Paghaharap ng Mabuting Balita—Kapag Nagbabakasyon
1 Magbabakasyon ba kayo sa tag-araw na ito? Kung gayon ano ang inyong gagawin? Marami ang nag-aayos ng mga bagay-bagay sa palibot ng bahay. Ang iba ay bumibisita sa mga kaibigan at mga kamag-anak. Ang panahon ng pagbabakasyon ay naglalaan din ng pagkakataon upang magkaroon ng lubusang bahagi sa pangangaral ng Kaharian.—Mar. 6:30-34.
LALONG MALAKING PAGLILINGKOD SA LARANGAN
2 Sa panahon ng bakasyon, maaari tayong magkaroon ng lubusang bahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. May listahan ba kayo ng mga taong interesado na hindi ninyo nadadalaw kamakailan? Maaari ba kayong makagawa ng karagdagang mga pagdalaw-muli o marahil ay makapagsimula ng isang pag-aaral? Kayo ba ay nagpaplanong maglingkod bilang isang auxiliary payunir sa panahon ng inyong bakasyon? Kung gayon, aanyayahan ba ninyo ang iba pang mamamahayag na gumawang kasama ninyo? Ang lahat ng ito ay mga pagkakataon upang ipakita na tayo’y talagang nababahala sa ibang tao at pinasusulong ang ating bahagi sa ministeryo.
IMPORMAL NA PAGPAPATOTOO
3 Kapag naglalakbay o nagrerelaks, tayo ay kadalasang nagkakaroon ng maiinam na pagkakataon para sa impormal na pagpapatotoo. Ito ba ang larangan ng paglilingkod na maaaring higit na bahaginan ninyo sa tag-araw na ito? (Juan 4:7-9, 23) Yaong mga naging matagumpay sa gawaing ito ay nagsasabi na makabubuting maging palakaibigan at lubusang interesado sa ibang tao. Gayundin, makabubuting mag-isip nang patiuna kung ano ang inyong sasabihin upang maging lalong mabisa.
4 Habang naglalakbay, maraming mga kapatid ang nakikipag-usap sa iba. At sa panahon ng pag-uusap ay nagtatanong ng, “Nais mo bang magbasa?” Kung positibo ang pagtugon, sila’y nagpapatuloy: “Mayroon akong kapanapanabik na nabasa sa magasing ito. [Ipakita ang paksa at magkomento dito.] Natapos ko na ito. Kung gusto mong basahin ito, puwede naman.” Ito ay maaaring gawin sa matatandang isyu ng mga magasin. Ang ilan ay maaaring malugod na mag-abuloy para sa mga bagong isyu kapag inialok sa ganitong paraan. Yaong mga tatanggi ay karaniwang tatanggap ng isang tract bilang regalo.
5 Ipinakikilala ng ilan ang kanilang sarili bilang mga Saksi ni Jehova at pagkatapos ay nagtatanong, “Ano ang nadarama ninyo hinggil sa Bibliya at sa mga itinuturo nito?” Ito’y kadalasang nagbubukas ng daan para sa isang mainam na usapan. Kung kayo’y laging magdadala ng mga tract, magasin o kasalukuyang alok, makakasumpong kayo ng pagkakataong ialok ang mga ito sa iba.
PAGPAPATOTOO SA MGA KAMAG-ANAK
6 Kadalasang nalalaman ng ating mga kamag-anak na tayo’y mga Saksi ni Jehova. Maaaring gusto nilang mag-usisa sa ating paniniwala subali’t nag-aatubiling magtanong dahilan sa aayaw nilang sila’y ‘mapangaralan’ o mapasangkot sa isang mahabang diskusiyon. Ang ilang kapatid ay bumabanggit ng katotohanan sa ilang salita at pagkatapos ay hinahayaan ang kanilang kamag-anak ang magpasiya kung nais nilang ipagpatuloy ang usapan. Halimbawa, maaaring banggitin ninyo kung saan kayo dumalo ng kombensiyon o ipakita ang isa sa mga bagong publikasyon ng Samahan. O magkomento hinggil sa mga kalagayan sa daigdig, mataas na halaga ng bilihin o isang suliranin ng pamilya, na makapagbubukas ng daan para sa isang pag-uusap. Ang mga kabataan ay kadalasang pinakikinggan ng mga kamag-anak.
7 Samantalang tayo ay masigasig sa pangangaral at nagsisikap na magsalita sa wastong panahon, kailangan tayong laging maging maunawain at makonsiderasyon sa iba. Tandaan ang kahalagahan ng pagiging palakaibigan at pagpapakita ng tunay na interes sa ibang tao.—Kaw. 15:23; 1 Ped. 3:15.
8 Ang panahon ng bakasyon at ang mga buwan ng tag-araw ay dumarating at mabilis na lumilipas. Para sa bayan ni Jehova, ang pinakamahalagang alaala ay kadalasang naglalakip sa maiinam na mga karanasan dulot ng paggamit sa panahon sa pagpapatotoo sa Kaharian. Manguna sa pagsasabi sa iba tungkol sa ating maibiging Diyos at sa pamamahala ng kanyang Kaharian. Sa paggawa ninyo nito, manalig kay Jehova upang pagpalain ang inyong mga pagsisikap.