Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 3/03 p. 3-6
  • Maging Masigasig sa Mabuti!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maging Masigasig sa Mabuti!
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
  • Kaparehong Materyal
  • “Lubusang Ipangaral ang Salita ng Diyos”
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2002
  • “Lubusang Magpatotoo sa Mabuting Balita”
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2008
  • Patuloy na Sabihin ang Tungkol sa mga Kamangha-manghang Gawa ni Jehova
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2004
  • Magagawa Ba Natin ang Abril 2000 na Ating Pinakamabuting Buwan Kailanman?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2000
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
km 3/03 p. 3-6

Maging Masigasig sa Mabuti!

1 Habang papasók na tayo sa panahon ng Memoryal sa 2003, marami tayong dahilan upang maging ‘masigasig sa mabuti.’ (1 Ped. 3:13) Pangunahin na rito ang haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Mat. 20:28; Juan 3:16) Sumulat si apostol Pedro hinggil dito: “Hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, sa pamamagitan ng pilak o ginto, na kayo ay iniligtas mula sa inyong walang-bungang anyo ng paggawi. . . . Kundi iyon ay sa pamamagitan ng mahalagang dugo, tulad niyaong sa walang-dungis at walang-batik na kordero, kay Kristo mismo.” (1 Ped. 1:​18, 19) Ang pagpapahalaga sa pambihirang kapahayagang ito ng pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na maging abala sa paggawa ng mabuti, anupat kinikilala na ‘ibinigay ni Jesus ang kaniyang sarili para sa atin upang mailigtas niya tayo mula sa bawat uri ng katampalasanan at linisin para sa kaniyang sarili ang isang bayan na katangi-tanging kaniya, masigasig sa maiinam na gawa.’​—Tito 2:14; 2 Cor. 5:​14, 15.

2 Kapag ginagawa natin ang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, tayo ay nakapagtatamasa ng isang mabuting kaugnayan sa kaniya at napapasailalim sa kaniyang maibiging pangangalaga at pagbabantay. Sinabi pa ni Pedro: “Siya na nagnanais umibig sa buhay at makakita ng mabubuting araw, . . . talikuran niya ang kasamaan at gawin ang mabuti; hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod iyon. Sapagkat ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang pagsusumamo.” (1 Ped. 3:10-12) Sa mapanganib na panahong ito, tunay na isang pagpapala na malamang binabantayan tayo ni Jehova at handa siyang kumilos alang-alang sa ating kapakanan, “upang ingatan [tayo] na gaya ng balintataw ng kaniyang mata.”​—Deut. 32:10; 2 Cro. 16:9.

3 Sa kabila ng mga pagsubok na napaharap sa kanila, ang sinaunang mga Kristiyano na sinulatan ni Pedro ay pinag-alab pa rin ng sigasig na di-kayang maapulà, at ipinangaral nila ang mabuting balita sa pinakamalayong lugar hangga’t maaari. (1 Ped. 1:6; 4:12) Ganiyan din sa bayan ng Diyos sa ngayon. Bagaman nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” ang pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova ay nagpapakilos sa atin na gawin ang kalooban ng Diyos nang may kasigasigan. (2 Tim. 3:1; Awit 145:7) Isaalang-alang natin ang ilan sa mabubuting gawa na ating pagkakaabalahan sa panahong ito ng Memoryal.

4 Anyayahan ang Iba sa Memoryal: Ang isang paraan upang maipakita natin ang ating pagpapahalaga sa pambihirang kaloob na pantubos ay ang pagdalo sa taunang pag-alaala sa kamatayan ni Jesus, na ipagdiriwang sa taóng ito sa Miyerkules, Abril 16, pagkalubog ng araw. (Luc. 22:​19, 20) Nitong nakalipas na taon, ayon sa iniulat ng 94,600 kongregasyon sa buong daigdig, tayo ay nagkaroon ng kabuuang bilang ng dumalo na 15,597,746! Iyan ay mas mataas nang 220,000 kaysa sa bilang ng mga dumalo noong sinundang taon.

5 Ilan kaya ang dadalo sa taóng ito? Malaki ang magagawa ng ating puspusang pagsisikap na pasiglahin ang iba na makipagtipong kasama natin. Simulan ito sa pamamagitan ng paggawa ng isang listahan ng lahat ng nais mong anyayahan. Dapat na unang-una sa listahan ang iyo mismong pamilya. Kung mayroon kang di-sumasampalatayang asawa, ipahayag ang iyong taos-pusong hangarin na siya ay dumalo kasama mo. Sinabi ng isang di-sumasampalatayang asawang lalaki na dumalo siya sa Memoryal noong nakaraang taon dahil nakita niya kung gaano kahalaga sa kaniyang asawa ang kaniyang pagdalo. Maaaring ang susunod sa iyong listahan ay mga kamag-anak, kapitbahay, katrabaho, o kaeskuwela. Tiyaking anyayahan ang iyong mga estudyante sa Bibliya.

6 Pagkatapos gumawa ng listahan, mag-iskedyul ng panahon upang personal na anyayahan ang bawat isa. Gamitin ang inilimbag na mga imbitasyon para sa Memoryal. Upang matulungan ang mga tao na matandaan kung kailan at saan gaganapin ang pagdiriwang, imakinilya o isulat nang maayos ang oras at lugar ng Memoryal sa ibabang bahagi ng imbitasyon. Habang papalapit ang Abril 16, paalalahanan ang mga nasa listahan mo, sa personal na paraan o sa pamamagitan ng telepono. Tulungan natin ang pinakamaraming tao hangga’t maaari na makadalo sa pinakasagradong okasyong ito.

7 Tulungan ang mga Dadalo sa Memoryal: Ang gabi ng Memoryal ay palaging isang kapana-panabik na okasyon. May pagkakataon tayo na malugod na tanggapin ang mga indibiduwal na hindi karaniwang dumadalo sa ating mga pulong. Gumawa ng mga kaayusan na dumating nang maaga at huwag umuwi agad, hangga’t ipinahihintulot ito ng mga kalagayan sa inyong lugar. Kusang makipagkilala sa mga baguhang dumalo. Maging magiliw at mapagpatuloy.​—Roma 12:13.

8 May mga dumalo ba sa Memoryal na maaaring tulungan upang higit silang sumulong sa espirituwal sa pamamagitan ng pagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya? Sikaping makuha ang mga pangalan at adres ng sinumang panauhin na hindi pa nadadalaw upang patuloy mo silang matulungan. Sa pamamagitan ng maibiging tulong, ang ilan sa mga ito ay maaaring sumulong tungo sa pagiging kuwalipikado bilang di-bautisadong mga mamamahayag bago ang Memoryal sa susunod na taon. Kapag dinadalaw ang mga dumalo sa Memoryal upang kumustahin sila, anyayahan sila sa pantanging pahayag na ibibigay sa Abril 27.

9 Maaari Ka Bang Mag-auxiliary Pioneer Ngayong Tag-araw? Taun-taon, ang ating sigasig para kay Jehova ay nagpapakilos sa atin na lubusang magpagal sa ministeryo sa mga buwan ng pantanging teokratikong gawain. Sa Pilipinas noong nakaraang taon, 9,515 ang nag-auxiliary pioneer noong Marso, 15,458 noong Abril, at 12,652 noong Mayo. Sa tatlong buwang ito, gumugol sila ng kabuuang bilang na 1,528,501 oras sa ministeryo at nagdaos ng katamtamang bilang na 13,836 na pag-aaral sa Bibliya. Ang nagkakaisang pagsisikap ng buong kongregasyon upang ipangaral ang mabuting balita nang may kasigasigan sa panahon ng Memoryal ay makapagluluwal ng maiinam na resulta.

10 Iniulat ng isang kongregasyon na may 107 mamamahayag at 9 na regular pioneer na sila ay may “namumukod-tanging buwan” noong Abril, kung saan 53 ang naglingkod bilang mga auxiliary pioneer, kasama ang lahat ng matatanda at ministeryal na lingkod. Paano napasigla ng matatanda ang mga kapatid na mag-auxiliary pioneer sa buwang iyon? Sinimulan nila ito nang maaga, anupat pinasisiglang magpatala ang pinakamarami hangga’t maaari. Ang pagtitipon bago maglingkod sa larangan ay idinaos sa iba’t ibang oras sa bawat araw upang ibagay sa lahat ng kapatid sa kongregasyon. Binigyan ng pantanging pagdiriin ang pagpapatotoo sa telepono, lalo na para sa mahihina ang katawan.

11 Isang 86-na-taóng-gulang na sister, na hindi makalakad dahil sa suliranin sa kalusugan, ang nagpatala bilang auxiliary pioneer. Simula sa umaga, dalawang oras siyang nagpapatotoo sa telepono habang nakaupo sa harap ng mesa sa kusina, nagpapahinga nang ilang oras, at pagkatapos ay bumabalik at nagpapatotoo muli sa telepono. May nakausap siyang isang babaing namatayan ng asawa at dalawang tin-edyer na anak na lalaki noong nakalipas na dalawang taon at hindi nito maintindihan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na mangyari ang gayong masasamang bagay. Isang mabuting patotoo ang naibigay, at napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Ang pagpapatotoo sa telepono sa gabi at sa iba pang mga panahon ay isang mabisang paraan upang makausap ang mga taong naninirahan sa mga gusali o mga lugar na di-mapuntahan. Pinangyayari rin nito na makausap ng mga mamamahayag ang mga taong wala sa tahanan kapag araw.

12 Tinapos ng matatanda ang kanilang ulat sa pagsasabing: “Ang saya-saya namin at nagpapahalaga kami sa mga pribilehiyo at pagpapala na ginawang posible ni Jehova para sa bawat isa sa amin.” Sa pamamagitan ng tamang pagpaplano, matatamasa rin ng inyong kongregasyon ang gayong mga pagpapala.

13 Pagsikapan ang 100-Porsiyentong Pakikibahagi sa Ministeryo: Ang pag-ibig natin sa Diyos at sa kapuwa ay nagpapakilos sa atin na bilhin ang panahon bawat buwan upang ibahagi ang mabuting balita sa iba. (Mat. 22:37-39) Dapat pagsikapan ng mga tagapangasiwa ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at ng kanilang mga katulong na tulungan ang mga nasa grupo nila na makibahagi sa ministeryo buwan-buwan. Ang isang mainam na paraan upang magawa ito ay sa pamamagitan ng patiunang pagsasaayos na gumawa sa ministeryo kasama ng espesipikong mga indibiduwal sa grupo. Sa halip na hintayin pa ang katapusan ng buwan bago gawin ito, magsimula nang maaga. Magbibigay ito sa iyo ng higit na pagkakataon na maglaan ng maibiging tulong.

14 May mga mamamahayag ba sa inyong grupo ng pag-aaral sa aklat na mahina ang katawan at hirap na hirap makibahagi sa ministeryo? Kung ang ilan ay nasa nursing home o hindi makaalis sa kanilang tahanan, mauunawaan na ang mga pagkakataon nila na magpatotoo ay limitado lamang. Ngunit sa pamamagitan ng pagsasamantala sa limitadong mga pagkakataon upang pasikatin ang kanilang liwanag, maaari nilang mapakilos ang mga nakakakita sa kanilang maiinam na gawa na magkaroon ng tunay na interes sa katotohanan. (Mat. 5:16) Dapat tiyakin ng mga tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat na ang gayong mga kapatid ay maaaring mag-ulat ng kanilang gawaing paglilingkod sa larangan na tig-15, 30, o 45 minuto. Ang pag-uulat nila sa panahon na kanilang ginugugol sa pagpapatotoo ay nakapagpapasigla sa tapat na mga mamamahayag na ito, at nakapagdudulot sa kanila ng kagalakan at kasiyahan. Nakatutulong din ito upang matiyak na tumpak ang pandaigdig na ulat ng mga gawain ng bayan ng Diyos.

15 Mga Kabataang Abala sa Paggawa ng Mabuti! Tunay ngang nakagiginhawang makita ang mga kabataang Kristiyano na gumagamit ng kanilang lakas sa paglilingkod kay Jehova! (Kaw. 20:29) Kung isa kang kabataan, paano mo maipamamalas ang iyong sigasig para kay Jehova sa pantanging mga buwang ito ng gawain?

16 Kung hindi ka pa isang di-bautisadong mamamahayag sa kongregasyon, maaari mo bang abutin ang pribilehiyong iyon? Itanong mo sa iyong sarili ang mga sumusunod: ‘Mayroon na ba akong saligang kaalaman sa katotohanan sa Bibliya? Nais ko bang makibahagi sa paglilingkurang pang-Kaharian? Ako ba ay huwaran sa aking paggawi? May kakayahan na ba akong ipahayag nang personal ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng hinggil sa mabuting balita? Napakikilos ba ako ng aking puso na gawin ito?’ Kung masasagot mo ng oo ang mga tanong na ito, ipakipag-usap sa iyong mga magulang ang hangarin mo na maging isang mamamahayag. Maaaring lapitan ng iyong mga magulang ang isa sa matatanda ng komite sa paglilingkod.

17 Kung isa ka nang mamamahayag ng mabuting balita, maaari mo bang samantalahin ang panahon ng bakasyon upang palawakin ang iyong pakikibahagi sa ministeryo? Sa pamamagitan ng isang mabuting iskedyul at ng tulong ng mga magulang at ng iba pa, maraming bautisadong kabataan ang nakapag-auxiliary pioneer sa panahon ng bakasyon sa tag-araw. Kung hindi iyan posible, maging determinado na dagdagan ang iyong pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Magtakda ng tunguhin para sa iyong sarili. Bukod pa sa tunguhin sa oras, magtakda ng isa pang tunguhin may kaugnayan sa kalidad ng iyong ministeryo. Marahil ay maaari kang magsikap na ibahagi ang isang teksto sa bawat taong makausap mo, mapasulong ang kalidad ng iyong mga pagdalaw-muli, magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya, o mapalawak ang iyong ministeryo sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa telepono o ang iba pang pitak ng paglilingkod. Bakit hindi gawing tunguhin ang pag-aanyaya sa isang kapitbahay, kaeskuwela, o kamag-anak upang samahan ka sa Memoryal sa taóng ito? Ang lubusang pakikibahagi sa teokratikong mga gawain ay magiging kasiya-siya at tiyak na magpapasigla sa iba sa kongregasyon.​—1 Tes. 5:11.

18 Tulungan ang mga Baguhan na Sumulong: Noong nakalipas na taon ng paglilingkod, isang katamtamang bilang na 97,456 na pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idinaos bawat buwan sa Pilipinas. Sa kalaunan, marami sa mga estudyanteng ito ang susulong tungo sa pag-aalay at bautismo. Gayunman, bago nila maabot ang tunguhing iyon, kailangan natin silang tulungan na maging kuwalipikado bilang mga mamamahayag ng mabuting balita. Ito ay isang mahalagang hakbang sa pagtuturo sa mga baguhan na maging mga tagasunod ni Jesu-Kristo. (Mat. 9:9; Luc. 6:40) May estudyante ka ba sa Bibliya na handa nang gawin ang hakbang na iyan?

19 Kung hindi ka tiyak sa pagsulong ng iyong estudyante, humingi ng tulong sa inyong tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat o sa tagapangasiwa sa paglilingkod. Marahil ay maaari mo siyang anyayahang sumama sa inyong pag-aaral. Ang mga kapatid na ito ay may mahalagang karanasan na magagamit upang malaman ang espirituwal na pagsulong ng estudyante. Marahil ay may mga mungkahi sila na tutulong sa estudyante na patuloy na sumulong sa espirituwal.

20 Kapag nagpakita ng interes ang iyong estudyante na maging di-bautisadong mamamahayag at sa palagay mo’y kuwalipikado na siya, kausapin mo ang punong tagapangasiwa. Isasaayos niya na dalawang matanda ang makipag-usap sa iyo at sa estudyante upang alamin kung siya ay kuwalipikado na, anupat ginagamit ang impormasyon sa pahina 98-9 ng aklat na Ating Ministeryo. (Tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 15, 1988, pahina 17.) Kung ang estudyante ay inaprubahan na maging isang mamamahayag, dapat mong simulan agad ang pagsasanay sa kaniya. Kapag ibinigay na niya ang kaniyang ulat sa paglilingkod sa larangan, ipababatid sa kongregasyon na ang estudyante ay isa nang di-bautisadong mamamahayag. Umaasa tayo na libu-libong bagong mamamahayag, kapuwa bata at matanda, ang makaaabot sa napakahalagang yugtong ito ng kanilang espirituwal na pagsulong sa mga pantanging buwan na ito ng gawain.

21 Marami ang Magagawa Kung May Patiunang Pagpaplano: Makatutulong ang patiunang pagpaplano sa ikapagtatagumpay ng ating teokratikong mga gawain sa panahong ito ng Memoryal. (Kaw. 21:5) Maraming bagay ang dapat bigyang-pansin ng matatanda.

22 Upang matulungan ang kongregasyon na makagawa ng marami sa ministeryo sa larangan, dapat gumawa ang matatanda ng praktikal na mga kaayusan upang idaos ang mga pulong sa paglilingkod sa larangan sa buong linggo at sa dulo ng sanlinggo. Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ang dapat manguna sa paggawa ng mga kaayusang ito. Maaari kayang magsaayos ng karagdagang mga pagtitipon bago lumabas sa larangan sa umagang-umaga, sa dapit-hapon, o sa unang mga oras ng gabi? Dapat ipabatid sa kongregasyon ang mga kaayusang ito. Makatutulong kung ang iskedyul ay nakapaskil sa information board.

23 Dapat tiyakin ng matatanda na ang mga kaayusan para sa Memoryal ay patiuna nang nakaayos bago ang Abril 16. Kasama rito ang pakikipag-ugnayan sa ibang kongregasyon na maaaring magtipon doon hinggil sa paggamit ng Kingdom Hall, paglilinis ng Kingdom Hall, pagpili ng mga attendant at mga tagapagsilbi, at pagkuha ng mga emblema. Dapat ipabatid sa kongregasyon ang oras at lugar ng Memoryal at ang anumang pagbabago sa iskedyul ng pulong para sa linggong iyon. Sa pamamagitan ng masikap na pag-aasikaso sa mga bagay na ito, ang pagdiriwang ay ‘magaganap nang disente at ayon sa kaayusan.’​—1 Cor. 14:40.

24 Maaaring naisin ng mga ulo ng pamilya na gamitin ang isang bahagi ng kanilang pampamilyang pag-aaral upang pag-usapan kung paano maaaring makibahagi ang pamilya sa pinalawak na gawain sa panahon ng Memoryal. Maaari bang mag-auxiliary pioneer ang buong pamilya? O maaari bang suportahan ng pamilya ang isa o higit pang miyembro sa paggawa nito? Kung hindi iyan posible, magtakda na lamang ng espesipikong mga tunguhin bilang pamilya na makagugol ng higit na panahon sa ministeryo. May isa bang nakababatang miyembro ng pamilya na, sa kaunting pagpapasigla at tulong, ay maaari nang maging kuwalipikado bilang isang di-bautisadong mamamahayag? Ilan kaya ang maaanyayahan ng inyong pamilya na dumalo sa Memoryal sa taóng ito? Ang mabuting pagpaplano ay magdudulot ng maraming pagpapala at kagalakan sa inyong pamilya.

25 Lubusang Samantalahin ang Natitirang Panahon: Sa kaniyang pagsulat sa unang-siglong mga Kristiyano, ipinaalaala sa kanila ni apostol Pedro ang hinggil sa pagkaapurahan ng panahon dahil malapit nang magwakas noon ang Judiong sistema ng mga bagay. (1 Ped. 4:7) Sa ngayon, ipinahihiwatig ng lahat ng ebidensiya na malapit na ang wakas ng kasalukuyang pangglobong sistema ng mga bagay. Sa araw-araw, dapat makita sa ating paraan ng pamumuhay ang paninindigang iyan. Bilang masisigasig na lingkod ni Jehova, dapat nakatuon ang ating pansin sa apurahang gawain ng paghahayag ng mabuting balita.​—Tito 2:​13, 14.

26 Ngayon na ang panahon para maging masigasig at para kumilos! Bulay-bulayin ang nagawa na ni Jehova para sa iyo, sa inyong pamilya, at sa kongregasyon. Bagaman hindi natin siya kailanman magagantihan sa maraming kabutihang ginawa niya sa atin, maibibigay naman natin kay Jehova ang ating buong-kaluluwang pagsamba. (Awit 116:12-14) Ang ating puspusang pagsisikap ay gagantimpalaan ng mga pagpapala mula sa Kaniya. (Kaw. 10:22) Tayong lahat nawa ay maging ‘masigasig sa mabuti’ sa pantanging panahong ito ng pinalawak na gawain, “upang sa lahat ng mga bagay ay luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.”​—1 Ped. 3:13; 4:11.

[Kahon sa pahina 3]

Bilang ng mga Dumalo sa Memoryal sa Buong Daigdig

1999 14,088,751

2000 14,872,086

2001 15,374,986

2002 15,597,746

[Kahon sa pahina 4]

Sino ang Aanyayahan Mo sa Memoryal?

□ Ang iyo mismong pamilya at mga kamag-anak

□ Mga kapitbahay at kakilala

□ Mga katrabaho at kaeskuwela

□ Mga dinadalaw-muli at mga estudyante sa Bibliya

[Kahon sa pahina 5]

Tulungan ang mga Dadalo sa Memoryal

□ Malugod silang tanggapin

□ Dalawin sila upang kumustahin

□ Alukan sila ng pag-aaral sa Bibliya

□ Anyayahan sila sa pantanging pahayag

[Kahon sa pahina 6]

Anu-ano ang Iyong Tunguhin sa Panahon ng Memoryal?

□ Tiyaking mapadalo sa Memoryal ang iyong inanyayahan

□ Maging kuwalipikado bilang isang mamama- hayag ng mabuting balita

□ Gumugol ng tiyak na dami ng oras sa ministeryo

□ Sumulong sa isang pitak ng ministeryo

□ Maglingkod bilang isang auxiliary pioneer

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share