Ang Bibliya—Patnubay ng Diyos Para sa Lahat ng Tao
1 Tinatayang apat na bilyong (4,000,000,000) Bibliya ang naimprenta na sa mahigit na 2,100 wika at diyalekto, anupat ang Salita ng Diyos ay magagamit na ng mahigit sa 90 porsiyento ng populasyon sa lupa. Gayunman, may umiiral na taggutom sa sanlibutan hinggil “sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova.” (Amos 8:11) Maraming tao na may kopya ng Bibliya ang hindi nagbabasa nito o hindi nakauunawa sa nilalaman nito. Paano natin sila mapasisigla upang gamitin ang Bibliya bilang isang praktikal na patnubay sa kanilang buhay?
2 Iaalok natin sa Disyembre ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? Kapag nakasumpong ng interes, maaari rin nating ialok ang salin ng Bibliya na nagbigay sa atin ng kapakinabangan sa nakalipas na 47 taon—ang New World Translation. Ito’y magagawa sa pamamagitan ng pagpapakita sa maliwanag at makabagong pananalita nito. (Tingnan ang aklat na “Lahat ng Kasulatan,” pahina 328, parapo 6.) Ating ipakikita ang ating malalim na pagpapahalaga sa kaloob na ito mula kay Jehova sa pamamagitan ng masiglang pagtulong sa iba na tanggapin ang Bibliya bilang patnubay ng Diyos para sa lahat ng tao.
3 Maaari ninyong iharap ang isang presentasyon sa pamamagitan ng paggamit ng tract na “Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya.” Maaari ninyong sabihin:
◼ “Kahit na may makukuhang Bibliya ang mahigit sa 90 porsiyento ng populasyon sa daigdig, iilang tao lamang ang palagiang nagbabasa nito. Ano sa palagay ninyo ang dahilan nito?” Basahin ang unang dalawang parapo ng tract, lakip na ang 2 Timoteo 3:16. Ialok ang aklat na Salita ng Diyos. Kapag tinanggihan ang aklat, hilingin sa maybahay na basahin ang kabuuan ng tract. Itampok ang panghuling sub-titulong, “Paghula sa Hinaharap.”
4 Kapag bumabalik sa mga tao na napag-iwanan ninyo ng tract na “Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya,” maaari ninyong subukan ito:
◼ Pagkatapos na muling ipakilala ang sarili, basahin ang dalawang huling parapo ng tract. Itanong sa maybahay kung naisip na niya ang posibilidad na mabuhay magpakailanman sa lupa. Pagkatapos na siya’y tumugon, sabihin: “Ang mga Saksi ni Jehova ay nakatitiyak na ang lahat ng hula na masusumpungan sa Bibliya ay matutupad, lakip na ang mga hula hinggil sa isang kamangha-manghang kinabukasan para sa lahat ng tao na nakatutugon sa mga kahilingan ng Diyos.” Ipakita ang ilustrasyon sa pahina 13 ng brosyur na Hinihiling, bumaling muli sa aralin 5, at ialok na talakayin ang mga sagot sa nakalistang mga katanungan, sa gayo’y napasisimulan ang isang pag-aaral.
5 Sa teritoryo na kung saan relihiyoso ang mga tao, maaari ninyong subukin ang unang paglapit na ito:
◼ “Kami ay nagpapasigla para sa higit pang paggalang sa Bibliya. Maraming pamilya ang may Bibliya, subalit bihira nilang kinokonsulta ito kapag sila’y may maseselan na suliranin. Napapansin ba ninyo ito? [Hayaang sumagot.] Sila marahil ay naniniwala na lipas na ang Bibliya. Ang aklat na ito, Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, ay nagbibigay ng nakakukumbinsing patotoo na ang Bibliya ay wasto sa makasiyentipikong paraan at na ito’y naglalaan ng praktikal na mga solusyon sa mga suliraning kailangang harapin sa ngayon.” Itampok ang ilang punto mula sa kabanata 8 o kabanata 12 ng aklat, at pagkatapos ay ialok ito.
6 Kapag sinusubaybayan ang naisakamay na aklat na “Salita ng Diyos,” maaari ninyong sabihin:
◼ “Noong huli ko kayong dinalaw, ating pinag-usapan kung paano tumutulong ang Bibliya sa paglutas sa masalimuot na mga suliranin sa ngayon. Yaong mga tumanggap dito bilang Salita ng Diyos ay natulungan ding magkaroon ng mas maligaya at higit na kontentong buhay. Nais kong ipakita sa inyo ang isang praktikal na simulain sa Bibliya na ipinaliwanag sa aklat na iniwan ko sa inyo.” Talakayin ang isang maka-Kasulatang simulain na masusumpungan sa kabanata 12, parapo 3-6, at magtapos sa pamamagitan ng pagbasa ng parapo 7. Kapag nagpakita ng interes, ialok ang isang pag-aaral alinman sa aklat na Kaalaman o sa brosyur na Hinihiling.
7 Ang sumusunod na presentasyon ay maaaring kumuha ng interes ng matatandang tao:
◼ “May panahon nang ang Bibliya ay binabasa sa maraming tahanan at ang mga pamilya ay namumuhay ayon sa mga simulain nito. Totoo ba ito sa inyong pamilya? [Hayaang sumagot.] Sa ngayon, waring ang karamihan ay masyadong abala upang maglaan ng panahon sa pagbabasa ng Bibliya o kaya’y kanilang nadarama na ang mga simulain nito sa moral ay lipas na. Ang kabanata 13 ng aklat na ito, Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, ay naghaharap ng tatlong tunay na mga karanasan sa buhay ng mga indibiduwal na nagbago ng kanilang buhay ukol sa ikabubuti pagkatapos mag-aral ng Bibliya. Kung nais ninyong basahin kung paano nakatulong sa kanila ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos, ikinagagalak kong iwan sa inyo ang aklat na ito.”
8 Sa pagdalaw-muli, maaari ninyong sabihin:
◼ “Noong huli tayong mag-usap, kapuwa tayo sumang-ayon na ang mga simulain ng Bibliya sa moral ay hindi na pinapansin sa lipunan sa ngayon. Dapat ba nating ikabahala ang gayong pagwawalang-bahala? [Hayaang sumagot.] Malaki ang pagpapahalaga ni Jesu-Kristo sa pagkuha ng kaalaman sa Bibliya.” Basahin ang Juan 17:3. Pagkatapos ay ibahagi ang parapo 5 ng kabanata 1 sa aklat na Kaalaman. Ipaliwanag ang ating libreng programa sa pag-aaral ng Bibliya, at ialok na maitanghal ito.
9 Idalangin na pagpalain ni Jehova ang lahat ng inyong pagsisikap na umakay ng pansin tungo sa Bibliya—ang patnubay ng Diyos para sa lahat ng tao.