Lahat ng Kasulatan ay Kapaki-pakinabang sa Pagtuturo
1 Ang karunungan ng payo ng Bibliya ay walang kapantay. Ang pamantayang moral na itinataguyod nito ay hindi mahihigitan. Ang mensahe nito ay makapangyarihan, “may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Heb. 4:12) Papaano natin matutulungan ang iba na makita ang pangangailangan na pag-ukulan ang aklat na ito ng maingat na pagsusuri? Maaari ninyong subukan ang sumusunod na mga mungkahi kapag nag-aalok ng New World Translation kasama ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? sa Nobyembre.
2 Yamang maraming tao ang nababalisa kung papaano matutugunan ang kanilang pangunahing mga pangangailangan, marahil ay kukuha ng kanilang atensiyon ang paglapit na ito:
◼ “Maraming tao na nakausap ko sa mga araw na ito ang nababalisa kung papaano matutugunan ang kanilang pinansiyal na mga obligasyon. Sino sa palagay ninyo ang makapagbibigay sa atin ng pinakamabuting payo sa bagay na ito? [Hayaang sumagot.] Nasumpungan kong ang Bibliya ay nag-aalok ng praktikal na payo na makatutulong sa atin na maiwasan ang di kinakailangang mga problema. Hayaan ninyong ipakita ko sa inyo ang isang halimbawa.” Bumaling sa pahina 163 ng aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? at basahin ang 1 Timoteo 6:9, 10, na sinipi sa parapo 3.
3 Narito ang isa pang mungkahi na maaari ninyong isaalang-alang:
◼ “Sa tuwing magbabasa tayo ng pahayagan o makikinig ng balita ating naririnig ang tungkol sa iba na namang problema na nakababalisa sa atin. [Banggitin ang ilang nakagagambalang pangyayari na ibinalita kamakailan.] Papaano natin mapagtatagumpayan ang mga suliraning gaya nito? [Hayaang sumagot.] Noong 1983, ang presidente ng Estados Unidos ay nagsabi na ang Bibliya ay nagtataglay ng pinakadakilang mensahe na naisulat kailanman at sa ‘loob ng mga pahina nito nakasalalay ang lahat ng kasagutan sa lahat ng problema na kailanma’y nabatid ng tao.’ Ito’y nagpapagunita sa atin kung ano ang sinasabi ng Bibliya. [Basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17.] Hayaan ninyong ipakita ko kung bakit tayo makapagtitiwala sa Bibliya.” Ipakita ang ilang punto sa Kabanata 1 ng aklat at ialok ito.
4 Kung marami ang mga taong hindi relihiyoso sa inyong teritoryo, maaari ninyong subukan ang paglapit na ito:
◼ “Minamalas ng maraming tao sa lugar na ito na nagkakasalungatan ang Bibliya at na ito’y isang alamat lamang. Napakaraming masasamang bagay ang kanilang nakitang ginawa sa ngalan ng relihiyon anupat hindi sila nagtitiwala sa Bibliya. Sa katunayan, parami nang paraming tao ang nag-iisip kung baga ang Bibliya ay Salita ng Diyos o ng tao. Ano ang palagay ninyo?” Hayaang sumagot. Salig sa kasagutan ng maybahay, bumaling sa bahagi ng aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? na tumatalakay sa pagtutol o pangmalas ng maybahay, at talakayin ang isa o dalawang punto. Halimbawa, maaaring magkaroon kayo ng pagkakataong gamitin ang mga parapo 27-9, pasimula sa pahina 66 sa ilalim ng sub-titulong “Si Jesus—Isang Tunay na Persona.”
5 Ang pagtulong sa iba na makilala ang tunay na halaga ng Bibliya ay isa sa pinakamabuting bagay na magagawa natin upang tulungan sila; ito’y maaaring magligtas ng kanilang buhay.—Kaw. 1:32, 33.