Magagawa Ba Natin ang Abril 2000 na Ating Pinakamabuting Buwan Kailanman?
1 Ang gabi ng Miyerkules, Abril 19, ay magiging pinakatampok sa ating taon ng paglilingkod. Sa araw na iyon, habang ang araw ay patuloy na lumulubog sa palibot ng lupa, ang bawat kongregasyon at grupo ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay magdaraos ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Anumang time zone ang ating kinaroroonan, ang pag-alaala sa hain ni Jesu-Kristo ang siyang magiging pinakatampok na pangyayari ng taon. Ang petsa ng Memoryal ay minarkahan sa kalakip na “Teokratikong Kalendaryo Para sa Abril 2000,” na masusumpungan sa pahina 6 ng insert na ito.
2 Ang buong buwan ng Abril ay nagbibigay sa atin ng isang kamangha-manghang pagkakataon upang maipakita nang buong kaluluwa ang ating pagpapahalaga sa di-sana nararapat na kabaitan ni Jehova na ipinahayag sa pamamagitan ng hain ng kaniyang Anak. Paano? Ang apostol Pablo ay sumulat: “Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nagtutulak sa amin, sapagkat ito ang aming inihatol, na ang isang tao ay namatay para sa lahat; kung gayon nga, ang lahat ay namatay; at namatay siya para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang mga sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at ibinangon.” (2 Cor. 5:14, 15) Oo, sa Abril ay maipakikita natin na tayo ay nabubuhay, hindi para sa ating sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa atin, na ginagawa ito na ating pinakamabuting buwan kailanman bilang mga ministro ng Kaharian!
3 Lumagda Upang Mag-auxiliary Pioneer sa Abril: Si apostol Pablo ay nagbigay sa atin ng isang nakapupukaw-damdaming halimbawa nang kaniyang sabihin: “Hindi ko itinuturing ang aking kaluluwa na may anumang halaga gaya ng mahal sa akin, matapos ko lamang ang aking takbuhin at ang ministeryo na tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, na lubusang magpatotoo sa mabuting balita ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” (Gawa 20:24) Taglay natin ang gayunding pribilehiyo na magbigay ng lubos na patotoo hinggil sa Diyos na Jehova. Sa layuning ito, nais nating gawin ang Abril bilang ating pinakamabuting buwan kailanman sa gawaing pag-o-auxiliary pioneer!
4 Sa pagkakaroon nito ng limang buong sanlinggo, ang Abril 2000 ay magiging isang napakainam na buwan para makapagpayunir ang marami. Noong Abril 1997, nang ating naabot ang ating pinaka-peak sa lahat ng panahon sa mga auxiliary pioneer, ang 22,410 na nakibahagi ay kumatawan sa 18 porsiyento ng kabuuang mamamahayag. Makalipas ang dalawa at kalahating taon, ang kabuuang bilang ng mga mamamahayag na nag-ulat noong Oktubre 1999 ay sumulong ng halos 6 na porsiyento. Ito’y nangangahulugan na tayo’y may potensiyal na malampasan pa ang ating dating peak ng mga auxiliary pioneer. Karagdagan pa, ang kahilingan sa oras ay binawasan na, anupat ang bahaging ito ng paglilingkod ay maaaring maisagawa ng marami pa sa kongregasyon. Dapat na may pananalanging isaalang-alang ng bawat bautisadong mamamahayag kung siya’y makapag-o-auxiliary pioneer sa Abril na ito.
5 Sa pamamagitan ng paggamit sa “Teokratikong Kalendaryo Para sa Abril 2000” sa insert na ito, planuhin na ngayon ang inyong iskedyul para sa susunod na buwan. Magpasiya kung anong mga araw kayo maaaring makabahagi sa paglilingkod sa larangan, at sumahin ang lahat ng oras na sa palagay ninyo’y mailalaan ninyo sa gawaing pangangaral sa buong buwan. Ilakip ang panahong maaari ninyong gugulin sa pagpapatotoo sa iba kapuwa sa pormal at di-pormal. Ang kabuuan ba ay malapit na sa kahilingang 50 oras para sa mga auxiliary pioneer? Kung kulang pa kayo sa kinakailangang oras, makagagawa ba kayo ng anumang pagbabago sa inyong iskedyul upang bilhin ang panahon para makapag-auxiliary pioneer? Kakailanganin ninyong magka-aberids ng isang oras at 40 minuto lamang bawat araw upang maabot ang 50 oras sa buong buwan.
6 Ngayong ang kahilingan sa oras ay binawasan na rin para sa mga regular pioneer, kayo ba’y nag-iisip na pumasok sa buong panahong ministeryo? Bakit maghihintay pa sa susunod na Setyembre upang magpasimula? Ang Abril ay magiging isang mainam na panahon upang magpasimula! Kung kayo ay nag-aalinlangan sa inyong kakayahang maabot ang kahilingang 70 oras para sa mga regular pioneer, bakit hindi mag-auxiliary pioneer sa Abril at magtakda ng 70 oras bilang inyong tunguhin? Minsang nakita ninyong kaya ninyong gawin iyon, malamang na kayo’y makapagpatala upang sumama sa ranggo ng mga regular pioneer sa lalong madaling panahon.—Tingnan ang Ating Ministeryo, pahina 113-14.
7 Lubusang Makibahagi Bilang Isang Mamamahayag ng Mabuting Balita: Para sa ating lahat, kapuwa mga mamamahayag at mga payunir, ang ating tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ay nagpapakilos sa atin na maging buong-kaluluwa sa pagsasagawa ng lahat ng ating makakaya sa paglilingkod kay Jehova alinsunod sa ating personal na mga kalagayan. (Luc. 10:27) Kung gayo’y ating ipinakikita na “gumagawa tayo nang masikap at nagpupunyagi, sapagkat inilagak natin ang ating pag-asa sa isang Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng uri ng mga tao, lalo na ng mga tapat.” (1 Tim. 4:10) Kaya tayo ay umaasang makita ang 100-porsiyentong pakikibahagi sa Abril, na ang bawat isa ay lubos na nakikibahagi sa gawaing pang-Kaharian.
8 Huwag nating kalilimutan ang payo ni Jesus: “Ang pag-aani ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Samakatuwid, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” Karaka-raka pagkatapos na sabihin iyon, tinawag ni Jesus ang kaniyang 12 apostol at isinugo sila upang mangaral. (Mat. 9:37, 38; 10:1, 5, 7) Makalipas ang halos isang taon, pagkatapos na sanaying mabuti ang 12 sa gawaing pangangaral, si Jesus ay “nag-atas ng pitumpung iba pa at isinugo sila,” na nagbibigay sa kanila ng parehong mga tagubilin: “Ang pag-aani, tunay nga, ay malaki . . . Samakatuwid magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Luc. 10:1, 2) Ang aklat ng Bibliya na Mga Gawa ay nag-uulat kung paano sinagot ni Jehova ang mga panalanging iyon. Noong Pentecostes 33 C.E., ang bilang ng mga alagad ay sumulong ng mga 120. Pagkatapos, magkasunod na peak na 3,000 at 5,000 mga alagad ang naabot. (Gawa 1:15; 2:41; 4:4) Pagkatapos niyaon, “ang bilang ng mga alagad ay patuloy na dumarami.” (Gawa 6:7) Gayundin, sa makabagong panahon, tayo ay kailangang patuloy na magsumamo sa Panginoon para sa higit pang mga mangangaral ng Kaharian! Kasuwato ng ating mga panalangin, bawat mamamahayag ng kongregasyon ay dapat gumawa ng tiyak na mga kaayusan upang makabahagi sa ministeryo bawat buwan.
9 Pakisuyong tingnan muli ang kalakip na “Teokratikong Kalendaryo Para sa Abril 2000.” Yamang ang unang dalawang araw ng buwan ay Sabado at Linggo, makagagawa ba kayo ng plano upang makabahagi sa paglilingkod sa dulong sanlinggong iyon, sa gayo’y maagang makapagpasimula sa buwan? Maaari bang tangkilikin ninyo ang bawat “Araw ng Magasin” sa buong buwan kasama ng inyong grupo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat? Kumusta naman ang paggugol ng isang oras o higit pa bawat Linggo sa ministeryo? Maisasaayos ba ninyo na makibahagi sa ilang pagpapatotoo sa gabi? At huwag kalilimutang samantalahin ang lahat ng pagkakataon na taglay ninyo na makapagpatotoo nang di-pormal sa trabaho, sa paaralan, o habang nagsasagawa ng mga gawain sa araw-araw. Markahan ang mga araw na makagugugol kayo ng panahon sa ministeryo at gamitin ang kalendaryo upang subaybayan ang inyong oras sa paglilingkod para sa buwang iyon.
10 Ang Abril ay magiging isang pagkakataon para sa lahat niyaong kuwalipikado at sinang-ayunan ng matatanda na magpasimulang maglingkod bilang di-bautisadong mga mamamahayag. Kung kayo’y nakikipag-aral ng Bibliya sa isang tao, nakagawa na ba ng hustong pagsulong ang taong iyon anupat makalalapit na sa punong tagapangasiwa upang hilinging maisaalang-alang bilang isang mamamahayag ng mabuting balita? Kung kayo’y may di-bautisadong mga anak, ipinakipag-usap na ba ninyo ang kanilang espirituwal na pagsulong sa matatanda? Hindi kaya ito ang mabuting panahon para sa kanila na magpasimulang mangaral?—Tingnan ang Ating Ministeryo, pahina 97-100.
11 Sa ating pagsisikap na gawin ang Abril 2000 bilang ating pinakamabuting buwan kailanman, tayong lahat ay kailangang makibahagi sa ministeryo at pagkatapos ay magbigay ng ating ulat ng paglilingkod sa larangan sa katapusan ng buwan. (Ihambing ang Marcos 6:30.) Dapat pasiglahin ang bagong di-bautisadong mga mamamahayag na nakibahagi sa paglilingkod sa larangan sa unang pagkakataon na iuulat karaka-raka ang kanilang gawain. Sa paggawa ng ating bahagi, makagagawa tayo ng isang mainam na kontribusyon para sa ulat ng Abril at sa malaking sigaw ng papuri na maibibigay kay Jehova sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap sa pagpapatotoo.
12 Isama Ninyo ang Iba sa Memoryal: Hindi ba tayo nananabik na makita ang isang bagong peak ng dumalo sa 2000 Memoryal ng kamatayan ni Kristo? Oo! Ito’y mangangahulugan ng pinakamaraming bilang ng mga tao na kailanma’y nagtipong sama-sama upang ipamalas ang kanilang pagpapahalaga sa pinakadakilang mga kapahayagan ng pag-ibig na ginawa ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo para sa ating kapakanan! (Juan 3:16; 15:13) Gawin ang anumang kinakailangang mga kaayusan upang walang makahadlang sa inyo at sa inyong pamilya sa pagdalo sa Memoryal.
13 Ngayon din ang panahon upang pasimulang anyayahan ang iba sa Memoryal. Gumawa ng listahan ng lahat ng nais ninyong makitang dumalo. Ilakip ang sinumang nakipag-aral ng Bibliya noong nakaraan, yaong mga nakikipag-aral ngayon, at lahat ng inyong dinadalaw-muli. Idagdag sa inyong listahan ang inyong mga kakilala sa trabaho, sa paaralan, at sa komunidad, at sa lahat ng mga kanegosyo ninyo. Huwag kalilimutang isama ang iba pa ninyong mga kakilala at inyong mga kamag-anak. Pagkatapos mabuo ang listahan, pasimulan ang pagpapaabot ng isang marubdob, personal na paanyaya sa bawat isa. Gawing maliwanag kung kailan at kung saan idaraos ang Memoryal. Habang lumalapit ang Abril 19, paalalahanan ang mga nasa listahan ninyo, maging sa personal o sa pamamagitan ng telepono. Alukin silang sumama sa inyo sa Memoryal sa gabing iyon.
14 Kasuwato ng nakaraang tagubilin ng Samahan, ang mga lupon ng matatanda ay gagawa ng pantanging pagsisikap na mapasigla ang lahat ng di-aktibong mamamahayag sa teritoryo na dumalo sa Memoryal. (Mat. 18:12-14) Nanaising repasuhin ng matatanda ang liham ng Samahan ng Pebrero 2, 1999. Ang kalihim ng kongregasyon ay gagawa ng listahan ng lahat ng di-aktibong mamamahayag, at ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay mag-aatas ng matatanda upang dumalaw sa kanila at anyayahan sila sa Memoryal. Marahil sa pamamagitan ng pagkakaroon ng nakapagpapatibay na dalaw ng pagpapastol sa lalong madaling panahon, ang mga di-aktibong ito ay maaaring matulungang maging aktibong muli sa ministeryo sa larangan, maging sa Abril. Makapagpapatibay sa kanila na maanyayahang makibahagi kasama ng isang makaranasang mamamahayag sa paglilingkod sa larangan.
15 Magpasigla Ukol sa Mabuting Pagtangkilik sa Abril! Kakailanganin ang mabuting koordinasyon sa bahagi ng lahat ng matatanda, ministeryal na mga lingkod, at mga ulo ng pamilya upang ang Abril 2000 ay maging ating pinakamabuting buwan kailanman. Ang matatanda ay magiging masikap sa pag-oorganisang mabuti ng lahat ng bagay at sa pangunguna. (Heb. 13:7) Ang praktikal na mga kaayusan ay kailangang gawin para sa mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan sa mga simpleng araw at sa mga dulong sanlinggo. Ang karagdagang mga pagtitipon bago maglingkod ay maaaring isaayos sa dulo ng maghapon at sa pagsisimula ng gabi. Isang kumpletong iskedyul ng lahat ng isinaplano para sa Abril ang kailangang ipaskil sa patalastasan. May isa na kailangang atasan para mangasiwa sa bawat iskedyul ng pagtitipon bago maglingkod. Ang sapat na teritoryo ay dapat na ilaan para sa pangangailangan ng bawat grupo.
16 Sa Abril ay itatampok ang magasing Bantayan at Gumising! Sa pagsisikap na makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya, ang brosyur na Hinihiling ay iaalok sa lahat ng nagpapakita ng interes. Kaya, kailangang maglaan ng sapat na suplay ng mga magasin at brosyur.
17 Sa katapusan ng buwan, nanaisin ng lahat ng konduktor ng pag-aaral sa aklat at ng kanilang mga katulong na pasiglahin ang bawat isa sa kanilang grupo na magbigay ng ulat sa paglilingkod karaka-raka pagkatapos ng buwan. Marahil ito’y magagawa kahit na sa Linggo, Abril 30. Pagkatapos, kapag binibilang na ng kalihim ang mga ulat, at kaniyang napansin na ang ilang mamamahayag ay hindi nagbigay nito, maaaring may kabaitang ipaalaala niya sa kanila na gawin iyon bago ang Mayo 6, sa panahong kailangang isumite niya ang ulat ng kongregasyon sa Samahan. Maaari niyang hilingin sa mga konduktor ng pag-aaral sa aklat na tulungan siyang makipag-ugnayan sa bawat mamamahayag.
18 Ang panahon ng Memoryal ang pinakamahalagang yugto ng taon para sa bayan ng Diyos. Ito’y magiging isang napakaabalang panahon para sa ating lahat sa paglilingkod kay Jehova. Ito’y magiging gayon kung ang bawat isa ay makikibahagi nang lubusan hangga’t maaari bilang isang mamamahayag ng mabuting balita, kung yaong mga maaaring lumagda upang mag-auxiliary pioneer ay gagawa ng gayon, at kung masikap tayo sa pagsasama ng iba sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Tayo’y marubdob na manalangin para sa mayamang pagpapala ni Jehova habang tayo’y nagsisikap na gawin ang Abril 2000 na ating pinakamabuting buwan kailanman, ang lahat ay ukol sa kapurihan at kaluwalhatian ng Diyos!—Heb. 13:15.
[Kahon sa pahina 3]
Auxiliary Pioneer
Ang Ating Pinaka-Peak sa Lahat ng Panahon: 22,410
(Abril 1997)
[Kahon sa pahina 4]
Kabuuang Mamamahayag
Ang Ating Pinaka-Peak sa Lahat ng Panahon: 133,297
(Nobyembre 1999)
[Kahon sa pahina 5]
Dumalo sa Memoryal
Ang Ating Pinaka-Peak sa Lahat ng Panahon: 407,094
(1999)