Kristiyanong Paggawi sa Paaralan
1 Kung ikaw ay isang kabataang Kristiyano na nag-aaral pa, kailangan mo ang matibay na pananampalataya upang maingatan ang iyong katapatan. Mahalagang ikapit mo ang payo ni Pedro na “panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang . . . luwalhatiin nila ang Diyos . . . bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksing nakakita.” (1 Ped. 2:12) Kailangan mo ang lakas ng loob upang harapin ang hamong ito.
2 Maging sa loob o sa labas ng paaralan, ikaw ay inaatake ng pagsisiping nang di-kasal, malaswang pananalita, sigarilyo, at pag-abuso sa droga. Araw-araw, nakakasagupa mo ang mga tukso na nagbabantang pasamain ang iyong mabuting paggawi. Gaya ng mga adulto, dapat kang “makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya” kung ibig mong mabata ang gayong mga pagsubok.—Jud. 3; tingnan ang Hulyo 15, 1991, Bantayan, pahina 23-6.
3 Sa paaralan, may mga makabayang seremonya at makasanlibutang pagdiriwang. Kapag bumangon ang mapanghamong kalagayan, ‘taglay mo ba ang isang mabuting budhi, upang . . . mapahiya sila na nagsasalita nang mapanghamak tungkol sa iyong mabuting paggawi’?—1 Ped. 3:16.
4 Baka matukso ka sa mga isports o mga sosyal na pagtitipon sa paaralan. Dapat kang maging alisto sa pagpansin kung papaanong maaaring ikompromiso ng waring nakasisiyang mga gawaing ito ang iyong pananampalataya. Kailangang piliin mo ang iyong mga kasama na sa kanila’y matatamasa mo ang “pagpapalitan ng pampatibay-loob,” na isa’t isa’y napatitibay ng pananampalataya ng iba.—Roma 1:12.
5 Makapagbabata Ka, sa Tulong ni Jehova: Palaging sinusubok ni Satanas ang iyong pananampalataya. Ang mga pagsubok na kailangan mong batahin ay maaaring matitindi, ngunit ang mga gantimpala nito’y sulit na sulit. (1 Ped. 1:6, 7) Hindi ka magtatagumpay sa iyong ganang sarili; dapat kang umasa kay Jehova para sa tulong. Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Manatili kayong mapagbantay at manalangin nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso.” (Mat. 26:41) Ang disiplina at pagpipigil-sa-sarili ay napakahalaga.—1 Cor. 9:27.
6 Palaging tandaan na ikaw ay magsusulit kay Jehova, na nakakakita ng lahat mong ginagawa. (Ecl. 11:9; Heb. 4:13) Ang tapat na pagnanais na mapaluguran siya ay dapat mag-udyok sa iyong ‘isagawa ang iyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.’ (Fil. 2:12) Ang pagbabasa ng Salita ng Diyos araw-araw ay malaking tulong.
7 Kailangang batid ng mga magulang ang mga suliraning kinakaharap ng mga anak, at maglaan ng tulong kung kinakailangan. Mga magulang, itinanim ba ninyo sa inyong mga anak ang pagkaunawa sa mga batas at simulain ng Diyos? Kapag napaharap sa mga tukso, matibay ba ang inyong mga anak, o sumusuko na agad sila? Sila ba’y nasisiraan ng loob dahil kailangang sila’y maging iba sa kanilang mga kasama? Kung ginagawa ninyong mainam ang inyong tungkulin, matutulungan ninyo silang mapagtagumpayan ang pakikibaka ukol sa pananampalataya.—Deut. 6:6, 7; Kaw. 22:6.