Maging “Masigasig sa Maiinam na Gawa” sa Abril!
1 Noong Abril at Mayo, 1995, walang kaparis na patotoo ang naibigay nang ang milyun-milyong kopya ng Kingdom News Blg. 34 ay ipinamahagi sa buong daigdig. Ang mga mamamahayag ng kongregasyon at mga payunir ay masigasig na nakibahagi sa nakapagpapasiglang gawaing ito. Kabilang ba kayo sa kanila? Kung gayon, walang alinlangan na kayo’y lubos na nagalak na makabahagi sa pambihirang kampanyang iyon. Ngayo’y maaaring kayo’y nag-iisip, Anong ‘mainam na gawa’ ang nakalaan sa atin sa taóng ito?—Tito 2:14.
2 Sa Abril at sa pasimula ng Mayo, magkakaroon tayo ng kasiyahan sa pamamahagi ng isang pantanging edisyon ng magasing Gumising!, sa isyu ng Abril 22, 1996, na nagtatampok ng “Kapag Wala Nang mga Digmaan.” Yamang ang paksang ito ay makatatawag-pansin sa maraming maybahay, pagsisikapan nating bigyan ng pinakamalawak na pamamahagi ang magasin hangga’t maaari. Dahilan sa kahalagahan ng impormasyong nilalaman nito, ang isyung ito ng Gumising! ay dapat itampok sa Abril at patuloy sa Mayo hanggang maubos ang suplay.
3 Ang Ating Tunguhin—Pakikibahagi ng Lahat ng Mamamahayag: Tunay na nakapagpapatibay kung ang bawat mamamahayag sa bansang ito ay magkakaroon ng bahagi sa gawaing pangangaral sa Abril. Dahilan sa katatapos na pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo, tiyak na nanaisin nating ipakita ang ating pagpapahalaga sa kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng tuwirang “hain ng papuri” sa ministeryo sa larangan.—Heb. 13:15.
4 Lubusang pagsisikap ang dapat gawin upang mabatid ang mga pangangailangan ng bawat miyembro ng kongregasyon anupat ang lahat ay maaaring magkaroon ng masigasig na bahagi sa ministeryo sa Abril. (Roma 15:1) Ang mga konduktor sa pag-aaral ng aklat ay dapat na maging ganap na alisto sa mga kalagayan niyaong nasa kanilang grupo at magbigay ng praktikal na tulong kapag kailangan. Mayroon bang nangangailangan ng transportasyon? Sino ang makapaglalaan nito? Ang ilan ba ay kimi o mahiyain? Maaari bang gumawang kasama nila ang mas makaranasang mga mamamahayag? Kumusta naman ang mga di makaalis sa kanilang tahanan o may sakit? Maaari ba silang magpatotoo sa pamamagitan ng telepono, pagsulat, o sa iba pang mabungang gawain?
5 Ang ilang mga naging di aktibo ay tumatanggap ng regular na espirituwal na pampatibay-loob, at sila ay maaaring mapasiglang makibahaging muli sa gawaing pangangaral. Ang kampanya sa pantanging Gumising! ay magbibigay sa kanila ng napakainam na pagkakataong maging aktibong muli.
6 Sanayin ang mga Kabataan na Bumahagi: Maraming anak na mga Saksi ni Jehova ang sumasama sa kanilang mga magulang sa pagbabahay-bahay sa ilang mga taon na, bagaman hindi pa sila naglilingkod bilang di bautisadong mga mamamahayag. Panahon na ba ngayon upang sila’y magsimula? Sila ba’y handa na upang magkaroon ng makabuluhang bahagi sa gawain sa bahay-bahay? Ang mga ulo ng pamilya ay dapat gumamit ng panahon sa pampamilyang pag-aaral sa Bibliya upang tulungan ang kanilang kuwalipikadong mga anak na maghanda ng isang presentasyon batay sa kanilang edad at kakayahan. Ang mga nakatatanda ay maaaring pumili ng isang katanungang pumupukaw ng kaisipan na aantig sa interes ng maybahay at pagkatapos ay ipakita ang kasagutan sa magasin. Ang mga nakababata ay maaaring magbigay ng mabisang patotoo sa ilang mga salita lamang. Halimbawa, maaari nilang pasiglahin ang maybahay na “basahin ang isang pantanging magasin na iniaalok sa buong daigdig sa buwang ito.” Bilang bahagi ng paghahanda ng inyong pamilya, tiyaking isama ang mga mungkahi para sagutin ang karaniwang mga pagtutol. Masusumpungan ninyo ang ilang mabubuting idea sa aklat na Nangangatuwiran. Sa panahon ng pagkain at sa iba pang angkop na mga okasyon, pasiglahin ang mga miyembro ng pamilya na maglahad ng mga karanasan na kanilang tinamo sa paglilingkod sa larangan.
7 Ang Kuwalipikadong mga Estudyante sa Bibliya ay Gumaganap ng Gawain ni Jesus: Ang turo ni Jesus ay hindi lamang para magbigay ng tagubilin hinggil sa doktrina. Kaniyang sinamahan ang kaniyang mga estudyante sa ministeryo at tinuruan sila kung papaano mangaral. (Luc. 8:1; 10:1-11) Ano ang kalagayan ngayon? Mahigit sa 95,000 pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos sa Pilipinas. Walang alinlangan, taglay ang angkop na pampatibay-loob marami sa mga estudyanteng ito ang maaaring kumuha ng susunod na hakbang sa kanilang pagsasanay at maging kuwalipikado bilang di bautisadong mga mamamahayag sa Abril.
8 Kung kayo ay nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya, isaalang-alang ang mga katanungang ito: Ang estudyante ba ay sumusulong, alinsunod sa kaniyang edad at kakayahan? Sinimulan na ba niyang ibahagi ang kaniyang pananampalataya sa iba sa impormal na paraan? Isinusuot na ba niya “ang bagong pagkatao”? (Col. 3:10) Naaabot na ba niya ang mga kuwalipikasyon para sa mga di bautisadong mamamahayag, na nakabalangkas sa mga pahina 98 at 99 ng aklat na Ating Ministeryo? Kung naniniwala kayong siya’y kuwalipikado, bakit hindi talakayin ang bagay na ito sa kaniya? Ang ilang estudyante ay nangangailangan lamang ng tuwirang paanyaya na makibahagi sa gawain. Sabihin pa, kung sang-ayon ang estudyante, kakailanganin muna na isaayos ng punong tagapangasiwa ang karaniwang pagtalakay kasama ng dalawang matanda. Sa kabilang panig, maaaring may pumipigil sa estudyante. Marahil ang isa sa mga matatanda ay maaaring sumama sa inyo sa pag-aaral ng Bibliya at himukin ang estudyante na ihayag kung ano ang kaniyang saloobin sa katotohanan. Pagkatapos na makinig sa sasabihin ng estudyante, maaaring makapagbigay ang matanda ng praktikal na mga mungkahi, lakip ang maka-Kasulatang tulong.
9 ‘Bilhin ang Panahon’ Upang Mag-auxiliary Pioneer: Bawat taon sa panahon ng Memoryal, ang pasasalamat dahilan sa pantubos ay nagpapakilos sa libu-libo na ‘bilhin’ ang panahon para maging auxiliary pioneer. (Efe. 5:15-17) Bagaman kailangan ang ilang sakripisyo, malaki ang gantimpala. Isang kapuri-puring bilang ng mga kabataan ang nagsamantala sa bakasyon sa eskuwelahan upang maging auxiliary pioneer. Ang mga may edad na buong panahong nagtatrabaho ay gumagamit ng gabi at dulong sanlinggo upang lubos na samantalahin ang gayunding gawain. Kaya, kinuha ng buong mga pamilya ang pagkakataon upang sama-samang mag-auxiliary pioneer! Sa ilang kongregasyon ang karamihan sa mga matatanda at mga ministeryal na lingkod at ang kanilang mga asawa ay nagpatala bilang mga auxiliary pioneer. Dahilan sa napasigla ng kanilang masigasig na pangunguna, tinularan ng iba ang kanilang halimbawa, anupat malaking porsiyento ng kongregasyon ang naglingkod bilang mga auxiliary pioneer noong Abril.
10 Kayo man ay makapag-aauxiliary pioneer o hindi, hanapin ang mga paraan upang mapasulong ang inyong paglilingkod sa larangan sa Abril. Magtakda ng personal na tunguhin para sa sarili, isa na nangangailangan ng ilang pagsisikap subalit kayang abutin. Ang inyong pagnanais na ‘gumugol at magpapagugol’ sa paglilingkod kay Jehova, ayon sa inyong personal na mga kalagayan, ay magtatamo ng kaniyang pagpapala.—2 Cor. 12:15.
11 Mga Pagtitipon Bago Maglingkod sa Larangan: Ang mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan ay dapat na isaayos araw-araw sa kampanya ng Gumising!, sa oras na maagang makapagsisimula sa ministeryo. Dapat ding gumawa ng paglalaan para sa pagpapatotoo sa gabi. Ang karamihang mamamahayag ay makikibahagi sa paglilingkod sa larangan sa mga dulong sanlinggo, anupat ang mga kongregasyon ay dapat na mag-iskedyul ng mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan sa mga Sabado, kapuwa sa umaga at sa hapon, sa panahon ng pantanging pamamahagi ng Gumising!
12 Dapat tiyakin niyaong mga nangangasiwa sa mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan na handa ang maraming teritoryo. Ang teritoryo na hindi malimit gawin ay dapat na unang kobrehan. Kung nakobrehan ng inyong kongregasyon ang lahat ng mga teritoryo nito at ang kalapit na kongregasyon ay nangangailangan ng tulong, maaaring makipag-usap ang mga matatanda sa kanila at mag-alok na tumulong sa kanila sa pagkobre ng kanilang teritoryo sa panahon ng kampanya. Walang alinlangan na kanilang pahahalagahan ang tulong at ang mga mamamahayag at mga payunir sa inyong kongregasyon ay masisiyahang gumawa sa ibang teritoryo. Ito sabihin pa ang kailangang gawin lamang sa kapahintulutan ng kongregasyong may hawak ng teritoryo.
13 Gaano Karaming Magasin ang Inyong Isasakamay? Ang katanungang ito ay sasagutin ng indibiduwal. Upang matiyak kung gaano karaming magasin ang maaari ninyong maisakamay sa panahon ng kampanya, isaalang-alang ang uri ng teritoryo na inyong gagawin, ang inyong edad, ang inyong kalusugan, ang panahon na maaari ninyong ilaan sa gawain, at iba pang mga salik. Gayunpaman, pansinin ang paalaalang ibinigay sa Enero 1, 1994, isyu ng Ang Bantayan: “Bilang isang mungkahi, ang mga mamamahayag ay maaaring magkaroon ng tunguhin na, halimbawa, 10 magasin bawat buwan, depende sa kanilang mga kalagayan; ang mga payunir ay maaaring magsikap na makapagsakamay ng 90.” Ang gayundin bang tunguhin ay makatotohanan sa inyong kaso? Kayo ba ay nakapidido na ng ekstrang mga kopya ng Abril 22 ng Gumising!? Suriin upang makatiyak na ang inyong pidido ay sapat. Kung nasumpungan ng kongregasyon na ang pantanging pidido nito para sa karagdagang magasin ay hindi sapat, maaari silang magpadala ng ikalawang pidido sa tanggapang pansangay at sisikapin ng Samahan na mapunan ang inyong pidido habang mayroon pa kaming suplay.
14 Mga Matatanda—Ang Maingat na Pagpaplano ay Kailangan: Ang lokal na mga kaayusan para sa kampanya sa Abril ay pangangasiwaan ng lupon ng matatanda. Dapat nilang tiyakin na, hangga’t maaari, ang lahat ng teritoryo ng kongregasyon ay magawa taglay ang pantanging isyu ng Gumising! Ang maingat na pansin ay dapat na ilaan sa paggawa sa anumang teritoryo ng negosyo na iniatas sa kongregasyon. Yaong mga gagawa nito ay dapat na maghandang mabuti at manamit nang masinop. Hindi kailangan ang magarbong presentasyon. Kapag lumalapit sa negosyante, maaari ninyong sabihin na hindi ninyo kadalasang nasusumpungan ang mga negosyante sa tahanan, kaya kayo ay dumadalaw sa kaniyang lugar ng negosyo upang iharap ang isang artikulo na tiyak na magugustuhan niya. Pagkatapos ay maaari ninyong ibahagi sa maikli ang isang espesipikong punto sa magasin. Ang pagpapatotoo sa lansangan taglay ang magasin ay dapat na wastong organisahin sa loob ng teritoryo ng kongregasyon. Ang pinakamabisang paraan ng pakikibahagi sa gawain sa lansangan ay ang kumuha ng unang hakbang at lumapit sa dumaraan, sa halip na hintayin na sila ang lumapit sa inyo. Yamang kayo ay pinagmamasdan ng publiko, dapat na maging palaisip sa pagtataglay ng kapita-pitagang anyo. Kaypala’y may iba pang lugar sa inyong teritoryo na maaaring magawa sa panahon ng kampanya, gaya ng mga paliparan, ospital, paradahan, at parke. Dapat tiyakin ng lupon ng mga matatanda kung anong angkop na mga kaayusan ang maaaring gawin sa mga larangang ito sa teritoryo ng inyong kongregasyon.
15 Si Jehova ay isang manggagawang walang kapaguran. (Juan 5:17) Kaniyang nilalang ang langit at lupa at gayundin ang mga halaman at ang mga hayop; subalit siya’y nagpatuloy sa paggawa hanggang malikha niya ang pinakaputong ng pambihirang gawa niya sa lupa—ang tao. Ang katunayan na mayroon tayong buhay ay isang tuwirang resulta ng pagnanais ng Diyos na gumawa. Bilang “tagatulad sa Diyos,” tayo’y dapat mapakilos ng ating pag-ibig sa kaniya na maging “masigasig sa maiinam na gawa.” (Efe. 5:1; Tito 2:14) Yamang si Jehova ay karapat-dapat sa pagtanggap sa pinakamabuti nating pagsisikap, at yamang ang pagnanais na magtamo ng mga resulta ay katangian niyaong isa na masigasig, dapat tayong maging interesado sa pagsasagawa ng mataas na uring gawain sa ministeryo. Sabihin pa, si Jehova ay nagpapahalaga sa anumang hain na ating ginagawa para sa kaniya, at ang ating gawa ay hindi kailanman sa walang kabuluhan. (1 Cor. 15:58) Kaya, taglay ang mga pusong may pasasalamat, nawa’y isakatuparan natin ang masigasig na gawain sa Abril, na nagtitiwala sa pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova ukol sa mayamang tagumpay!