Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Nagpapasalamat Ka ba Ukol sa Ministeryo sa Madla?
ANG ministeryo ng pagbabahay-bahay ay maka-Kasulatan, at ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa buong daigdig dahilan sa bahaging ito ng kanilang pangmadlang paglilingkod. (Gawa 20:20, 21) Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo’y tatanggap ng kapangyarihan pagdating sa inyo ng banal na espiritu, at kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Ipinakikita ng Gawa 5:42 na ang sinaunang mga Kristiyanong iyon ay “nagbabahay-bahay” nang walang lubay.
Sa Haiti ay nagkaroon ng komprontasyon tungkol sa pagbabahay-bahay ng mga Saksi ni Jehova. Nangyari ito nang masalubong ng isang espesyal payunir ang isang babaing saradong Protestante. Sa kanilang pag-uusap, sinabi ng kapatid na ang mga Saksi ni Jehova lamang ang nangangaral sa bahay-bahay ayon sa iniuutos ng Bibliya. Sinabi ng babae na ang mga miyembro ng kaniyang relihiyon ay maaaring magbahay-bahay at ganoon nga ang ginawa nila paminsan-minsan noong nakaraan. At talaga naman, nang sumunod na Sabado, nasalubong ng Saksi ang isang grupong nagbabahay-bahay, na ang nangunguna’y ang babaing ito. Mayroong mga isang daang katao sa grupong iyon. Ipinagmalaki ng babae ang kaniyang nagawang iyon, at tinawag niya ang kapatid upang ipagparangalan iyon.
Nang sumunod na linggo, ang babae ring iyon ay nanguna sa isa pang grupo at siya’y natutuwa na binanggit ito sa kapatid. Sinabi ng kapatid na mga kalahati lamang ng mga sumama noong nakaraang linggo ang kasama ngayon. Nang ikaapat na Sabado mayroon na lamang 20 ang nasa grupo, at noong ikalimang Sabado nag-iisa na ang babae. May kababaang-loob na lumapit siya sa kapatid at inamin niya: “Tanging ang mga Saksi ni Jehova ang may taglay ng katotohanan, sapagkat sila lamang ang makapagpapatuloy ng pagpapatotoo sa linggu-linggo.”
Ang espesyal payunir ay nag-alok sa babae ng isang pag-aaral ng Bibliya na magpapakita sa kaniya kung bakit ang mga Saksi ay nakapagpapatuloy ng pangangaral sa bahay-bahay at kung bakit ang iba naman ay hindi nakapagpapatuloy. Tinanggap iyon ng babae. Siya at ang kaniyang asawa ay nagsimulang nakipag-aral at mabilis na sumulong. Silang dalawa ay kasa-kasama na ngayon ng mga Saksi ni Jehova sa masigasig na pangangaral sa bahay-bahay ng Kaharian!
Ang pagbabahay-bahay at iba pang mga paraan ng ministeryong pangmadla ay isang kamangha-mangha at maibiging paglalaan na isinaayos ni Jehova para hanapin ang mga taong tapat-puso at tulungan sila na matutuhan ang kaniyang mga kahilingan ukol sa buhay. Kaya naman, ang mga Saksi ni Jehova ay may kagalakang nakikibahagi rito at sa mga iba pang pitak ng kanilang banal na paglilingkod sa Diyos. Ang kanilang saloobin ay katulad niyaong kay apostol Pablo, na nagsabi: “Nagpapasalamat ako kay Kristo Jesus na Panginoon natin, na nagpapalakas sa akin, sapagkat ako’y inari niyang tapat sa pamamagitan ng pag-aatas sa akin ng isang ministeryo.”—1 Timoteo 1:12.