Patuloy na Sabihin ang Tungkol sa mga Kamangha-manghang Gawa ni Jehova
1. Ano ang ilan sa mga kamangha-manghang gawa ni Jehova na partikular mong pinahahalagahan?
1 Walang katulad ang ating dakilang Diyos, si Jehova! Sumulat si David: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin; walang sinumang maihahambing sa iyo.” (Awit 40:5) Kasali sa mga kamangha-manghang gawa ni Jehova ang paglalang sa sansinukob, ang Mesiyanikong Kaharian, ang mga gawa ng maibiging-kabaitan sa kaniyang bayan, at ang pambuong-daigdig na kampanyang pangangaral. (Awit 17:7, 8; 139:14; Dan. 2:44; Mat. 24:14) Ang pag-ibig kay Jehova at ang pagpapahalaga sa lahat ng ginawa niya ay nag-uudyok sa atin na sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya. (Awit 145:5-7) Sa Marso, Abril, at Mayo, magkakaroon tayo ng pagkakataon na gawin ito nang lubusan.
2. Paano tayo personal na nakikinabang sa pag-o-auxiliary pioneer?
2 Bilang Isang Auxiliary Pioneer: Maisasaayos mo ba ang iyong iskedyul upang gumugol ng 50 oras sa ministeryo sa isa o higit pa sa mga buwang ito ng pantanging gawain? Tiyak na magiging sulit ang anumang pagbabagong gagawin mo sa iyong rutin. (Efe. 5:16) Nasumpungan ng marami na ang pag-o-auxiliary pioneer ay tumutulong sa kanila na mapasulong ang kalidad ng kanilang ministeryo. Nagiging mas palagay sila sa pakikipag-usap sa mga tao sa bahay at nagkakaroon sila ng higit na pagkakataong magamit ang Bibliya. Dahil sa paggugol ng higit na panahon sa ministeryo, nagiging mas madali ang pagsubaybay sa interesadong mga tao na kanilang nasusumpungan, at ang ilan na dating hindi nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya ay nakapagpasimula ng isa samantalang nag-o-auxiliary pioneer. Sapagkat ang pag-o-auxiliary pioneer ay nangangahulugan ng pagsisikap upang tulungan ang iba, isa itong nakagagalak na gawain.—Gawa 20:35.
3. Paano nakapag-auxiliary pioneer ang ilan sa kabila ng mahihirap na kalagayan?
3 Huwag kaagad magsabi na hindi ipinahihintulot ng iyong kalagayan ang pag-o-auxiliary pioneer. Isang elder na may dalawang anak at nagtatrabaho nang buong panahon ang nag-auxiliary pioneer noong nakaraang taon. Paano nakapagpayunir ang abalang kapatid na ito? Yamang nagtatrabaho siya sa loob ng sanlinggo, nagplano siya ng mahahabang oras sa paglilingkod kung mga dulo ng sanlinggo, anupat nagsisimula sa pagpapatotoo sa lansangan nang alas 7:00 n.u. kung mga Sabado. Ang ilan sa kongregasyon na may gayunding kalagayan ay nagpayunir din, at sinuportahan at pinasigla nila ang isa’t isa. Sa isa pang kongregasyon, isang 99-anyos na sister ang nagpasiyang magpayunir noong Mayo pagkatapos anyayahan ng kaniyang anak na babae na sumama sa kaniyang pagpapayunir. Tinulungan ng iba pa sa kongregasyon ang may-edad na sister na ito na magtungo sa bahay-bahay at sa mga pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng pagtulak sa kaniyang silyang de-gulong. Nagsagawa rin siya ng pagpapatotoo sa telepono, pagpapatotoo sa lansangan, at pagsulat. Kumbinsido siya na nagawa ito, hindi sa kaniyang sariling lakas, kundi tanging sa tulong ni Jehova.—Isa. 40:29-31.
4. Anu-anong mga salik ang maaaring isaalang-alang kapag gumagawa ng isang iskedyul upang mag-auxiliary pioneer?
4 Sikaping gumawa ng isang iskedyul na pinakaangkop sa iyong kalagayan. Maaaring makatulong ang sampol na mga iskedyul sa labas na ito. Nagtatrabaho ka ba nang buong panahon o nag-aaral? Maaaring pinakapraktikal para sa iyo ang isang iskedyul na lubusang ginagamit ang mga dulo ng sanlinggo. Kung may problema ka sa kalusugan at hindi mo kaya ang mahahabang oras sa ministeryo, maaaring pinakamabuti para sa iyo ang isang iskedyul na humihiling ng paggugol ng kaunting oras sa bawat araw. Ipakipag-usap sa iba ang iyong pagnanais na mag-auxiliary pioneer. Marahil ay gagawin din nila itong kanilang tunguhin.
5. Anu-anong mga tunguhin ang maaaring itakda ng mga kabataan para sa Marso, Abril, at Mayo?
5 Mga Paraan na Maaaring Makibahagi ang mga Kabataan: Nalulugod si Jehova kapag sinasabi ng mga kabataan ang tungkol sa kaniyang mga kamangha-manghang gawa. (Awit 71:17; Mat. 21:16) Kung ikaw ay isang kabataan at bautisado na, marahil ay maaari kang mag-auxiliary pioneer nang isa o higit pang buwan sa panahon ng iyong bakasyon sa paaralan. Kung hindi ka makapaglilingkod bilang isang auxiliary pioneer, maaari ka bang magtakda ng espesipikong mga tunguhin na dagdagan ang iyong pakikibahagi at pasulungin ang kalidad ng iyong ministeryo sa mga buwang ito? Kung ikaw ay nakikibahagi na sa ministeryo kasama ng iyong mga magulang subalit hindi ka pa isang di-bautisadong mamamahayag, ngayon na ang kaayaayang panahon upang sikaping maging kuwalipikado. Hindi mo kailangang maging isang eksperto sa pagsagot sa mga katanungan sa Bibliya o kailangang marami kang nalalaman na gaya ng mga bautisadong adulto. Nauunawaan mo ba ang pangunahing mga turo ng Bibliya? Sinusunod mo ba ang mga pamantayang moral ng Bibliya? Gusto mo bang makilala bilang isang Saksi ni Jehova? Kung gayon, ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang. Maisasaayos nilang lumapit kayo sa matatanda upang alamin kung nakaaabot ka na sa mga kahilingan.—Tingnan ang aklat na Ating Ministeryo, pahina 98-9.
6. Paano natin matutulungan ang mga estudyante sa Bibliya na maging mga mamamahayag ng mabuting balita?
6 Tulungan ang Iba na Mangaral: Maaaring maging kuwalipikado ang sumusulong na mga estudyante sa Bibliya na maging mga mamamahayag kasama natin sa darating na mga buwan ng pantanging gawain. Kung mayroon kang isang estudyante sa Bibliya na mahusay ang pagsulong, hingin ang tulong ng inyong tagapangasiwa sa pag-aaral ng aklat o ang tagapangasiwa sa paglilingkod. Ang isa sa kanila ay maaaring sumama sa iyo sa pag-aaral upang masuri ang pagsulong ng estudyante. Kung maging kuwalipikado ang estudyante at may pagnanais itong maging isang mamamahayag, maaaring isaayos ng punong tagapangasiwa na makipag-usap sa iyo at sa estudyante. (Tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 15, 1988, pahina 17.) Minsang sang-ayunan na ang estudyante, agad siyang simulan na sanayin sa ministeryo.
7. Paano matutulungan ang di-regular at di-aktibong mga mamamahayag?
7 Nanaisin ng mga tagapangasiwa sa pag-aaral ng aklat na bigyan ng pantanging pansin ang sinumang di-aktibo o di-regular sa kanilang grupo. Personal na anyayahan silang gumawang kasama mo sa ministeryo. Kung naging di-aktibo sila sa loob ng mahabang panahon, makabubuting makipag-usap muna sa kanila ang dalawang elder upang alamin kung kuwalipikado sila. (Tingnan ang “Tanong” sa Nobyembre 2000 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.) Ang sigasig ng kongregasyon sa mga buwang ito ng pantanging gawain ay maaaring magpasigla sa kanila na muling gawing isang regular na bahagi ng kanilang buhay ang ministeryo.
8, 9. Ano ang magagawa ng mga elder upang pasiglahin ang iba sa pantanging gawain?
8 Maghanda Na Ngayon Para sa Karagdagang Gawain: Mga elder, pasiglahin na ngayon ang kongregasyon para sa pag-o-auxiliary pioneer. Malaki ang magagawa ninyo sa pamamagitan ng inyong positibong mga komento at mabuting halimbawa. (1 Ped. 5:3) Ano ang dating pinakamataas na bilang ng mga auxiliary pioneer ng kongregasyon? Malalampasan ba ito ngayong taon? Dapat humanap ng mga paraan ang mga tagapangasiwa ng pag-aaral sa aklat at ang kanilang mga katulong upang pasiglahin ang lahat sa grupo na dagdagan ang kanilang gawain. Maaaring mag-iskedyul ng karagdagang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ang mga tagapangasiwa sa paglilingkod. Ipaalam nang patiuna sa kongregasyon ang kaayusan. Tiyaking mag-atas ng may-kakayahang mga mamamahayag na mangunguna at na ang mga pagtitipon para sa paglilingkod ay magsisimula at magtatapos sa tamang oras. (Tingnan ang “Tanong” sa Setyembre 2001 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.) Dapat ding isaayos ng tagapangasiwa sa paglilingkod na magkaroon ng sapat na teritoryo, magasin, at literatura.
9 Noong nakaraang taon, may-kasiglahan at patiunang sinimulan ng mga elder sa isang kongregasyon ang paghimok sa iba na mag-auxiliary pioneer, anupat ang ilan sa kanila ay nagsumite ng mga aplikasyon. Nagsaayos sila ng karagdagang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan—isa sa alas 5:30 n.u. para sa pagpapatotoo sa lansangan, isa pa sa alas 3:00 n.h. para sa mga nanggagaling sa paaralan, at ang ikatlo ay sa alas 6:00 n.g. para naman sa mga nanggagaling sa trabaho. Karagdagan pa, tatlong pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ang isinaayos kung mga Sabado. Ang kongregasyon ay tumugon sa pamamagitan ng pagpapatala ng 66 na auxiliary pioneer noong Abril!
10. Paano makapaghahanda ang mga pamilya upang dagdagan ang kanilang gawain?
10 Bakit hindi mag-iskedyul ng panahon sa susunod ninyong pampamilyang pag-aaral upang magtakda ng makatotohanang mga tunguhin sa darating na mga buwan? Sa pamamagitan ng mahusay na pagtutulungan at pagpaplano, ang ilan o ang lahat sa pamilya ay maaaring makapag-auxiliary pioneer. Kung hindi ito posible, magtakda ng mga tunguhin na dagdagan ang inyong gawain sa pamamagitan ng pagdaragdag sa inyong karaniwang panahon sa paglilingkod o sa pamamagitan ng pangangaral sa karagdagang mga okasyon. Ipanalangin ito bilang isang pamilya. Makapagtitiwala ka na pagpapalain ni Jehova ang inyong mga pagsisikap.—1 Juan 3:22.
11. (a)Anu-anong mga kamangha-manghang bagay ang nagawa ng sakripisyo ni Kristo? (b) Anong oras at saan ipagdiriwang ang Memoryal sa inyong lugar?
11 Ang Pinakakamangha-manghang Gawa ng Diyos: Ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ni Jehova ay ang pagkakaloob sa kaniyang Anak bilang pantubos alang-alang sa atin. (1 Juan 4:9, 10) Ang haing pantubos ang legal na saligan para tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. (Roma 3:23, 24) Pinagtibay ng itinigis na dugo ni Jesus ang bagong tipan, anupat naging posible para sa di-sakdal na mga tao na maampon bilang mga anak ng Diyos na may pag-asang mamahala sa makalangit na Kaharian. (Jer. 31:31-34; Mar. 14:24) Higit sa lahat, pinabanal ang pangalan ni Jehova dahil sa landasin ni Jesus ng sakdal na pagsunod. (Deut. 32:4; Kaw. 27:11) Sa Linggo, Abril 4, pagkalubog ng araw, ipagdiriwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa buong daigdig.
12. Paano makikinabang ang mga interesado sa pagdalo sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon?
12 Dinadakila ng pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon ang mga kamangha-manghang gawa ni Jehova. Pinatitibay ng diskurso ang ating pagpapahalaga sa ginawa ni Jehova na paglalaan ng pantubos. Masasaksihan ng mga interesadong dadalo ang iba pang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos. Makikita rin nila ang pagkakaisa at mainit na pag-ibig na itinuro ni Jehova na ipamamalas ng kaniyang bayan. (Efe. 4:16, 22-24; Sant. 3:17, 18) Ang pagdalo sa mahalagang okasyon na ito ay maaaring magkaroon ng tunay na epekto sa pag-iisip ng isang tao, kaya nanaisin nating makadalo ang pinakamarami hangga’t maaari.—2 Cor. 5:14, 15.
13, 14. Sino ang dapat nating anyayahan sa Memoryal, at paano?
13 Anyayahan ang Iba na Dumalo: Maghanda kaagad sa pamamagitan ng paggawa ng isang listahan ng iyong mga aanyayahan. Dapat na kasali sa iyong listahan ang mga di-sumasampalatayang miyembro ng pamilya, kapitbahay, kakilala sa trabaho o sa paaralan, estudyante sa Bibliya noon at ngayon, at ang lahat ng iyong mga dinadalaw-muli. Dapat ilakip ng mga tagapangasiwa sa aklat sa kanilang listahan ang sinumang mamamahayag na di-aktibo.
14 Gamitin ang inilimbag na mga paanyaya sa Memoryal, at imakinilya o isulat nang maayos sa mga ito ang oras at lokasyon ng Memoryal. O baka gusto mong gamitin ang paanyaya na lumilitaw sa likod na pabalat ng Marso 15, 2004, ng Bantayan o ang Marso 22, 2004, ng Gumising! Habang papalapit ang Abril 4, ipaalaala ito nang personal o sa telepono sa mga taong nasa iyong listahan.
15. Paano natin maipakikita ang pagkamapagpatuloy sa gabi ng Memoryal?
15 Sa Memoryal: Sikaping dumating nang maaga sa gabi ng Memoryal. Ipakita ang pagkamapagpatuloy sa pamamagitan ng masiglang pagbati sa mga baguhan. (Roma 12:13) May pantangi kang pananagutan sa mga panauhing inanyayahan mo. Malugod silang tanggapin, at ipakilala sila sa iba pa sa kongregasyon. Marahil ay matutulungan mo silang makasumpong ng mauupuan sa tabi mo. At kung ang sinuman ay walang Bibliya o aklat-awitan, isaayos na sila ay makabasa o makaawit na kasama mo o ng iba. Pagkatapos ng pagdiriwang, maging handang sagutin ang anumang katanungan nila. Kung ang ilan ay dumalo sa unang pagkakataon, tanungin kung gusto nilang matuto nang higit pa tungkol sa Salita at layunin ng Diyos. Mag-alok sa kanila ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
16. Ano ang maaaring gawin upang tulungan ang mga dumalo na sumulong sa espirituwal?
16 Patuloy na Tulungan ang mga Dumalo: Sa mga linggo pagkatapos ng Memoryal, ang mga dumalo ay baka nangangailangan ng higit pang tulong. Kalakip dito yaong dating regular na dumadalo sa mga pulong subalit ngayon ay limitado na lamang ang pakikisama sa kongregasyon. Dapat maging handa ang mga elder na hindi nakakaligtaan ang mga ito, na inaalam kung bakit sila huminto sa espirituwal na pagsulong. Ikintal sa kanila ang pagkaapurahan ng panahon. (1 Ped. 4:7) Tulungan ang lahat makita ang kapakinabangan ng pagsunod sa maka-Kasulatang payo na regular na makipagtipon sa bayan ng Diyos.—Heb. 10:24, 25.
17. Bakit dapat nating patuloy na sabihin ang tungkol sa mga kamangha-manghang gawa ni Jehova?
17 Ang mga gawa ni Jehova ay lubhang kamangha-mangha upang lubusan nating maunawaan kahit na mabuhay pa tayo magpakailanman. (Job 42:2, 3; Ecles. 3:11) Samakatuwid, hindi tayo mauubusan ng mga dahilan upang purihin siya. Maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa mga kamangha-manghang gawa ni Jehova sa panahong ito ng Memoryal sa pamamagitan ng paggawa ng pantanging pagsisikap na palawakin ang ating ministeryo.
[Tsart sa pahina 5]
Makapag-o-auxiliary Pioneer Ka ba na Ginagamit ang Isa sa mga Iskedyul na Ito?
Marso Li Lu* Ma* Mi* Hu Bi Sa Kabuuan sa
Buong Buwan
Bawat Araw 2 1 1 1 1 1 5 51
Dalawang Araw 0 5 0 5 0 0 0 50
Mga Dulo ng
Sanlinggo Lamang 5 0 0 0 0 0 8 52
Mga Dulo ng Sanlinggo
at Dalawang Araw ng
Sanlinggo 2 0 0 2 0 2 6 50
Abril Li Lu Ma Mi Hu* Bi* Sa Kabuuan sa
Buong Buwan
Bawat Araw 2 1 1 1 1 1 5 50
Dalawang Araw 0 0 0 0 5 5 0 50
Mga Dulo ng
Sanlinggo Lamang 5 0 0 0 0 0 8 52
Mga Dulo ng Sanlinggo
at Dalawang Araw ng
Sanlinggo 2 0 0 2 0 2 6 50
Mayo Li* Lu* Ma Mi Hu Bi Sa* Kabuuan sa
Buong Buwan
Bawat Araw 2 1 1 1 1 1 4 51
Dalawang Araw 0 5 0 0 0 0 5 50
Mga Dulo ng
Sanlinggo Lamang 3 0 0 0 0 0 7 50
Mga Dulo ng Sanlinggo
at Dalawang Araw ng
Sanlinggo 2 0 0 2 0 2 5 51
* Lima sa loob ng isang buwan