Isang Pantanging Kingdom News Para sa Lahat
1 Mula noong Abril 24, tayo’y nag-umpisang mamahagi ng pantanging Kingdom News na pumukaw sa interes ng nababahalang mga tao sa lahat ng dako! Ang mensahe nito ay hindi lamang napapanahon kundi apurahan din. Ang mga mamamahayag sa lahat ng kongregasyon ay nagpahayag ng pagnanais na ilagay ang mensaheng ito sa kamay ng libu-libong mga tao. Sinisikap ba ninyong makibahagi dito nang lubusan?
2 Sapat na suplay ng Kingdom News ang ipinadala sa bawat kongregasyon. Gaano karami nito ang naipamahagi ninyo? Kung hindi ninyo nagagawa ang gaya ng inaasahan ninyo, maaari ba kayong gumawa ng karagdagang pagsisikap bago matapos ang pamamahagi sa Mayo 14? Maaari ba kayong magpatala bilang isang auxiliary pioneer?
3 Rerepasuhin ng mga matanda kung maaaring makubrehan ang lahat ng teritoryo hanggang sa Mayo 14. Kung hindi, dapat na makipag-ugnayan ang mga matanda sa kalapit na mga kongregasyon upang humingi ng tulong. Dahilan sa ating buong-pusong pagsisikap, lakip na ang mabuting pagtutulungan sa pagitan ng mga kongregasyon, tiyak na matatapos ang gawain.
4 Malamang na naranasan ninyo ang ibayong kagalakan sa gawaing ito dahilan sa marami ang nakibahagi, lakip na ang mga baguhang mamamahayag at mga kabataan. Nawa, ang espiritung ito ng kagalakan ay maipagpatuloy, na magpapasigla sa lahat na gumawa ng mga pagdalaw-muli sa mga nagpakita ng mabuting pagtugon. Hinihimok tayong mag-ingat ng wastong mga ulat sa bahay-bahay, na itinatala ang mga nagpakita ng interes. Ang huling bahagi ng Mayo ay magiging isang mainam na panahon upang gumawa ng mga pagdalaw-muli taglay ang tunguhing magpasimula ng mga bagong pag-aaral.
5 Ano ang maaari nating sabihin kapag tayo’y bumalik? Masusumpungan ninyong mabisang sabihin: “Marahil ay natatandaan ninyo ang tract na iniwan ko sa inyo kamakailan; inaasahan kong nagkaroon kayo ng pagkakataong basahin at pag-isipan ang bagay na iyon. Ang mensahe nito ay talagang lumikha ng usap-usapan sa ating komunidad, yamang ito’y tumatalakay sa mahahalagang isyu na napapaharap sa buong sangkatauhan.” Banggitin ang ilan sa pumupukaw-kaisipang pananalita sa ikalawang pahina, at pagkatapos ay magtanong: “Ano sa palagay ninyo ang kailangan nating gawin upang makatiyak na tayo’y handa sa anumang mangyayari sa hinaharap?” Hayaang sumagot. Kung nagpakita ng interes, talakayin ang iba pang punto sa mga pahina 2-4 ng Kingdom News, at ialok ang isang pag-aaral sa Bibliya.
6 Kung kayo ay gumagawa sa teritoryo ng ibang kongregasyon, tiyaking ibigay sa kongregasyong iyon ang mga pangalan ng sinumang interesado na natagpuan ninyo upang maisagawa ang mga pagdalaw-muli ng mga mamamahayag sa kongregasyong iyon.
7 Ang pantanging pamamahagi ng Kingdom News ay lumikha ng pananabik at nagpakilos sa ating lahat na pag-ibayuhin ang ating pagsisikap sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Makapagtitiwala tayo na ito’y magiging isang malaking tagumpay, na nagpapalaki sa kabatiran ng mga tao sa lahat ng dako hinggil sa dakilang pangalan at layunin ni Jehova. (Isa. 12:4, 5) Habang lumalaki ang ating nagagawa, lalo namang lumalaki ang ating kagalakan.—Awit 126:3.