Tulungan Silang Maglingkod Muli
1 Ang apostol Pablo ay sumulat sa kaniyang kapuwa mga Kristiyano: “Oras na upang gumising kayo sa pagkakatulog, sapagkat mas malapit na ngayon ang ating kaligtasan kaysa noong panahon nang tayo ay maging mga mananampalataya.” (Roma 13:11) Si Pablo ay nababahala sa kaniyang mga kapatid na inaantok sa espirituwal; siya’y may malaking pagnanais na sila’y mapasiglang muli sa gawain.
2 Tunay na masasabi na ang gabi ng matandang sanlibutang ito ay malalim na at ang pagbubukang-liwayway ng bagong sanlibutan ay malapit na. (Roma 13:12) Mayroon tayong mabuting dahilan upang mabahala sa ating mga kapatid na huminto na sa pakikisama sa atin bilang mga mangangaral ng mabuting balita. Nang nakaraang taon ng paglilingkod, sa Pilipinas lamang, mahigit sa 3,000 mamamahayag ang napasiglang-muli. Paano natin matutulungan ang iba pang di-aktibo na muling maglingkod kay Jehova?
3 Kung Ano ang Magagawa ng Matatanda: Hindi iniwanan ng karamihan sa mga di-aktibo ang katotohanan; tumigil lamang sila sa pangangaral dahilan sa pagkasira-ng-loob, personal na mga suliranin, materyalismo, o kabalisahan sa buhay. (Luc. 21:34-36) Hangga’t maaari, mas mabuti kung tutulungan sila bago pa maging di-aktibo. Dapat na ipabatid ng kalihim ng kongregasyon sa konduktor ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat kapag ang isang mamamahayag ay naging di-palagian sa paglilingkod. Isang dalaw sa pagpapastol ang maaaring gawin. Dapat tiyakin ng matatanda ang dahilan ng suliranin at kung paano maibibigay ang tulong.—Tingnan ang Setyembre 15, 1993, Bantayan, pahina 20-3.
4 Paano Makatutulong ang Iba: Ang karamihan sa atin ay may kilalang naging di-aktibo. Maaaring ito’y isang kaibigan natin noon. Ano ang magagawa natin upang makatulong? Bakit hindi dumaan para sa maikling pagdalaw. Sabihing nananabik kayo na siya’y makasama. Maging masaya at positibo. Sabihin ang inyong pagkabahala nang hindi ipinahihiwatig na siya’y may sakit sa espirituwal. Maglahad ng nakapagpapatibay na mga karanasan sa kongregasyon. Mag-alok na samahan siya sa mga pulong. Hayaang malaman ng matatanda ang natanggap ninyong pagtugon.
5 Kapag ang isa na naging di-aktibo ay bumalik sa mga pulong, malamang na maging asiwa siya kapag nakita ang dati niyang mga kakilala. Huwag siyang tanungin ng, “Ano ang nangyari sa iyo?” Sa halip, ipadama sa kaniya na siya’y malugod na tinatanggap. Isama siya sa usapan. Ipakilala siya doon sa mga hindi niya kilala. Umupong kasama niya sa panahon ng pulong, na tinitiyak na mayroon siyang songbook at materyal na pinag-aaralan. Pasiglahin siyang bumalik, at mag-alok ng tulong.
6 Palibhasa’y nagtataglay ng magiliw na pagmamahal sa mga naligaw, si Jehova at si Jesus ay nagagalak kapag sila’y nakapanumbalik sa espirituwal. (Mal. 3:7; Mat. 18:12-14) Mararanasan natin ang gayon ding kagalakan kapag tayo’y nagtagumpay sa pagtulong sa iba na muling maglingkod kay Jehova.