Ang Pagharap sa Hamon ng Ministeryo
1 Ang pagbabahay-bahay ay naghaharap ng tunay na hamon sa marami na nagsasagawa ng dalisay na pagsamba. Subalit ang tunay na pag-ibig kay Jehova ay tumutulong sa isang tao na harapin ang hamong ito at marami na likas na mahiyain ang sumulong pa nga sa pagiging buong-panahong mga mangangaral.
2 Maliwanag mula sa Bibliya na ipinangaral ng unang mga Kristiyano ang tungkol sa Kaharian sa bahay-bahay. (Gawa 5:42; 20:20, 21) Gayundin ang ginagawa natin sa ngayon kahit na tayo’y napapaharap sa kawalang-interes, pangyayamot, o tuwirang pagsalansang.
3 Kung Ano ang Naisasagawa ng Pagharap sa Hamon: Sa bawat pagkakataong tayo ay dumadalaw, ating naitatanim ang ilang binhi ng katotohanan, na nalalamang ang ilan sa mga ito ay maaaring magbunga sa dakong huli. (Ecles. 11:6) Nagbabago ang mga kalagayan ng indibiduwal, na maaaring magpangyari sa maybahay na pag-isipan ang sinabi ng isa sa atin at maging handang tumanggap sa susunod na pagdalaw natin.
4 Ang ating ministeryo ay nagbibigay ng pagkakataon doon sa mga nakahilig sa katuwiran na matuto hinggil kay Jehova. Ito’y maibiging nagbababala doon sa mga naghahangad ng kasiyahan sa sanlibutan na dapat silang magbago upang tanggapin ang pagsang-ayon ng Diyos. Ipinakikilala rin nito ang pangalan ni Jehova at nagdudulot ng karangalan sa kaniya, makinig man ang mga maybahay o hindi.—Ezek. 3:11.
5 Ang paggawa sa ministeryo ay nakatutulong din sa atin na malinang ang mga bunga ng espiritu. (Gal. 5:22) Ito’y tumutulong sa atin na maging mapagpakumbaba at maawain. Ang pagiging abala sa gawain ni Jehova ay nagsisilbing proteksiyon sa atin mula sa sanlibutan.—1 Cor. 15:58.
6 Sa paghayo natin sa bahay-bahay, taglay natin ang pribilehiyo na maging kinatawan ng ating Diyos, si Jehova. Ano pang hihigit na karangalan ang maaaring taglayin ninuman kaysa sa pagiging kamanggagawa ng Diyos? (1 Cor. 3:9) Kung tayo’y aasa sa kaniya, ang kaniyang espiritu ay tutulong sa atin na harapin ang hamon ng ministeryo sa bahay-bahay.