“Ang Bagong Milenyo—Ano ang Laan ng Kinabukasan Para sa Iyo?”
1 Ang katanungang iyan ay nasa isipan ng mga tao sa palibot ng lupa. Bagaman malaki ang naisakatuparan ng sangkatauhan sa loob ng mga siglo, ang mga tao ay nasisiphayo dahil sa nariyan pa rin ang pangunahing mga suliranin na sumalot sa mga tao sa loob ng ilang milenyo. (Job 14:1; Awit 90:10) Saan masusumpungan ng sangkatauhan ang kaginhawahan?
2 Sa mga buwan ng Oktubre at Nobyembre, magkakaroon tayo ng isang pantanging pagkakataon upang pagkalooban ang ating kapuwa ng sagot sa tanong na iyan. Paano? Sa pamamagitan ng pamamahagi ng Kingdom News Blg. 36. Ito ay pinamagatang “Ang Bagong Milenyo—Ano ang Laan ng Kinabukasan Para sa Iyo?” Sa unang kalahating bahagi ng Oktubre, ating iaalok ang mga magasing Bantayan at Gumising! Pagkatapos, pasimula sa Lunes, Oktubre 16, hanggang sa Biyernes, Nobyembre 17, tayo ay magsasagawa ng puspusang pamamahagi ng Kingdom News Blg. 36. Sa panahon ng kampanyang ito, tayo’y magtutuon ng pansin sa pagpapasakamay ng Kingdom News Blg. 36 sa mga simpleng araw. Sa mga dulong sanlinggo, ihaharap natin ito kasama ng kasalukuyang mga magasin.
3 Makikibahagi Ka ba Nang Puspusan? Nanaisin ng matatanda, mga ministeryal na lingkod, at mga payunir na manguna sa kampanyang ito, yamang sila ang nasa unahan ng gawain. Isinaayos ng maraming mamamahayag ang kanilang mga kalagayan upang makapag-auxiliary pioneer sa loob ng isa o dalawang buwan ng pamamahagi nito. Ang iba ay nagpaplanong gumugol nang higit na panahon kaysa sa karaniwan sa ministeryo.
4 Ang mga konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay maaaring maging instrumento sa pagpapasigla sa bawat isa na nasa kanilang grupo upang magkaroon ng lubos na bahagi sa pamamahagi ng Kingdom News Blg. 36. Maaaring may ilang mamamahayag na naging di-aktibo sa gawaing pangangaral. Dapat na dalawin ng matatanda ang mga ito upang makita kung ano ang magagawa upang matulungan sila. Marahil ay maaaring gumawa ng mga kaayusan na samahan ng isang makaranasang mamamahayag ang bawat di-aktibo sa larangan sa mga buwang ito. Baka kailangan lamang ang simpleng presentasyon ng Kingdom News Blg. 36 upang matulungan ang mga mamamahayag na ito na maging aktibong muli.
5 Ito ay isa ring magandang pagkakataon para sa mga estudyante ng Bibliya na malapit nang matapos sa aklat na Kaalaman at kuwalipikado nang maging di-bautisadong mamamahayag para magpasimulang makibahagi sa ministeryo. Kahit na ang mga kabataan ay maaaring magkaroon ng mainam na bahagi sa kapana-panabik na gawaing ito.
6 Isang simpleng presentasyon lamang ang kailangan. Maaari mong sabihin:
◼ “Kusang-loob kong ginagamit ang aking panahon upang tumulong sa pamamahagi ng napakahalagang mensaheng ito sa bawat pamilya sa [pangalan ng lunsod o lugar]. Ito ang inyong kopya. Pakisuyong basahin ito.” Marahil ay mas mabuting huwag nang magdala ng bag sa pangangaral kapag namamahagi ng Kingdom News Blg. 36.
7 Isinaplanong Mabuti na mga Pagtitipon Bago Maglingkod sa Larangan: Dapat na tiyakin ng matatanda na ang mga kaayusan sa pagpapatotoo ay kapuwa maalwan at praktikal. Dapat na tiyakin lalo na ng tagapangasiwa sa paglilingkod na marami ang nakahandang teritoryo sa pagbabahay-bahay at lugar ng negosyo upang ang bawat isa ay makabahagi nang puspusan sa gawain. Hangga’t maaari, ang mga pagtitipon bago maglingkod ay dapat na organisahin para sa bawat simpleng araw, para sa mga dulong sanlinggo, at para sa mga paglabas sa gabi. Maaaring gumawa ng mga kaayusan upang magtipon sa bandang dapit-hapon para sa kapakinabangan ng mga estudyante sa paaralan, sa mga manggagawang pabagu-bago ang oras ng trabaho, at iba pa.
8 Kung Ano ang Magagawa Para Doon sa mga Wala sa Tahanan: Ang ating tunguhin ay ang makausap ang maraming maybahay hangga’t maaari. Kung wala ang sinuman sa tahanan nang kayo’y dumalaw, itala ang direksiyon at dumalaw sa ibang oras sa araw. Kung sa huling linggo ng kampanya ay hindi pa rin kayo nagtatagumpay na makausap ang mga maybahay na ito, maaari kayong mag-iwan sa kanila ng isang kopya ng Kingdom News Blg. 36 sa isang lugar na hindi makikita ng dumaraan. Ang lokal na matatanda ay maaaring magbigay ng tagubilin sa kongregasyon na mag-iwan ng isang kopya ng Kingdom News Blg. 36 sa mga wala sa tahanan sa unang pagdalaw kapag ginagawa ang mga lugar sa labas ng bayan at sa mga dako na malaki ang teritoryo kaysa sa makukubrehan sa panahon ng kampanya.
9 Tayo’y Maging Abala! Dapat na sikaping makubrehan ng mga kongregasyon ang kanilang teritoryo bago matapos ang kampanya sa Nobyembre 17. Kung ang inyong teritoryo ay masyadong malaki, maaaring gumawang mag-isa ang mga mamamahayag kung ito ay praktikal at ligtas. Ang kaayusang ito ay magpapadali sa pag-abot sa maraming taong karapat-dapat hangga’t maaari. Tiyaking mag-ingat ng isang mabuting rekord para sa lahat ng nasumpungang interesado.
10 Patiunang iisipin ng matatanda kung ilang karagdagang magasin ang kakailanganin ng kongregasyon at pumidido alinsunod doon. Hindi kailangang pumidido ng Kingdom News Blg. 36, yamang mayroon nang ipinadadala nito sa bawat kongregasyon. Kapag may sapat na teritoryo, ang special, regular, at auxiliary pioneer ay tatanggap ng tig-250 kopya upang ipamahagi, habang ang mga mamamahayag ng kongregasyon ay bibigyan ng tig-50 kopya. Kaya handa na ba kayo at nananabik na maging abala sa pantanging gawaing ito? Ano ngang laking pribilehiyo ang taglay natin upang ipabatid sa lahat ng ating kapuwa ang tungkol sa ipinangako ng Diyos para sa malapit na hinaharap!