“Lubusang Magpatotoo sa Mabuting Balita”
1. Anong mabuting balita ang dapat nating sabihin sa iba?
1 Sa isang daigdig na bihira ang mabuting balita, pribilehiyo nating “lubusang magpatotoo sa mabuting balita tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” (Gawa 20:24) Kalakip dito ang pagsasabi sa mga tao na ang “mga huling araw” ay malapit nang palitan ng matuwid na bagong sanlibutan ni Jehova, kung saan ‘ang mga dating bagay ay lilipas na.’ (2 Tim. 3:1-5; Apoc. 21:4) Sa panahong iyon, wala na ring sakit. (Isa. 33:24) Ang mga mahal sa buhay na namatay ay lalabas sa mga alaalang libingan at muling makakapiling ng kanilang pamilya at mga kaibigan. (Juan 5:28, 29) Ang buong lupa ay magiging magandang paraiso. (Isa. 65:21-23) Ilan lamang ito sa mabuting balita na dapat nating sabihin sa iba!
2. Bakit napakagandang pagkakataon ang panahon ng Memoryal upang magpatotoo sa mabuting balita?
2 Napakagandang pagkakataon ang mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo upang ipahayag ang mabuting balitang iyon. Sa mga buwang ito, tamang-tama ang panahon at mas mahabang araw sa paggugol ng higit na panahon sa ministeryo sa maraming bahagi ng daigdig. Bukod diyan, ang pinakamahalagang okasyon ng taon, ang Memoryal, ay ipagdiriwang sa buong daigdig pagkalubog ng araw sa Sabado, Marso 22. Ngayon na ang panahon para maghandang makibahagi nang higit sa ministeryo.
3. Ano ang tutulong sa atin na gumawa nang higit sa ministeryo bilang mga pamilya?
3 Auxiliary Pioneer: Maisasaayos mo ba ang iyong iskedyul upang makapag-auxiliary pioneer sa loob ng isa, dalawa, o sa buong tatlong buwan? Bakit hindi ito pag-usapan sa susunod ninyong pampamilyang pag-aaral? Kung makikipagtulungan ang lahat, maaaring mag-auxiliary pioneer ang isa o higit pang miyembro ng pamilya. (Kaw. 15:22) Ipanalangin ito at tingnan kung paano pagpapalain ni Jehova ang iyong pagsisikap. (Kaw. 16:3) Kahit na walang makapag-auxiliary pioneer sa pamilya, ang lahat ng miyembro ay maaaring magtakda ng espesipikong mga tunguhin upang gumawa nang higit sa ministeryo kasama ng mga makapagpapayunir.
4. Paano natin maiiskedyul ang ating mga gawain upang makapag-auxiliary pioneer kung buong-panahon tayong nagtatrabaho?
4 Kung buong-panahon kang nagtatrabaho, maaari ka pa ring mag-auxiliary pioneer kung mayroon kang magandang iskedyul. Marahil maaari mong gamitin ang ilang panahon mo sa pananghalian upang mangaral. O maaari kang kumuha ng personal na teritoryo na malapit sa iyong bahay o pinagtatrabahuhan at makibahagi sa ministeryo sa loob ng isang oras o higit pa bago o pagkatapos ng trabaho. Maaari ka ring magkaroon ng karagdagang oras sa iyong iskedyul kung ililipat mo sa ibang buwan ang hindi gaanong mahahalagang gawain at gugugol ka ng buong araw sa ministeryo kung Sabado’t Linggo. Ang ilan naman ay nagbabakasyon ng isa o dalawang araw upang sumama sa paglilingkod sa larangan.
5. Paano natin matutulungang makapag-auxiliary pioneer ang mga may-edad na o mahina ang kalusugan?
5 Kung ikaw ay may-edad na o mahina ang kalusugan o limitado ang kakayahan, maaari kang mag-auxiliary pioneer sa pamamagitan ng paggugol ng kaunting panahon araw-araw sa ministeryo. Hilingin kay Jehova na bigyan ka ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7) Isang sister ang nakapag-auxiliary pioneer sa edad na 106! Sa tulong ng kaniyang Kristiyanong mga kamag-anak at ng iba pa sa kongregasyon, nangaral siya sa bahay-bahay, gumawa ng pagdalaw-muli, nagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya, at nakibahagi sa iba pang pitak ng ministeryo. Tumulong siya sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa sampung tao. “Habang pinag-iisipan ko ang kamangha-manghang pribilehiyo na maglingkod bilang auxiliary pioneer,” ang sabi niya, “ang puso ko’y nag-uumapaw sa pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova, sa kaniyang Anak, at sa Kaniyang maibiging organisasyon. Talagang gusto kong sabihin, ‘Diyos na Jehova, salamat po!’”
6. Paano maaaring makapag-auxiliary pioneer ang bautisadong mga kabataang estudyante?
6 Kung isa kang bautisadong kabataang estudyante, maaari ka ring mag-auxiliary pioneer. Gaya ng mga nagtatrabaho nang buong-panahon, maaari mong gamitin ang mga Sabado’t Linggo para sa iyong iskedyul sa ministeryo. Maaari ka ring lumabas sa larangan nang isang oras o higit pa pagkatapos ng eskuwela sa ibang mga araw. Mayroon bang pista opisyal sa paaralan na magagamit mo sa ministeryo? Kung gusto mong mag-auxiliary pioneer, ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang.
7. Ano ang maaaring gawin ng mga elder upang mapasigla ang kongregasyon sa ministeryo sa panahon ng Memoryal?
7 Pasiglahin ang Kongregasyon: Malaki ang magagawa ng halimbawa ng mga elder upang pasiglahin ang kongregasyon. (1 Ped. 5:2, 3) Maaari silang mag-iskedyul ng karagdagang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan sa mga makikibahagi sa ministeryo sa maagang bahagi ng umaga, o pagkatapos ng eskuwela o trabaho. Dapat tiyakin ng tagapangasiwa sa paglilingkod na may kuwalipikadong mamamahayag na mangunguna at may sapat na teritoryo, mga magasin, at literatura para sa mga buwang ito ng pantanging gawain.
8. Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ng isang kongregasyon?
8 Sa isang kongregasyon, pinasigla ng mga elder ang pag-o-auxiliary pioneer mga ilang buwan patiuna. Ipinaaalam nila sa kongregasyon linggu-linggo kung gaano karaming mamamahayag ang naaprubahang mag-auxiliary pioneer. Tiniyak nito sa mga nagnanais gumawa nang higit sa ministeryo na marami silang makakasama sa paglilingkod. Nagsaayos sila ng karagdagang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan sa maagang bahagi ng umaga at sa gabi. Ang resulta, 53 mamamahayag ang nakapag-auxiliary pioneer noong Abril, halos kalahati ng kongregasyon!
9. Bakit napakagandang pagkakataon para sa mga magiging kuwalipikadong mamamahayag ang panahon ng Memoryal upang magsimulang ihayag ang mabuting balita?
9 Tulungan ang Iba na Mangaral: Kapag ang mga baguhan at kabataan ay naging kuwalipikadong mga mamamahayag, maaari silang anyayahang maglingkod sa larangan kasama ng makaranasang mga mamamahayag. Maaari nilang gawin ito sa panahon ng Memoryal kapag ang marami sa kongregasyon ay gumagawa nang higit sa ministeryo. Mayroon ka bang sumusulong na estudyante sa Bibliya na iniayon na ang kaniyang buhay sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova? May mga anak ka ba na mahusay ang paggawi at sumusulong ngunit hindi pa mga mamamahayag? Kung nagsabi silang gusto na nilang maging di-bautisadong mga mamamahayag at inaakala mong kuwalipikado naman sila, ipaalam ito sa isa sa mga elder. Isasaayos ng punong tagapangasiwa na ikaw at ang iyong anak o ang tinuturuan mo sa Bibliya ay kausapin ng dalawang elder.
10. Ano ang magagawa ng mga elder upang tulungan ang mga di-aktibo?
10 Natatanging panahon din ang darating na mga buwan para sa mga naging di-aktibo na muling maglingkod kasama ng kongregasyon. Matiyagang pagsisikapan ng mga tagapangasiwa ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at ng iba pang elder na dalawin sila at magiliw na anyayahang gumawang kasama nila sa ministeryo. Kung matagal na silang di-aktibo, kakausapin muna sila ng dalawang elder upang matiyak na kuwalipikado silang mangaral.—km 11/00 p. 7.
11. Ano ang pinakadakilang kapahayagan ng “di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos”?
11 Maghanda Para sa Memoryal: Ang pantubos ang pinakadakilang kapahayagan ng “di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” (Gawa 20:24) Milyun-milyong mapagpahalagang mga tao sa buong daigdig ang magtitipon sa Sabado, Marso 22, pagkalubog ng araw, upang ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Gusto nating anyayahan at tulungan ang lahat ng tapat-pusong mga tao na dumalo sa mahalagang okasyong ito na nagpapatotoo hinggil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa sangkatauhan.
12. Sinu-sino ang dapat nating anyayahan sa Memoryal?
12 Gumawa ng listahan ng mga gusto mong anyayahan. Tiyak na isasama mo sa iyong listahan ang mga kamag-anak, kapitbahay, kakilala sa trabaho o sa paaralan, dati at kasalukuyang mga estudyante sa Bibliya, at lahat ng iba pa na regular mong dinadalaw. Kung may tanong tungkol sa Memoryal ang ilan sa mga inanyayahan mo, makatutulong sa iyo ang artikulo sa apendise tungkol sa Hapunan ng Panginoon sa pahina 206-8 ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Maaari pa nga itong magbukas ng daan para sa isang pag-aaral sa Bibliya, yamang magbibigay ito sa iyo ng pagkakataong ipakita ang publikasyong ginagamit natin sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya.
13. Paano pinagpala ni Jehova ang pagsisikap ng dalawang mamamahayag na determinadong anyayahan ang iba sa Memoryal?
13 Isang sister ang gumawa ng listahan ng 48 pamilya na aanyayahan niya. Habang inaanyayahan niya sila, minamarkahan niya ng ekis ang pangalan nila at isinusulat niya ang petsa kung kailan niya sila inanyayahan. Anong ligaya niya na 26 sa mga inanyayahan niya ang dumalo ng Memoryal! Inanyayahan ng isang brother na may tindahan ang isang empleado na dating pari. Dumalo ang lalaki at pagkatapos ay napabulalas, “Mas marami akong natutuhan tungkol sa Bibliya sa loob ng isang oras kaysa sa 30 taon ko bilang isang Katoliko.” Di-nagtagal pagkatapos ng Memoryal, tinanggap niya ang isang pag-aaral sa aklat na Itinuturo ng Bibliya.
14. Anong kampanya sa buong daigdig ang magsisimula sa Marso 1?
14 Kampanya: Simula sa Sabado, Marso 1, hanggang Marso 22, mamamahagi tayo sa buong daigdig ng espesyal na imbitasyon para sa Memoryal. Nanaisin ng lahat na lubusang makibahagi sa mahalagang kampanyang ito. Mas mabuting iabot nang personal sa may-bahay ang imbitasyon sa halip na basta iwan ito sa pinto. Pero kung malaki ang inyong teritoryo, maaaring ipasiya ng mga elder na maingat na iwan ang mga imbitasyon sa mga bahay na walang tao. Iaalok pa rin natin kung Sabado’t Linggo ang mga bagong magasin.
15. Ano ang maaari nating sabihin kapag nagbibigay ng imbitasyon para sa Memoryal?
15 Yamang limitado ang ating panahon upang mamahagi ng mga imbitasyon, pinakamabuting gawing maikli ang presentasyon. Maging palakaibigan at masigla. Maaari mong sabihin: “Gusto naming matiyak na maanyayahan kayo, ang inyong pamilya, at ang inyong mga kaibigan sa mahalagang okasyong gaganapin sa Marso 22. Ito po ang inyong imbitasyon. Nasa imbitasyon po ang mga detalye.” Baka may mga tanong ang may-bahay. O baka tanggapin niya ang imbitasyon at sabihin pa ngang dadalo siya. Isulat kung sino ang nagpakita ng interes, at isaayos na dumalaw-muli.
16. Anong karanasan ang nagpapakitang mahalaga ang kampanya para anyayahan sa Memoryal ang mga tao sa ating teritoryo?
16 Noong nakaraang taon, nakuha ng isang sundalo sa kaniyang pinto ang imbitasyon sa Memoryal. Nagpasiya siyang dumalo ngunit kailangan niyang humingi ng permiso sa kaniyang sarhento. Nang ipakita niya sa sarhento ang imbitasyon, tumahimik ang sarhento at saka nagsabi na mga Saksi rin ang kaniyang mga magulang at dati siyang dumadalo sa mga pulong kasama nila. Hindi lamang niya pinayagang dumalo ang sundalo kundi sumama rin siya sa Memoryal!
17. Paano natin maipakikita na hindi tayo sumasala sa layunin ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos?
17 Magpakita ng Pagpapahalaga: Habang papalapit na ang panahon ng Memoryal sa 2008, bulay-bulayin nawa ng bawat isa sa atin ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova alang-alang sa atin. Sumulat si apostol Pablo: “Namamanhik din kami sa inyo na huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito.” (2 Cor. 6:1) Paano natin maipakikita na hindi tayo sumasala sa layunin ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos? Sumulat si Pablo: “Kundi sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos.” (2 Cor. 6:4) Kaya maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa kaloob ni Jehova sa pamamagitan ng ating mabuting paggawi at masigasig na pangangaral ng mabuting balita. Ngayong panahon ng Memoryal, magkakaroon tayo ng napakagandang pagkakataon na gumawa nang higit upang lubusang magpatotoo sa mabuting balita.
[Kahon sa pahina 3]
Sinu-sino ang Maaaring Mag-auxiliary Pioneer?
◼ Mga pamilya
◼ Mga nagtatrabaho nang buong-panahon
◼ Mga may-edad na at mahina ang kalusugan
◼ Mga estudyante
[Kahon sa pahina 4]
Kapag Namamahagi ng Imbitasyon Para sa Memoryal:
◼ Gawing maikli; maging masigla
◼ Isulat kung sino ang nagpakita ng interes at dalawing muli
◼ Mag-alok ng mga magasin kung Sabado’t Linggo