Magdaos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya sa Pintuan at sa Telepono
1. Ano ang layunin natin sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya?
1 Kaylaki ngang kagalakan na makapagpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya! Gayunman, ang makasumpong ng isang interesadong mag-aral ng Bibliya ay pasimula pa lamang. Ang layunin ng pag-aaral ay tulungan ang tao na maging tunay na alagad ni Kristo. (Mat. 28:19, 20) Ano ang makatutulong sa atin na makamit ang tunguhing iyan?
2. Ano ang mga pag-aaral sa Bibliya sa pintuan at sa telepono, at bakit mabisa ang mga ito?
2 Mga Taong Abala: Ang mga tao sa ngayon ay lalong nagiging abala. Sa ilang lugar, maraming tao sa pasimula ang hindi handang gumugol ng isang oras upang mag-aral ng Bibliya. Upang matulungan ang mga ito, tayo ay pinasigla na magsimula at magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa pintuan o sa telepono. Sa simula, ang mga pag-aaral na ito ay maaaring maikli at ilang teksto lamang sa Bibliya ang natatalakay sa tulong ng isa o dalawang parapo sa isang publikasyon, gaya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Talagang kapuri-puri na maraming mamamahayag ang nagdaraos ngayon ng gayong mga pag-aaral sa pintuan o sa telepono!
3. Bakit natin dapat sikaping dagdagan ang panahong ginugugol sa pag-aaral sa pintuan?
3 Gayunman, dapat ba tayong masiyahan na sa pintuan na lamang tayo magdaos ng pag-aaral? Hindi. Bagaman makabubuting huwag magtagal sa pakikipag-aral sa pasimula, ganito ang komento ng Ating Ministeryo sa Kaharian, ng Agosto 1990, pahina 8: “Minsang maitatag ang pag-aaral at nagkaroon ng interes ang may-bahay, maaaring gumugol ng mas mahabang panahon sa pag-aaral.” Napakahalaga nito. Upang ilarawan: Ang isang nagugutom na bata ay maaaring pakanin sa pasimula ng kaunting pagkain hanggang bumalik ang kaniyang gana, subalit hindi natin aasahang lalakas siya nang husto at lálakí nang normal kung pakakanin siya ng kaunting pagkain sa loob ng maraming buwan. Sa katulad na paraan, kailangan ng estudyante sa Bibliya ng mas pormal at regular na pag-aaral upang maging may-gulang na lingkod ng Diyos.—Heb. 5:13, 14.
4. Anu-ano ang pakinabang sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa loob ng bahay?
4 Mga Pag-aaral sa Bibliya sa Loob ng Bahay: Makabubuting magdaos ng pag-aaral sa isang pribadong lugar—sa tahanan o sa iba pang angkop na lugar. Mas madaling matuto rito ang estudyante at tutulong ito sa kaniya na maunawaan ang Salita ng Diyos. (Mat. 13:23) Makabubuti ring iangkop ng tagapagturo ang pinag-aaralang materyal sa mga pangangailangan ng estudyante. Bukod diyan, kung mas mahaba ang pag-aaral, magiging mas lubusan at nakapagpapatibay-pananampalataya ang pagtalakay sa Salita ng Diyos.—Roma 10:17.
5. Paano natin maililipat ang pag-aaral mula sa pintuan tungo sa loob ng bahay?
5 Paano mo maililipat ang pag-aaral sa pintuan tungo sa loob ng bahay? Pagkatapos ng ilang maikling pag-aaral, bakit hindi siya tanungin kung gusto niyang mag-aral nang mas matagal at sa isang espesipikong haba ng panahon? O maaari mong gamitin ang di-tuwirang paraan sa pamamagitan ng pagtatanong sa tao, “May panahon ka ba ngayon na maupo at talakayin natin ito?” o “Gaano katagal mo gustong talakayin natin ngayon ang paksang ito?” Kung hindi magtagumpay ang iyong mga pagsisikap, ipagpatuloy mo lamang ang maiikling pag-aaral sa pintuan. Sa angkop na panahon, sikapin mong muli na ilipat ang pag-aaral sa loob ng bahay.
6. Ano ang dapat na maging layunin natin habang isinasagawa ang ating ministeryo, at paano makatutulong ang mga mungkahi sa artikulong ito upang makamit natin ang layuning iyan?
6 Habang patuloy nating hinahanap ang mga karapat-dapat, huwag nating kalilimutan ang ating layunin sa pagpapasimula at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ang ating layunin ay tulungan ang mga tapat-pusong tao na maging nakaalay at bautisadong mga lingkod ni Jehova. Pagpalain nawa niya ang ating mga pagsisikap habang isinasagawa natin ang ating ministeryo taglay ang layuning ito.—2 Tim. 4:5.