Bahagi 1—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
Ano ba ang Isang Pag-aaral sa Bibliya?
1 Sa buong daigdig, mga anim na milyong pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos ng bayan ng Diyos bawat buwan. Sa paggamit ng mabibisang pamamaraan sa pagtuturo, matutulungan natin ang mga estudyanteng ito sa Bibliya na sumulong tungo sa pag-aalay at bautismo at maging “lubusang kuwalipikado na magturo naman sa iba.” (2 Tim. 2:2) Gusto mo bang tulungan ang iyong estudyante na gumawa ng gayong pagsulong? Simula sa isyung ito, itatampok ng Ating Ministeryo sa Kaharian ang isang serye ng mga artikulo na magpapaliwanag hinggil sa saligang mga aspekto ng pagdaraos ng progresibong mga pag-aaral sa Bibliya.
2 Kung Kailan Iuulat ang Isang Pag-aaral sa Bibliya: Kapag regular at sistematiko kang nakikipag-usap tungkol sa Bibliya, kahit maigsi lamang, na ginagamit ang Bibliya kalakip ang isa sa inirerekomendang publikasyon, ikaw ay nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya. Kapit ito kahit na ang pag-aaral ay ginaganap sa pintuan lamang ng may-bahay o sa telepono. Maaaring iulat ang pag-aaral kapag naidaos na ito nang dalawang beses pagkatapos maitanghal ang kaayusan sa pag-aaral at kung may dahilan para maniwalang magpapatuloy ang pag-aaral.
3 Ang brosyur na Hinihiling at ang aklat na Kaalaman ang mga publikasyong ginagamit sa pagdaraos ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Kapag natapos nang pag-aralan ang mga ito, kung maliwanag na sumusulong ang estudyante, kahit medyo mabagal, at nililinang niya ang pagpapahalaga sa kaniyang natututuhan, maaaring ipagpatuloy ang pag-aaral sa aklat na Sambahin ang Diyos. Ang brosyur na Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos! ay maaaring gamitin sa pakikipag-aral sa mga taong may limitadong edukasyon at kakayahan sa pagbasa.
4 Ang pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya ay mabisa sa pagtulong sa milyun-milyon na maging tunay na mga alagad ni Jesu-Kristo. (Mat. 28:19, 20) Sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga mungkahing ihaharap sa susunod na mga artikulo ng seryeng ito, makapagdaraos ka ng progresibong pag-aaral sa Bibliya.