Bumalik Upang Tulungan ang mga Tao na Makaalam Kung Papaano Sila Maaaring Mabuhay Magpakailanman
1 Mula nang ilabas ang aklat na Mabuhay Magpakailanman, mahigit sa 65 milyong kopya ang inimprenta sa 115 mga wika. Ang marami sa mga naging lingkod na ni Jehova ngayon ay natuto ng saligang mga katotohanan ng Bibliya sa pamamagitan ng mainam na instrumentong ito. Sa buwang ito at gayundin sa Nobyembre, may pagkakataon tayo na maisakamay ang pantulong na ito sa pag-aaral ng Bibliya.
2 Pagdalaw Muli sa mga may Aklat na ito: Ang ilang mga mamamahayag ay nagtamo ng mabubuting resulta sa pagtatawag-pansin sa talaan ng mga nilalaman at pagtatanong sa taong interesado kung anong paksa ang nagugustuhan niya. Kapag pumili ng paksa ang maybahay, imungkahi na basahin niya ang buong kabanata ng aklat bago ang susunod na pagdalaw.
3 Hanggat maaari, dapat tayong gumawa ng tiyak na pakikipagtipan para sa pagdalaw muli. Bago bumalik nanaisin nating maghanda upang talakayin ang ilang parapo sa kabanatang pinili ng maybahay. Kung wala siyang pinili, maaari nating umpisahan ang pagtalakay sa kabanata 1. Pagkatapos isaalang-alang ang ilang parapo, dapat tayong magbangon ng katanungan na sasaklawin sa sumusunod na ilang parapo. Ito’y magsisilbing tuntungang-bato para sa isa pang pagdalaw muli, kapag puwede na nating ituloy ang pag-aaral sa aklat na Mabuhay Magpakailanman.
4 Sabihin pa, kung may mga katanungan ang maybahay, pinakamabuting isaalang-alang muna ang mga ito. Malamang na sinasagot ang kaniyang mga katanungan sa aklat. Sa pamamagitan ng pagiging pamilyar sa mga nilalaman ng aklat, maaari nating buksan sa angkop na mga parapo at gamitin ang materyal na iyon upang sagutin ang ibinangong katanungan.
5 Pagbabalik sa mga Nabigyan Natin ng Tract: Marahil ay nabigyan natin ang maybahay ng kopya ng tract na Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan. Sa pagdalaw muli, maaari nating talakayin ang pambungad na mga parapo sa tract.
Kung ang maybahay ay nagpapakita ng tunay na interes, pagsapit natin sa katapusan ng unang parapo sa pahina 3, na doo’y sinisipi ang Awit 37:29, maaari nating sabihin:
◼ “Ipinakikita ng mga salitang ito kung ano ang tinalakay sa publikasyong ito, Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Pansinin ang kaisipang naririto sa parapo 3 ng kabanata 1 sa ilalim ng uluhang ‘Bakit Tayo Makapaniniwala.’” Maaari nating basahin ang parapo 3, gamitin ang nakalimbag na tanong dito, at magpatuloy sa mga parapo 4 at 5 sa gayon ding paraan. Pagkatapos ay maaari nating sabihin: “Bakit ang mga kalagayan ay di kasuwato ng mga layunin ng Diyos ngayon? Ang susunod na ilang parapo ay nagpapaliwanag nito, at nais kong bumalik sa susunod na linggo sa ganito ring oras upang sagutin sa inyo ang katanungang iyon.” Kung nagpakita ang maybahay ng tunay na interes, nanaisin nating mag-alok ng aklat sa puntong ito. O maaaring magpasiya tayong gawin iyon sa katapusan ng ating susunod na pag-uusap.
6 Sa pag-aalok ng aklat na “Mabuhay Magpakailanman,” maaari nating sabihin:
◼ “Nakatitiyak akong masisiyahan kayong magkaroon ng sariling kopya ng publikasyong ito. Sa gayon ay patiuna kayong makapagbabasa anupat lalong malaki ang matututuhan sa susunod nating pag-uusap.” Kung sumang-ayon ang maybahay na kumuha ng aklat, iniaalok natin iyon sa karaniwang kontribusyon.
7 Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ituro sa iba kung ano ang kanilang natutuhan. Tayo’y dumadalangin kay Jehova na magpadala ng higit pang mga manggagawa. Kaya, gawin natin ang ating bahagi sa paghanap sa mga taong interesado at turuan silang maging mga kamanggagawa sa pag-aani.—Mat. 9:37; 28:19, 20.