Ang mga Panahon ay Nagbabago
1 Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Cor. 7:31) Totoong totoo ito ngayon! Kahit sa panahong ikinabubuhay natin, tayo ay nakakakita ng matitinding mga pagbabago sa pag-iisip at paggawi ng mga tao sa bawat antas ng lipunan ng tao. Upang matagumpay na maabot sila ng mensahe ng Kaharian, ang ating paglapit ay dapat na kaalinsabay sa pagbabago ng mga panahon.
2 Noong nakaraang mga taon, sa maraming lupain ang gawaing pagpapatotoo ay kakaiba dahilan sa ang mga tao ay nabuhay nang mas tahimik, at nakadarama ng katiwasayan. Ang relihiyon ay may sagradong dako sa kanilang buhay. Mataas ang pagkilala sa Bibliya. Noong panahong iyon ay madalas na kailangan nating pabulaanan ang huwad na mga doktrina. Sa ngayon, ang buhay ng mga tao ay nasa kaligaligan. Marami ang nawalan ng pananampalataya sa relihiyon at sa Bibliya.
3 Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nagsabi: “Sa wari, ngayon ay totoong maraming suliranin sa buhay ng mga tao anupat kailangan nating turuan sila kung papaano mabuhay.” Ang pangunahing ikinababahala ng mga tao ay likas na nakapalibot sa kanilang sarili, sa kanilang mga pamilya, at sa kanilang mga pagkabalisa. Ang mga bagay na ito ang kanilang pinag-uusapan kapag nagkakasama-sama. Dapat nating ingatan ito sa isipan sa ating gawaing pagpapatotoo. Tatamuhin natin ang higit na tagumpay kung pasisimulan natin ang pakikipag-usap hinggil sa mga suliraning napapaharap sa mga kausap natin.
4 Ang Kaharian ng Diyos ang Tanging Tiyak na Pag-asa sa Hinaharap: Ang karamihang tao ay may kaunting pagtitiwala sa pamahalaan ng tao. Ang huwad na relihiyon ay nabigong magbigay sa kanila ng anumang saligan para sa pag-asa. Kaya ang pinakamalaking pangangailangan ng sangkatauhan ay ang makinig sa mabuting balita hinggil sa Kaharian ng Diyos. Ang ating pangunahing tunguhin sa pagpapatotoo ay ang ituon ang pansin sa Kaharian at ipakita kung papaano ito maglalaan ng lunas sa lahat ng suliranin na napapaharap sa sangkatauhan.
5 Ang Bibliya ang Tanging Maaasahang Pinagmumulan ng Patnubay: Ang kasalukuyang masa ay inililigaw ng mga pinuno na umaasa sa karunungan ng tao at makasanlibutang pilosopiya. (Jer. 10:23) Ang pinakamahalagang leksiyon na kanilang matututuhan ay na sila’y dapat ‘magtiwala kay Jehova ng buong puso nila at huwag manalig sa kanilang sariling kaunawaan.’ (Kaw. 3:5) Bagaman nagbabago ang panahon, ang Bibliya’y hindi. Kaya, sa ating ministeryo, dapat nating ituro sa iba na pahalagahan ang kinasihang patnubay nito. (2 Tim. 3:16, 17) Upang magawa ito, kailangan nating gamitin ang Bibliya upang sagutin ang kanilang mga katanungan, at imungkahi ang pangangailangang pag-aralan ito at ikapit ang praktikal na karunungan nito.
6 Kahit na ang mga panahon ay nagbabago, ang ating tunguhin sa ministeryo ay hindi nagbabago. Gayunpaman, upang tamuhin ang tunguhing ito sa pinakamabuting paraan sa 1996, ang ating sinasabi ay dapat na kaayon ng kasalukuyang mga pangangailangan niyaong ating binibigyan ng patotoo. Sa paggawa nito, maaari nating ibahagi ang mabuting balita sa iba at sa gayo’y naaakit ang karamihang tao.—1 Cor. 9:19, 23.