Mga Magulang na Nagsasaya!
1 Kung ikaw ay isang kabataang nakatira sa isang Kristiyanong tahanan, may pantanging paraan upang mapaligaya mo ang iyong mga magulang. Kung itataguyod mo ang isang matuwid na landasin, “magsasaya ang iyong ama at ang iyong ina.” (Kaw. 23:22-25) Wala nang iba pang makapagpapalugod sa iyong mga magulang kundi ang makitang dinidibdib mo ang katotohanan at iniaalay ang iyong buhay kay Jehova.
2 Dapat mong ipagpasalamat na ang iyong mga magulang ay nasa katotohanan. Mula sa iyong pagsilang, ikaw ay kanila nang pinakain, dinamtan, at binigyan ng tirahan habang inaaruga sa panahon ng pagkakasakit. Sinikap din nilang turuan ka ng tungkol kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga daan; ito ay pagsasanay na titiyak sa iyong walang-hanggang buhay. (Efe. 6:1-4) Papaano ka naman makapagpapakita ng pasasalamat?
3 Dibdibin ang Katotohanan: Maipakikita mo ang pasasalamat sa pagkakaroon ng interes sa pag-aaral ng pamilya nang hindi na kailangang pilitin pa. Ipakita ang pagnanais na dumalo sa mga pulong, na inihahanda ang sarili upang makarating sa oras ang pamilya. Umupong katabi ng iyong mga magulang sa panahon ng pulong at matamang makinig sa pamamagitan ng pagsubaybay sa mga publikasyong pinag-aaralan. Sikaping magkomento sa pulong. Maging handa sa pagtanggap ng mga atas sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at gawin ang buong-makakaya upang magampanan iyon. Magboluntaryo sa pagtulong sa mga gawain sa Kingdom Hall.
4 Maglagay ng Pasulong na mga Tunguhin: Sikaping makibahagi nang lubusan sa paglilingkod sa larangan, anupat ipinakikita ang hangaring maging kuwalipikado bilang mamamahayag. Umalinsabay sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya o, mas mabuti pa nga, basahin mo mismo ang buong Bibliya. Maging determinadong maabot ang mga kahilingan sa pag-aalay at bautismo. Maingat na isaplano ang iyong kurikulum sa paaralan, taglay sa isipan na masanay upang masangkapan para sa lubusang pakikibahagi sa paglilingkod kay Jehova. Magtatag ng isang reputasyon na mag-uudyok sa iba upang irekomenda ka para sa mga pantanging pribilehiyo gaya ng pagpapayunir o paglilingkod sa Bethel. (Gawa 16:1, 2) Ang pag-abot sa mga tunguhin ay makatutulong sa iyo ‘upang matiyak mo ang mga bagay na higit na mahalaga, upang ikaw ay . . . mapuspos ng matuwid na bunga.’—Fil. 1:10, 11.
5 Ang iyong kabataan ay isang panahon upang matuto at magkaroon ng kasanayan sa pakikisalamuha sa iba. Iyon ay panahon ng pagtatamasa ng buhay habang wala pa ang responsibilidad ng mga nasa hustong gulang. Sabi ni Solomon: “Magsaya ka, kabataang lalaki, sa iyong kabataan, at hayaan ang iyong puso na gawan ka ng mabuti sa mga kaarawan ng iyong kabinataan.” (Ecl. 11:9) Kung gagamitin mo ang iyong kabataan upang maglingkod kay Jehova, aani ka ng mga pagpapalang mananatili magpakailanman.—1 Cron. 28:9.
6 Kung ‘itataguyod mo ang katuwiran’ sa halip na “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan,” aalisan mo ang iyong mga magulang ng labis na kabalisahan at sama ng loob. (2 Tim. 2:22) Bibigyan mo ang iyong sariling puso ng dahilan upang magsaya. (Kaw. 12:25) Higit sa lahat, magdudulot ka ng kagalakan sa iyong Maylalang, ang Diyos na Jehova.—Kaw. 27:11.