Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 6/03 p. 3-4
  • Maging Masikap sa “Lubusang Pagpapatotoo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maging Masikap sa “Lubusang Pagpapatotoo”
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
  • Kaparehong Materyal
  • Magsalita Tungkol sa Kaluwalhatian ng Paghahari ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Handa Ka Bang Magpatotoo Nang Di-pormal?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2009
  • Makapagpapatotoo Ka Nang Di-pormal!
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2010
  • Paghaharap ng Mabuting Balita—Pagpapatotoo Nang Impormal
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1988
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
km 6/03 p. 3-4

Maging Masikap sa “Lubusang Pagpapatotoo”

1, 2. Ano ang hinangaan mo hinggil sa pangmalas ni Pablo sa pangangaral ng mabuting balita, at paano natin matutularan ang kaniyang halimbawa ng “lubusang pagpapatotoo”?

1 Tulad ni Jesus at ng maraming iba pang tapat na lingkod noong sinauna, si apostol Pablo ay isang masigasig na mangangaral ng mabuting balita, na ‘lubusang nagpapatotoo’ anuman ang kalagayan. Kahit nakabilanggo sa isang bahay, “tinatanggap niya nang may kabaitan ang lahat ng mga pumaparoon sa kaniya, na ipinangangaral sa kanila ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay may kinalaman sa Panginoong Jesu-Kristo taglay ang buong kalayaan sa pagsasalita.”​—Gawa 28:16-31.

2 Maaari rin tayong maging masikap sa “lubusang pagpapatotoo” sa lahat ng panahon. Kabilang diyan ang pagpapatotoo sa mga taong nakakausap natin sa ating mga biyahe patungo sa mga asamblea at mga kombensiyon o sa mga biyahe kapag nagbabakasyon.​—Gawa 28:23; Awit 145:10-​13.

3. Paano natin maiiwasan na ang ating di-pormal na pagpapatotoo ay maging isa lamang di-sinasadyang pagsisikap?

3 Di-sinasadya o Di-pormal na Pagpapatotoo? May pagkakaiba ba? Oo. Ang isang bagay na di-sinasadya ay nangyayari lamang dahil sa pagkakataon o nang walang intensiyon, na para bang hindi ito binalak o hindi masyadong mahalaga. Tiyak na hindi iyan lumalarawan sa ating ministeryo. Katulad ni Pablo, mahalaga sa atin ang pagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos sa pamamagitan ng ating pagpapatotoo, at dapat maging intensiyon natin na magpatotoo saanman angkop habang nagbibiyahe tayo ngayong tag-araw. Gayunman, ang paraan ng ating paglapit sa iba ay angkop na mailalarawan bilang di-pormal​—samakatuwid nga, sa relaks, palakaibigan, at natural na paraan. Ang ganitong paglapit ay makapagdudulot ng maiinam na resulta.

4. Paano nakapagpatotoo si Pablo sa lugar na kaniyang tinutuluyan?

4 Maghanda Para Magpatotoo: Kinailangan ni Pablo na lumikha ng mga pagkakataon upang magpatotoo habang nakabilanggo sa isang bahay sa Roma. Mula sa kaniyang tirahan, kusa niyang inanyayahan sa kaniyang bahay ang lokal na mga lider na Judio. (Gawa 28:17) Bagaman may kongregasyong Kristiyano sa Roma, nalaman ni Pablo na kakaunti lamang ang impormasyong narinig ng komunidad ng mga Judio sa lunsod na iyon tungkol sa pananampalatayang Kristiyano mula sa mismong mga Kristiyano. (Gawa 28:22; Roma 1:7) Hindi siya nag-atubili sa “lubusang pagpapatotoo” tungkol kay Jesu-Kristo at sa Kaharian ng Diyos.

5, 6. Anong mga pagkakataon ang maaari nating gamitin upang makapagpatotoo nang di-pormal, at anong mga paghahanda ang magagawa natin upang maisagawa ito nang mabisa?

5 Isipin ang lahat ng tao na maaaring mong makausap sa iyong mga biyahe na may kakaunti lamang nalalaman tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Baka nga hindi pa nila alam na nag-aalok tayo ng libreng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Maging alisto sa mga oportunidad para magpatotoo sa mga makakausap mo habang nagbibiyahe, nagpapahinga sa mga hintuan, nagpapagasolina, namimili, namamalagi sa mga otel, kumakain sa mga restawran, nagbibiyahe sakay ng pampublikong transportasyon, at iba pa. Magplano nang patiuna kung ano ang maaari mong sabihin para pasimulan ang isang pag-uusap at makapagbigay ng maikling patotoo. Marahil sa susunod na mga araw ay maaari kang magsanay sa pamamagitan ng di-pormal na pagpapatotoo sa iyong mga kapitbahay, kamag-anak, katrabaho, at iba pang kakilala.

6 Kakailanganin mo ang suplay ng mga publikasyon na magagamit kapag nagpapatotoo nang di-pormal. Anu-anong publikasyon ito? Magagamit mo ang tract na Gusto Mo Bang Makaalam Nang Higit Pa Tungkol sa Bibliya? Itampok ang unang limang parapo, kung saan iba’t ibang mga dahilan ang ibinigay para basahin ang Bibliya. Ipakita ang kupon sa likod para sa paghiling ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Kapag nakatagpo ka ng taong tumutugon, ialok ang brosyur na Hinihiling. Bilang paghahanda sa pakikipag-usap sa mga nagsasalita ng ibang wika, dalhin ang buklet na Good News for All Nations. Ipinaliliwanag ng pahina 2 kung paano ito gagamitin upang makapagpatotoo. Kung naglalakbay sakay ng kotse, makapagdadala ka ng iba pang saligang mga publikasyon para sa mga nagpapakita ng tunay na interes sa mensahe ng Kaharian.

7, 8. Anong babala hinggil sa ating personal na hitsura at paggawi habang nagbibiyahe at naglilibang ang dapat nating pakinggan?

7 Bigyang-Pansin ang Iyong Hitsura at Paggawi: Dapat nating tiyakin na ang ating paggawi gayundin ang ating pananamit at pag-aayos ay hindi magbibigay sa iba ng maling impresyon o maging dahilan upang ‘pagsalitaan nila ng masama’ ang organisasyon ni Jehova. (Gawa 28:22) Kumakapit ito hindi lamang habang dumadalo sa mga asamblea o mga kombensiyon kundi gayundin habang nagbibiyahe at naglilibang. Ganito ang paalaala ng Agosto 1, 2002, Bantayan, pahina 18, parapo 14: “Ang ating hitsura ay hindi dapat mapagpasikat, kakatwa, nakapupukaw sa sekso, naglalantad ng katawan, o masyadong sunod sa uso. Bukod dito, dapat tayong manamit sa paraang nagpapamalas ng ‘pagpipitagan sa Diyos.’ Pinag-iisip tayo niyan, hindi ba? Hindi lamang ito basta pananamit nang angkop kapag dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon [o sa mga asamblea] at pagkatapos ay hindi na pag-iingat sa ibang mga pagkakataon. Ang ating personal na hitsura ay dapat na laging nagpapamalas ng mapitagan at kapuri-puring saloobin dahil tayo ay mga Kristiyano at ministro sa loob ng 24 na oras sa bawat araw.”​—1 Tim. 2:9, 10.

8 Dapat tayong manamit nang may kahinhinan at dignidad. Kung ang ating hitsura at paggawi ay laging nagpapakita ng ating paniniwala sa Diyos, hindi tayo kailanman makadarama ng pag-aatubili na magpatotoo nang di-pormal dahil ang ating personal na hitsura ay hindi kanais-nais.​—1 Ped. 3:15.

9. Anong tagumpay sa pagpapatotoo ang natamo ni Pablo sa Roma?

9 Mabunga ang Di-pormal na Pagpapatotoo: Sa loob ng dalawang taon na si Pablo ay nakabilanggo sa isang bahay sa Roma, nakita niya ang mabubuting resulta ng kaniyang mga pagsisikap na magpatotoo. Iniulat ni Lucas na “ang ilan ay nagsimulang maniwala sa mga bagay na sinabi.” (Gawa 28:24) Sinuri mismo ni Pablo ang pagiging mabisa ng kaniyang “lubusang pagpapatotoo” nang sumulat siya: “Ang mga nangyari sa akin ay naging para sa ikasusulong ng mabuting balita sa halip na sa kabaligtaran nito, anupat ang aking mga gapos ay naging hayag na kaalaman may kaugnayan kay Kristo sa gitna ng lahat ng Tanod ng Pretorio at ng lahat ng iba pa; at ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, palibhasa’y nakadama ng pagtitiwala dahil sa aking mga gapos ng bilangguan, ay nagpapakita ng lalong higit pang lakas ng loob na salitain ang salita ng Diyos nang walang takot.”​—Fil. 1:12-14.

10. Anong tagumpay sa pagpapatotoo ang natamo ng isang mag-asawa noong nakaraang tag-araw?

10 Noong nakaraang tag-araw, matapos gugulin ang maghapon sa pandistritong kombensiyon, isang mag-asawa ang nagkaroon ng mabungang karanasan sa pagpapatotoo nang di-pormal sa isang babaing weyter na nagtanong hinggil sa kanilang mga badge card ng kombensiyon. Inilahad nila sa kaniya ang tungkol sa kombensiyon at gayundin ang hinggil sa pag-asa na iniaalok ng Bibliya para sa kinabukasan ng sangkatauhan. Binigyan nila siya ng tract na Gusto Mo Bang Makaalam Nang Higit Pa Tungkol sa Bibliya? at ipinaliwanag ang kaayusan tungkol sa libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sinabi ng babae na nais niyang may dumalaw sa kaniya, isinulat niya ang kaniyang pangalan at adres sa likod ng tract, at hiniling sa mag-asawa na gumawa ng kaayusan para sa kaniya. Anong tagumpay ang maaari mong tamasahin sa pamamagitan ng pagiging masikap sa “lubusang pagpapatotoo” sa bawat oportunidad?

11. Anong mga katangian ang dapat nating linangin para maitaguyod ang mabuting balita sa pamamagitan ng “lubusang pagpapatotoo”?

11 Lubusang Itaguyod ang Mabuting Balita: Gunigunihin kung gaano kasaya si Pablo nang mabalitaan niya na tinutularan ng kapuwa mga Kristiyano ang kaniyang masigasig na halimbawa! Gawin nawa natin ang ating buong makakaya sa pagtataguyod ng mabuting balita sa pamamagitan ng paggamit ng bawat angkop na pagkakataon upang magpatotoo nang di-pormal tungkol sa ating salig-Bibliyang mga paniniwala.

[Kahon sa pahina 3]

Mga Publikasyong Kailangan Para sa Di-pormal na Pagpapatotoo

■ Gusto Mo Bang Makaalam Nang Higit Pa Tungkol sa Bibliya? (tract)

■ Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? (brosyur)

■ Good News for All Nations (buklet)

■ Iba pang saligang mga publikasyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share