Patuloy na Itaguyod ang mga Teokratikong Gawain sa Mayo
1 Ang Mayo ay nag-aalok ng pagkakataon para makabahagi sa iba’t ibang gawain. Nais samantalahin ng marami ang bakasyon sa paaralan at ang mabuting kalagayan ng panahon upang maglibang. Gayunpaman, huwag nating pahintulutan ang anuman na makahadlang sa ating teokratikong rutina.—Fil. 3:16.
2 Kung mayroon kayong panahon, tulad ng bakasyon sa paaralan, naisip na ba ninyo ang higit na pakikibahagi sa ministeryo? Nasumpungan ng marami na ito ay isang mainam na panahon upang magpatala bilang mga auxiliary payunir. Ito’y kadalasang nagbubukas ng pinto para sa higit na pribilehiyo bilang mga regular payunir. Maaaring maranasan ng mga pamilya ang tunay na kagalakan na gamitin ang buong araw sa ministeryo nang magkakasama. Sa pagkakaroon ng mas mahabang oras kung araw, ang nakararami ay dapat na mag-ani ng mga kapakinabangan sa pakikibahagi sa pagpapatotoo hanggang sa gabi.
3 Papaano naman ang pagtulong sa kongregasyon na nangangailangan ng alalay sa pagkubre sa teritoryo nito? Maaaring mayroon sa inyong kongregasyon na magnanais na sumama sa inyo sa paglilingkod sa loob ng isa o dalawang linggo kung saan malaki ang pangangailangan. Kung ang inyong grupo ay maliit, marahil ang mga mamamahayag sa kalapit na kongregasyon ay magnanais na sumama sa inyo. Kung limitado lamang ang layo na kaya ninyong lakbayin, maaaring makapagrekomenda ang tagapangasiwa ng sirkito ng kalapit na kongregasyon na magpapahalaga sa inyong tulong.
4 Kayo ba’y nagpaplanong magbakasyon na malayo sa inyong tahanan? Kung gayon, kayo ba’y nagpaplanong dumalo ng mga pulong sa pupuntahan ninyo? Kumusta naman ang paggawa doon kasama ng mga kapatid sa larangan? Ang paggawa nito sa inyong pagbabakasyon ay maaaring maging kapakipakinabang para sa inyo at sa iba. (Roma 1:11, 12) Gayundin, maaari ba kayong gumawa ng impormal na pagpapatotoo habang kayo’y naglalakbay? Tiyaking dalhin ang inyong Bibliya at suplay ng literatura. Gamitin ang inyong malayang panahon upang gumawa ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. Tandaan na bagaman sa pana-panahon ay nangangailangan tayo ng bakasyon sa ating sekular na mga gawain, hindi natin nais magbakasyon sa paglilingkod kay Jehova.
5 Dapat na maging alisto ang mga matatanda na mapanatiling organisadong mabuti ang mga gawain ng kongregasyon. Kung mayroong aalis na mga matatanda o mga ministeryal na lingkod, dapat gumawa ng kaayusan upang mapangalagaan ng iba ang kanilang mga pananagutan. Ang pagsasabi nang patiuna sa punong tagapangasiwa kung kailan mawawala ang mga kapatid na ito ay tutulong sa kaniya sa paggawa ng angkop na mga pagbabago.
6 Oo, ang panahon ng bakasyon ay maaaring maging isang napakamagawaing panahon. Subalit ang mga kaabalahan ay maaaring madaling makahadlang sa inyong mabuting rutina sa paglilingkod sa Kaharian. Gamiting mabuti ang inyong malayang panahon sa buwang ito. Tiyakin kung ano ang higit na mahahalagang bagay at unahin ang mga ito sa inyong eskedyul.—Fil. 1:10.