Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 3/01 p. 3-6
  • Abril—Panahon Upang ‘Magpagal at Magpunyagi’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Abril—Panahon Upang ‘Magpagal at Magpunyagi’
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • Kaparehong Materyal
  • Magagawa Ba Natin ang Abril 2000 na Ating Pinakamabuting Buwan Kailanman?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2000
  • “Lubusang Ipangaral ang Salita ng Diyos”
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2002
  • Maging Masigasig sa Mabuti!
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
  • Ang Abril Ba ay Magiging Isang Pantanging Buwan Para sa Inyo?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1993
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
km 3/01 p. 3-6

Abril—Panahon Upang ‘Magpagal at Magpunyagi’

1 Ang mga sanlinggong nakapalibot sa Memoryal ay isang panahon ng pagbubulay-bulay para sa bayan ni Jehova. Panahon ito upang pag-isipan kung ano ang naisagawa ng kamatayan ni Kristo at upang bulay-bulayin ang ating bigay-Diyos na pag-asa na pinaging posible ng itinigis na dugo ni Jesus. Habang ginugunita mo ang Abril 19 noong nakaraang taon, ano ang pumapasok sa iyong isip? Naaalaala mo ba ang mga mukhang nakita mo nang gabing iyon? ang napakahalagang espirituwal na kapaligiran noong Memoryal? ang seryosong pagtalakay sa Bibliya at taos-pusong mga panalangin? Marahil ay ipinasiya mong ipamalas nang lalong higit pa ang lalim ng iyong pasasalamat sa pag-ibig na ipinakita sa iyo ni Jehova at ni Jesus. Paano ka naaapektuhan ng gayong pagbubulay-bulay ngayon?

2 Maliwanag na ipinahahayag ng bayan ni Jehova ang kanilang pasasalamat hindi lamang sa salita. (Col. 3:​15, 17) Noong Abril, lalo na, nagsikap tayo upang ipakita ang ating pagpapahalaga sa mga paglalaan ni Jehova ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng paggamit ng ating sarili sa Kristiyanong ministeryo. Ang mga nag-auxiliary pioneer ay may bilang na 19,704. Ang kanilang pagsisikap, lakip na yaong sa lahat ng iba pang tagapagpahayag ng Kaharian, ay nagbunga ng isang bagong peak ng mga mamamahayag. Ang ating kagalakan ay nag-ibayo sa pagkakita ng mahigit 100,000 mga pag-aaral sa Bibliya na idinaos sa buwang iyon at isang bagong peak ng dumalo sa Memoryal!

3 Tunay, ang katiyakan ng ating pag-asa ay pumupukaw sa atin na kumilos. Kagayang-kagaya ito ng isinulat ni apostol Pablo: “Sa layuning ito ay nagpapagal tayo at nagpupunyagi, sapagkat inilagak natin ang ating pag-asa sa isang Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng uri ng mga tao, lalo na ng mga tapat.”​—1 Tim. 4:10.

4 Sa panahong ito ng Memoryal, paano mo ipamamalas ang iyong pananampalataya sa mga paglalaan ni Jehova ukol sa buhay? Noong nakaraang Abril ay nagkaroon tayo ng isang bagong peak ng mga mamamahayag sa Pilipinas, at sinundan ito ng isa pang peak noong Mayo na 136,396. Kaya ba nating lampasan ang bilang na iyan ngayong Abril? Kayang-kaya nating maabot ang tunguhing ito. Ngunit kailangang makibahagi ang bawat mamamahayag, bautisado at di-bautisado. Maraming baguhan ang maaari ring maging kuwalipikado na makibahagi. Kaya, habang gumagawa ka ng mga plano upang magpagal at magpunyagi ngayong Abril, isaalang-alang ang mga paraan kung paano mo mapasisigla ang iba, kabilang na ang mga baguhan at mga walang gaanong karanasan, upang sumama sa iyo.

5 Pagtulong sa Ilan na Pasimulang Muli ang Kanilang Gawain: Kung may kilala kang ilan na hindi na nakalabas sa paglilingkod sa larangan sa loob ng isa o dalawang buwan, maaaring pasiglahin mo sila at anyayahan silang samahan ka sa paglilingkod sa larangan. Kung ang ilan sa kongregasyon ay naging di-aktibo, gagawa ang matatanda ng pantanging pagsisikap na dalawin sila at pasiglahin silang magsimula muli sa Abril.

6 Tayong lahat ay dapat na patuloy na humingi ng espiritu ni Jehova upang palakasin tayo sa kaniyang paglilingkod. (Luc. 11:13) Ano ang dapat nating gawin upang tumanggap ng gayong espiritu? Basahin ang kinasihang Salita ng Diyos. (2 Tim. 3:​16, 17) Dapat din tayong “makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon” sa pamamagitan ng pagdalo sa lahat ng limang lingguhang pagpupulong. (Apoc. 3:6) Ngayon ay isang naaangkop na panahon upang tulungan ang mga iregular at mga di-aktibo na pasulungin ang kanilang mga kaugalian sa pag-aaral at itatag ang kanilang pagkapalagian sa pagdalo sa pulong. (Awit 50:23) Ginagawa natin ito habang maingat na minamatyagan ang ating sariling espirituwal na kapakanan. Gayunman, may iba pang bagay na hinihiling.

7 Ipinaliwanag ni apostol Pedro na ang Diyos ay nagbibigay ng kaniyang banal na espiritu “sa mga sumusunod sa kaniya bilang tagapamahala.” (Gawa 5:32) Saklaw ng gayong pagkamasunurin ang pagtugon sa utos na “mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.” (Gawa 1:8; 10:42) Kaya, bagaman totoo na kailangan natin ang espiritu ng Diyos upang palakasin tayong mangaral, totoo rin na habang sinisimulan nating ipamalas ang ating pagnanais na paluguran si Jehova, lalo pa niya tayong tinutulungan. Huwag nawa nating maliitin ang kahalagahan ng paggawa ng unang mga hakbanging iyon ng kusang-loob na pagkamasunurin!

8 Pagtulong sa mga Kabataan: Mga magulang, nakakita na ba kayo ng patotoo na ibig ng inyong mga anak na makipag-usap sa iba tungkol sa katotohanan? Sumasama ba sila sa inyo sa paglilingkod sa larangan? Uliran ba sila sa kanilang paggawi? Kung gayon, bakit nag-aatubili? Lumapit sa isa sa mga miyembro ng Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon, at tingnan kung ang inyong anak ay kuwalipikadong maging isang mamamahayag ngayong Abril. (Tingnan ang aklat na Ating Ministeryo, pahina 99-100.) Kilalanin na ang inyong mga anak ay maaaring makaragdag sa isang makapangyarihang paraan sa sigaw ng papuri kay Jehova sa panahong ito ng Memoryal.​—Mat. 21:​15, 16.

9 Laging pinasisigla ng isang Kristiyanong ina sa Georgia, E.U.A., ang kaniyang batang anak na babae na ipakipag-usap sa iba ang tungkol kay Jehova. Noong nakaraang taon, habang nakikibahagi sa ministeryo ang batang babae kasama ng kaniyang ina, nakapagpasakamay siya ng isang brosyur na Hinihiling sa isang lalaki at ipinaliwanag niya sa maikli ang talaan ng nilalaman nito. Tinanong siya ng lalaki: “Ilang taon ka na?” Sinabi ng bata: “Pito po.” Nagulat ang lalaki na makita siyang magbigay ng isang makabuluhang presentasyon. Nagkataon namang kinalakhan na ng lalaking ito ang katotohanan subalit hindi niya ito kailanman sineryoso bilang isang paraan ng pamumuhay. Di-nagtagal, isang pag-aaral sa Bibliya ang idinaos sa lalaking ito, sa asawa nito, at sa anak na babae nito.

10 Maraming kabataan ay mga mamamahayag na, at nalulugod tayong makasama sila habang gumagawa silang kasama natin sa paglilingkod. Maaaring maganyak at mapasigla ng mga kabataang ito ang iba na mga kaedad nila. Ngunit ang Abril ay isa ring angkop na panahon upang patibayin ng indibiduwal na mga pamilya ang kanilang ugnayan at upang patatagin ang kanilang espirituwalidad sa pamamagitan ng paggawang magkakasama sa sagradong paglilingkod. Dapat pangunahan ito ng mga ulo ng pamilya.​—Kaw. 24:27.

11 Pagtulong sa mga Baguhan: Kumusta naman ang mga baguhan na inaaralan mo ng Bibliya? Maaari ba silang makatulong sa pantanging pagsisikap ngayong Abril? Baka naipahayag na nila ang pagnanais na sabihin sa iba kung ano ang kanilang natututuhan nang saklawin ninyo ang kabanata 2, parapo 22, o kabanata 11, parapo 14, sa aklat na Kaalaman. Kung malapit na kayo sa katapusan ng aklat, maghanda na talakayin ang bagay na ito nang maliwanag habang sinasaklaw ninyo ang kabanata 18, parapo 8, na nagsasabing: “Marahil ay masasabik kang sabihin sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, at sa iba pa ang iyong natututuhan. Sa katunayan, baka ginagawa mo na ito, kung paanong ibinahagi ni Jesus ang mabuting balita sa iba sa impormal na mga kalagayan. (Luc. 10:​38, 39; Juan 4:​6-15) Ngayon ay baka nais mong gumawa nang higit pa.” Totoo ba ito sa mga inaaralan mo?

12 Naniniwala ba ang iyong estudyante sa Salita ng Diyos? Ikinakapit na ba niya ang mga simulain ng Bibliya? Iniayon na ba niya ang kaniyang buhay kasuwato ng mga pamantayan ng Diyos? Dumadalo na ba siya sa mga pulong ng kongregasyon? Ibig ba niyang paglingkuran ang Diyos na Jehova? Kung gayon, bakit hindi siya pasiglahing makipag-usap sa matatanda upang malaman nila kung kuwalipikado siyang maging di-bautisadong mamamahayag at gumawang kasama mo sa Abril? (Tingnan ang aklat na Ating Ministeryo, pahina 97-9.) Sa ganitong paraan ay mararanasan niya mismo kung paano siya aalalayan ng organisasyon ni Jehova sa kaniyang mga pagsisikap na paglingkuran si Jehova.

13 Totoo, mas mabilis sumulong ang ilang estudyante kaysa sa iba. Kaya naman, kasuwato ng tagubilin sa Hunyo 2000 na Ating Ministeryo sa Kaharian, pahina 4, parapo 5-6, marami ang nagdaraos ng pag-aaral sa ikalawang aklat sa mga tao na nang pasimula ay nagpakita ng interes subalit nangangailangan ng karagdagang tulong upang maging aktibong kasama. Hindi tayo kailanman nawawalan ng pag-asa na ang tapat-pusong mga taong ito ay magiging tunay na mga alagad ni Kristo, “kahit sa maikling panahon man o sa mahabang panahon.” (Gawa 26:29) Gayunman, kung ang panahong ginugugol mo sa pakikipag-aral sa gayong mga tao ay pinakamainam na mailalarawan bilang “mahabang panahon,” hindi kaya ang panahong ito ng Memoryal ang magiging isang mabuting pagkakataon para pasimulan ng iyong estudyante na ipamalas ang lalim ng kaniyang pagpapahalaga sa pantubos ni Kristo?

14 Kung Paano Sila Tutulungang Makibahagi: Malaki ang matututuhan natin tungkol sa pagtulong sa mga kuwalipikado na magsimula sa ministeryo sa pamamagitan ng pagsusuri kung paano sinanay ni Jesus ang iba. Hindi siya basta na lamang naghanap ng isang pulutong at nagsabi sa kaniyang mga apostol na pasimulan ang pagsasalita. Idiniin muna niya ang pangangailangan ng gawaing pangangaral, nagpasigla siya ng isang mapanalangining saloobin, at saka siya nagbigay sa kanila ng tatlong saligang paglalaan: isang kasama, isang atas na teritoryo, at isang mensahe. (Mat. 9:​35-38; 10:​5-7; Mar. 6:7; Luc. 9:​2, 6) Magagawa mo rin ang gayon. Tinutulungan mo man ang iyong sariling anak, ang isang bagong estudyante, o ang isa na matagal-tagal nang walang anumang ulat ng paglilingkod, angkop nga na gumawa ng isang pantanging pagsisikap upang itaguyod ang sumusunod na mga tunguhin.

15 Itampok ang Pangangailangan: Ikintal sa tao ang kahalagahan ng gawaing pangangaral. Maging positibo tungkol dito. Maglahad ng mga karanasan na nagpapakita kung ano ang naisasagawa ng kongregasyon sa ministeryo. Ipakita ang espiritung ipinamalas ni Jesus sa Mateo 9:​36-38. Pasiglahin ang potensiyal na mamamahayag o ang isa na di-aktibo na ipanalangin ang tungkol sa kaniyang personal na pakikibahagi sa ministeryo at gayundin ang tagumpay ng gawain sa buong daigdig.

16 Pasiglahin ang Tao na Pag-isipan ang Tungkol sa Maraming Pagkakataon Upang Magpatotoo: Banggitin ang posibilidad na makipagtagpo sa grupo ng pag-aaral sa aklat para sa pagpapatotoo sa bahay-bahay. Sabihin ang tungkol sa pakikipag-usap sa mga kamag-anak at mga kakilala o pakikipagtalakayan sa mga katrabaho o kaeskuwela sa mga panahon ng pananghalian. Kapag nagbibiyahe sa pampublikong sasakyan, ang isa ay kalimitan nang makapagpapasimula ng isang pag-uusap sa pamamagitan lamang ng pagpapakita ng personal na interes sa mga kapuwa pasahero. Kapag tayo ang nagkusa, ito ay kalimitan nang nagbubukas ng pagkakataon upang makapagbigay ng isang mainam na patotoo. Tunay ngang maraming pagkakataon upang ibahagi ang ating pag-asa sa iba “araw-araw.”​—Awit 96:​2, 3.

17 Gayunman, malamang na mas magiging angkop para sa iyo at sa bagong mamamahayag na gumawang magkasama sa bahay-bahay sa pinakamaagang panahon hangga’t maaari. Kung nagtakda ka ng isang tunguhin na pag-ibayuhin ang iyong paglilingkod sa Abril, tanungin ang lingkod sa teritoryo kung may nakahandang isang kombinyenteng teritoryo. Kung mayroon, mabibigyan ka nito ng mga pagkakataon upang kubrehan iyon nang lubusan. Halimbawa, habang patapos ka na sa paglilingkod o naglalakbay patungo sa pulong o sa iba pang dako, baka mapansin mong may tao na sa isang bahay kung saan noong una ay wala kang natagpuan o kung saan doon ay may nagpakita ng interes. Kung naaangkop, gumawa ng maikling pagdalaw sa panahong ito’y pinakaepektibo. Ito naman ang magdaragdag sa iyong pagkadama ng tagumpay at ng kagalakan sa ministeryo.

18 Maghanda ng Isang Nakaaakit na Mensahe: Isang bagay para sa isa ang magnais na ibahagi ang mensahe ng Kaharian, ngunit ibang bagay naman ang makadama siya ng pagtitiwala sa kaniyang paraan ng pakikipag-usap tungkol dito, lalo na kung siya ay baguhan o matagal nang hindi nakapaglingkod. Ang pagtulong sa mga baguhan at mga di-aktibo na maghanda ay sulit na sulit. Ang mga Pulong sa Paglilingkod at mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan ay makapaglalaan ng mga ideyang makatutulong, ngunit walang maihahalili sa personal na paghahanda.

19 Paano mo matutulungan ang mga baguhan na maghanda para sa paglilingkod? Magsimula sa isang presentasyon sa magasin, at panatilihin itong simple at maikli! Hilingan silang mag-isip ng tungkol sa mga pangyayari sa balita na maaaring ikinababahala ng mga tao sa teritoryo, at saka maghanap ng isang punto sa isa sa mga kasalukuyang magasin na nauugnay rito. Insayuhin ninyong magkasama ang presentasyon, at gamitin ito sa ministeryo sa pinakamaagang panahong posible.

20 Linangin ang Ating Potensiyal Para sa Pagsulong sa Hinaharap: Noong nakaraang taon, mahigit sa 14.8 milyon ang dumalo sa Memoryal. Ang bilang ng nag-ulat na mga mamamahayag ay mahigit na anim na milyon lamang. Nangangahulugan ito na mga 8.8 milyon katao ang nagkaroon ng sapat na interes upang dumalo sa pantanging programang ito kung saan ay narinig nilang ipinaliwanag ang isa sa mga pangunahing turo ng Bibliya. Nakilala nila nang personal ang ilan sa atin, na malamang ay positibong nakatawag ng kanilang pansin. Marami sa kanila ang nagsasalita nang mabuti tungkol sa atin, nag-aabuloy sa ating pandaigdig na gawain, at nagtatanggol sa atin sa harap ng ibang tao. Ang malaking grupong ito ay kumakatawan sa isang potensiyal para sa pagsulong sa hinaharap. Ano ang magagawa natin upang tulungan silang gumawa ng karagdagang pagsulong?

21 Ang karamihan sa mga baguhang dumadalo sa Memoryal ay gumagawa niyaon bilang resulta ng personal na paanyaya mula sa isa sa atin. Karaniwan nang nangangahulugan ito na mayroon silang kahit isang personal na kakilala sa dumalo. Kung may sinumang dumalo bilang pagtugon sa ating paanyaya, may pananagutan tayong ipadama sa kaniya na siya ay malugod na tinatanggap at tulungan siya na lubusang makinabang mula sa programa. Yamang mapupuno ng tao ang bulwagan, tulungan siyang humanap ng mauupuan. Pahiramin siya ng Bibliya, at anyayahan siyang makigamit ng iyong aklat-awitan. Sagutin ang anumang tanong na ibabangon niya. Ang iyong magiliw at personal na atensiyon ay maaaring maging isang pangunahing salik upang malinang ang kaniyang interes. Sabihin pa, tayong lahat ay may bahagi sa pananagutang ito​—kung may makita tayong di-pamilyar na mukha, malugod na tanggapin siya at makipag-usap nang maikli upang makilala siya.

22 Ang pagdalo sa Memoryal ay maaaring magkaroon ng matinding epekto sa kaisipan ng isang tao. Ang bagay na dumalo siya sa pulong ay maaaring magpahiwatig na hindi niya nasumpungan sa iba ang hinahanap niya at na mayroon tayong iniaalok na sa palagay niya ay kailangang suriing mabuti. Ang paliwanag tungkol sa kamangha-manghang paglalaan ng pantubos ay maaaring isang malalim na kapahayagan para sa isang tao na walang ideya tungkol sa walang-hanggang pag-ibig ni Jehova. Madali niyang nakikita na tayo ay naiiba​—taimtim, palakaibigan, maibigin, at magalang. Ang ating bulwagan ay hindi katulad niyaong nakikita niya sa mga simbahan na may mga imahen at walang-kabuluhang mga ritwal. Tiyak na mapapansin ng mga baguhan na ang mga dumadalo ay binubuo ng mga tao mula sa iba’t ibang kalagayan sa buhay at na walang ginagawang pangongolekta ng salapi. Ang pagkakita nila nito ay maaaring maging isang malakas na pangganyak upang bumalik sila.

23 Pagkatapos ng Memoryal, ang isa ay dapat na maging alistong maglaan ng tulong sa bawat baguhan na dumalo. Kung may inanyayahan kang mga baguhan, ikaw ay may pantanging pananagutan. Bago sila umalis, tiyaking ipaalam sa kanila ang tungkol sa iba pang mga pulong sa Kingdom Hall. Banggitin ang pamagat ng susunod na pahayag pangmadla. Ipaalam sa kanila ang dako at oras ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat na pinakamalapit sa kanilang tahanan. Pagkatapos ay paglaanan sila ng isang kopya ng aklat na Kaligayahan sa Pamilya, at ipaalam sa kanila na ang tatalakayin sa linggo ng Abril 30 ay “Ipagsanggalang ang Iyong Pamilya sa mga Mapaminsalang Impluwensiya.” Ipaliwanag kung bakit ang buong kongregasyon ay nagpaplanong dumalo sa isang pansirkitong asamblea o pantanging araw ng asamblea kung may nakaiskedyul sa malapit na hinaharap.

24 Isaayos ang isang palakaibigang pagdalaw sa kanilang tahanan. Tiyaking magkaroon sila ng mga kopya ng brosyur na Hinihiling at ng aklat na Kaalaman, na magpapakilala sa kanila ng saligang mga turo ng Bibliya. Kung hindi pa sila nakikipag-aral, alukan sila ng isang pag-aaral sa Bibliya. Imungkahing basahin nila ang bagong brosyur na Jehovah’s Witnesses, na naghaharap ng malinaw na larawan kung paano tayo kumikilos bilang isang organisasyon. Anyayahan silang panoorin ang ating mga video, gaya ng Our Whole Association of Brothers. Isaayos na makilala nila ang iba pa sa kongregasyon. Sa sumusunod na mga buwan, dalawin ang mga baguhan; anyayahan sila na daluhan ang mga pulong kapag dumadalaw ang tagapangasiwa ng sirkito o kapag mayroon kayong pansirkitong asamblea o pantanging araw ng asamblea. Bigyan sila ng lahat ng pagkakataon na maipakitang sila ay “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan”!​—Gawa 13:48.

25 Kung Ano ang Magagawa ng Matatanda: Ang tagumpay ng pinasidhing pagsisikap sa ministeryo ngayong Abril ay nakadepende, sa kalakhang bahagi, sa matatanda. Kung ikaw ay isang konduktor ng pag-aaral sa aklat, gumawa ng isang talaan ng mga bagay na maaari mong gawin upang matulungan ang lahat sa iyong grupo ng pag-aaral sa aklat na makibahagi sa pantanging gawaing ito. Mayroon bang kaugnay sa iyong grupo na mga kabataan, baguhan, iregular, o di-aktibo? Alamin kung kusa silang tinutulungan ng mga magulang, mga payunir, o iba pang mamamahayag. Maglaan ng kahit anong personal na tulong na maibibigay mo mismo. Isang sister na naging iregular sa paglilingkod sa larangan sa loob ng dalawang taon ang gumugol ng mahigit na 50 oras sa ministeryo noong nakaraang Abril. Ano ang nagpabago sa kaniyang kalagayan? Sinabi niya na ito ay dahil sa nakapagpapatibay na pagpapastol na isinagawa ng matatanda.

26 Dapat magtulungan ang matatanda at mga ministeryal na lingkod upang tiyaking may sapat na teritoryo, magasin, at literatura para sa darating na buwan. Maaari bang magsaayos ng karagdagang mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan? Kung maaari, ipaalam ang gayong pantanging mga kaayusan. Higit sa lahat, sa inyong pampubliko at pribadong mga panalangin, hilingin ang pagpapala ni Jehova sa ating buwan ng pinag-ibayong gawaing pang-Kaharian.​—Roma 15:​30, 31; 2 Tes. 3:1.

27 Noong nakaraang Abril sa isang kongregasyon sa North Carolina, talagang pinasigla ng matatanda ang pinag-ibayong gawain sa ministeryo. Sa mga pulong sa bawat linggo, inanyayahan nila ang mga mamamahayag na may-pananalanging isaalang-alang kung maaari silang makapagpatala bilang mga auxiliary pioneer. Sa bawat pagkakataon, masiglang ipinakikipag-usap ng lahat ng matatanda at ministeryal na lingkod na gawing pinakamainam na buwan kailanman ang Abril. Bilang resulta, 58 porsiyento ng mga mamamahayag, kabilang na ang lahat ng matatanda at ministeryal na lingkod, ang nagpayunir nang buwang iyon!

28 Ang Kagalakan sa Pagkakaroon ng Lubusang Pakikibahagi: Ano ang mga pagpapala ng ‘ating pagpapagal at pagpupunyagi’ sa ministeryo? (1 Tim. 4:10) Tungkol sa masigasig na gawain ng kanilang kongregasyon noong Abril, ang matatanda na binanggit sa itaas ay sumulat: “Madalas na pinag-uusapan ng mga kapatid kung gaano kalaking pag-ibig at pagkamalapit ang nadarama nila sa isa’t isa mula nang pasimulan nilang gumawa nang higit pa sa ministeryo sa larangan.”

29 Isang kabataang kapatid na lalaki na hindi gaanong makalakad ay nagnais na magkaroon ng bahagi sa pantanging gawain noong nakaraang Abril. Sa pamamagitan ng maingat na pagpaplano at sa tulong ng kaniyang ina at espirituwal na mga kapatid, tinamasa niya ang isang mabungang buwan bilang auxiliary pioneer. Ano ang nadama niya tungkol sa kaniyang karanasan? Sinabi niya: “Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, nadama kong ako ay gaya ng isang matipunong lalaki.”

30 Walang alinlangang mayamang pinagpapala ni Jehova yaong lubos na nagpapahalaga sa kanilang pribilehiyo ng pakikipag-usap tungkol sa kaniyang paghahari. (Awit 145:​11, 12) Habang ginugunita natin ang kamatayan ng ating Panginoon, nauunawaan natin na ang mga pagpapala ng makadiyos na debosyon ay magiging mas sagana pa sa hinaharap. Masikap na hinangad ni apostol Pablo ang gantimpalang buhay na walang hanggan. Ngunit, alam niyang hindi ito isang bagay na darating kung basta na lamang siya uupo at aasa. Sumulat siya: “Sa layunin ngang ito ay nagpapagal ako, na nagpupunyagi ayon sa pagkilos niya at siyang gumagana sa akin taglay ang kapangyarihan.” (Col. 1:29) Ginawa ni Jehova, sa pamamagitan ni Jesus, na maging makapangyarihan si Pablo upang maisagawa ang isang nagliligtas-buhay na ministeryo, at magagawa rin Niya ang gayon sa atin ngayon. Magiging personal na karanasan mo kaya iyon ngayong Abril?

[Kahon sa pahina 3]

Sino ang Maaari Mong Pasiglahin na Mangaral sa Abril?

Ang iyong anak?

Isang estudyante sa Bibliya?

Isa na naging di-aktibo?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share