Walang Tigil sa Pagbabahay-Bahay
1 Sa sinaunang Israel, ang mga hain ay inihahandog sa araw-araw. (Ex. 29:38-42) Sa ngayon, hinihimok tayong “maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, alalaong baga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa kaniyang pangalan.” (Heb. 13:15) Ating sinasamba si Jehova sa pamamagitan ng walang tigil na pagpuri sa kaniya.—Isa. 43:21; Gawa 5:42.
2 Si Jesu-Kristo ay nagturo sa atin na tayo’y dapat mag-ukol ng dalisay na pagsamba sa pamamagitan ng mga hain ng papuri. Nababatid niyang ang pinakamabisang paraan ng pagpapaabot ng mabuting balita sa mga tao ay sa pamamagitan ng personal na pakikipag-usap sa kanila sa kanilang tahanan. (Mat. 10:7, 12) Kaya sinunod ng mga apostol ang kaniyang kinasihang tagubilin na mangaral sa bahay-bahay.—Gawa 20:20.
3 Walang pagkakaiba sa ngayon. Bilang mga tagasunod ni Jesus, ang mga tunay na Kristiyano ay sumusunod sa kaniyang halimbawa sa pangangaral ng mabuting balita sa bahay-bahay. Bagaman tayo ay tuligsain at pag-usigin dahilan dito, milyun-milyon ang natututo ng katotohanan at daan-daang libong mga bagong alagad ang nakikisama sa malaking pulutong bawat taon, na nagpapatunay na ito ang paraan ni Jehova sa pagsasakatuparan ng kaniyang kalooban. Dahilan dito tayo ay hindi tumitigil sa ating ministeryo.
4 Mga Kapakinabangan sa Pangangaral sa Bahay-Bahay: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi. . . Ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Ang pagtungo sa bawat bahay sa ating teritoryo ay nagpapakita ng kawalan ng pagtatangi, nagbibigay ng magkakaparehong pagkakataon sa bawat isa na makinig sa pabalita ng Kaharian. Sa kabilang panig ang mga nakikinig ay tumatanggap ng personal na tulong ayon sa kanilang indibiduwal na pangangailangan.
5 Halos lahat ng mga mamamahayag, lakip na ang mga kabataan, matatanda, at maging mga baguhan, ay maaaring makabahagi sa gawain sa bahay-bahay. Sa ganitong paraan ang bawat isa ay makagagawa ng “pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” (Roma 10:10) Ang pakikibahagi kasama ng iba sa ministeryo sa bahay-bahay ay nagbubuklod sa atin sa pag-ibig at pagkakaisa. Gayundin, tayo ay nabibigyan ng pagkakataon na ipakita ang ating pagtitiis kapag napapaharap sa kawalang interes o pagsalangsang. Ang lahat ng ito ay nagpapakita na pinagpapala ni Jehova ang gawain sa bahay-bahay at ginagamit ito upang tipunin ang malaking pulutong sa kaniyang “bahay” ng dalisay na pagsamba.—Isa. 2:2-4.
6 Ipagpatuloy natin ang pangangaral sa bahay-bahay nang walang tigil hanggang sabihin ni Jehova na sapat na. (Isa. 6:11) Sa paggawa nito, tatamuhin natin ang kagalakan na nagmumula sa pakikibahagi sa gawaing ito.—1 Cor. 15:58.