Makikibahagi Ba Kayo sa Impormal na Pagpapatotoo sa Buwang Ito?
1 Kasama sa regular na takbo ng ating buhay ang pagkakaroon ng tiyak na panahon ng pagsasalita sa mga tao hinggil kay Jehova. Nagtatakda tayo ng panahon para sa pormal na pangangaral sa bahay-bahay, mga pagdalaw-muli, at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Subalit maraming di pormal na mga pagkakataon na nagsasalita tayo ng katotohanan sa mga tao. Tinutukoy natin ang pangangaral na ito bilang impormal na pagpapatotoo.
2 Nakakasumpong ang ilang mamamahayag ng maraming pagkakataong makibahagi sa anyong ito ng ministeryo. Maaaring pagsikapan nating lahat na maging alisto sa gayong mga pagkakataon habang tayo’y naglalakbay, patungo sa paaralan o sa trabaho, at dumadalaw sa mga kamag-anak. Sasamantalahin ba ninyo ang ganitong mga pagkakataon sa buwang ito?
3 Gumawa ng Patiunang mga Plano: Ang paghahanda at patiunang pagpaplano ay makatutulong sa atin na makapagpatotoo nang impormal sa mabisang paraan. Tiyaking may dala kayong publikasyon. Bukod pa sa Ang Bantayan at Gumising!, marami tayong mga tracts na may mga pamagat na nakapupukaw ng pansin. May mga brochure na nakakaakit sa mga tao anuman ang kalagayan sa buhay at relihiyon. Mayroon din tayong mga pambulsang aklat na sumasaklaw sa mga paksang kinagigiliwan ngayon. Aling publikasyon ang gusto ninyong gamitin? Pag-isipan ito bilang isang pamilya. Pagkatapos ay insayuhin kung ano ang inyong sasabihin sa angkop na pagkakataon.
4 Habang Naglalakbay: Ang isa sa pinakamainam na panahon upang magpatotoo nang impormal ay habang naglalakbay patungong trabaho o paaralan. Magdala ng Bibliya at ng isa sa mga publikasyong nabanggit sa itaas. Ang pagbabasa ng gayong mga publikasyon sa pampublikong sasakyan ay kadalasang nagsisilbing mitsa ng pag-uusap. Magdala ng ilang suplay ng mga tract upang maibigay sa mga interesadong tao.
5 Sa Trabaho at Paaralan: Makakasumpong din tayo ng mga pagkakataong makapagpatotoo nang impormal sa trabaho o sa paaralan sa panahon ng pamamahinga. Ang paglalagay lamang ng aklat sa inyong mesa ay kadalasang umaakit ng pansin at nagbubukas ng daan para sa pag-uusap. Ito’y totoo lalo na sa aklat na Creation dahilan sa maraming ilustrasyon nito at maiinam na pangangatuwiran. Tunay na mabuting magdala tayo ng isa nito sa buwang ito. Ito’y maaaring umakay sa pagbibigay ninyo ng isang mainam na patotoo.
6 Huwag nating kaliligtaan ang maraming pagkakataong taglay natin upang makapagbigay ng impormal na patotoo sa araw-araw. Ang paraang ito ng pangangaral ay mabunga at dapat na makibahagi dito ang mga lingkod ni Jehova. Kagaya ni Jesus, ang atin nawang pag-ibig sa kapuwa-tao ay magpakilos sa atin na magsalita sa bawat angkop na pagkakataon!—Mat. 5:14-16.