag-aaral sa Bibliya sa kasalukuyan, gagawin ba ninyong personal na tunguhin na makapagsimula at makapagdaos nito sa 1991 taon ng paglilingkod?