Si Jehova ang Nagbibigay ng Kapangyarihan
1 Bilang bayan ni Jehova, tayo ay binigyan ng atas na mangaral ng mabuting balita samantalang pinananatili ang ating “mainam na paggawi sa gitna ng mga bansa.” (Mat. 24:14; 1 Ped. 2:12) Dahilan sa mapanganib na panahon at sa ating sariling kahinaan at pagkakamali, hindi natin kailanman maisasagawa ang gawaing ito sa ganang sarili. (2 Tim. 3:1-5) Kay ligaya natin na umaasa kay Jehova ukol sa tulong!
2 Si apostol Pablo ay nagtiis ng maraming mga pagsubok. (2 Cor. 11:23-27) Papaano niya napagtagumpayan ang mga ito at natapos ang kaniyang atas na gawain? Pinagkalooban siya ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7) Kinilala ni Pablo ang gayong tulong ng Diyos nang siya’y sumulat: “Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Fil. 4:13) Tutulungan tayo ni Jehova sa gayon ding paraan. Papaano natin tatamuhin ang gayong tulong?
3 Sa Pananalangin Nang Walang Lubay: Hinimok tayo ni Jesus na ‘patuloy na humingi, humanap, at kumatok,’ at huwag manghimagod. (Luc. 11:5-10) Ang ating walang lubay na pananalangin ay nagpapakita kay Jehova ng lalim at tindi ng ating pagnanais, at ng pagiging dalisay ng ating motibo. (Awit 55:17; 88:1, 13; Roma 1:9-11) Kinilala ni Pablo ang kahalagahan ng pagiging matiyaga sa pananalangin nang himukin niya tayong “manalangin nang walang lubay.” (1 Tes. 5:17) Ang panalangin ay isa sa pangunahing paraan upang kamtin natin ang tulong ni Jehova.
4 Sa Pagsunod sa Teokratikong Patnubay: Ang “teokrasya” ay nangangahulugan ng pamamahala ng Diyos, na siyang pag-ibig. Ito’y nagsasangkot ng pagtanggap sa maibiging awtoridad ni Jehova at pagsunod sa kaniyang mga tagubilin kapuwa sa malalaki at sa maliliit na pagpapasiya. Ang “tapat at maingat na alipin” ay kumakatawan sa teokratikong pamamahala sa lupang ito. (Mat. 24:45-47) Ang pakikipagtulungan sa organisasyon na ginagamit ng “alipin” ay mahalaga sa pagkakamit ng pagpapala ni Jehova. (Ihambing ang Hebreo 13:17.) Gagantimpalaan ni Jehova ang ating pagkamatapat at pagkukusa sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng kailangang lakas sa angkop na panahon.—Heb. 4:16.
5 Sa Pananatiling Malapit sa Ating mga Kapatid: Pag-ibig ang pagkakakilanlang tanda ng mga alagad ni Jesus. (Juan 13:34, 35) Dahilan sa maraming iba’t ibang personalidad, ang sigalot ay maaaring lumitaw sa gitna natin dahilan sa personal na di-pagkakaunawaan. Kailangan nating maging magiliw, malayang nagpapatawaran sa isa’t isa. (Efe. 4:32) Ito’y nagpapangyaring manatiling malapit sa ating mga kapatid sa pananampalataya at mapatibay ng kanilang matatag na pagtitiis sa ilalim ng pagsubok. “Sa pagkaalam na ang gayunding mga bagay sa paraan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng [ating] mga kapatid,” mayroon tayong bigay-Diyos na lakas upang harapin ang gayon ding panggigipit.—1 Ped. 5:9.
6 Sa Pagpapanatili ng Isang Mabuting Rutina ng Personal na Pag-aaral: Ang pagpapatibay sa ating kaisipan at puso sa espirituwal na paraan ay magpapangyari sa atin na mapaglabanan ang pagsalakay ni Satanas. (1 Ped. 5:8) Ang eskedyul ng personal na pag-aaral ay magpapalaki sa ating maka-Diyos na kaalaman. Makatutulong ito sa pagharap natin sa mga hamon sa araw-araw. Idiniin ni Pablo na ang “tumpak na kaalaman” ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa pagtatamo ng kaligtasan. (1 Tim. 2:3, 4) Dapat tayong kumuha ng espirituwal na pagkain nang palagian.
7 Ang lahat ng kailangan natin upang makapanatiling malakas ay inilalaan ng Kristiyanong kongregasyon. Ang buong-pusong pagtataguyod sa mga gawain nito ay magsisilbing garantiya na tayo’y “magsisilakad at hindi manghihina.”—Isa. 40:29-31.