Pagtulong sa mga Di Aktibo
1 Isa sa mga talinghaga ni Jesus ay may kaugnayan sa isang pastol na iniwan ang 99 na tupa upang hanapin ang isa na nawala. Natatandaan ba ninyo kung ano ang ibubunga kapag nasumpungan yaong isa na nawala? “At kung mangyaring masumpungan niya, ay katotohanang sinasabi ko sa inyo, na magagalak ng higit dahil dito kay sa siyamnapu’t-siyam na hindi naligaw.” (Mat. 18:13) Ang gayong kagalakan ay nararanasan kapag ang mga di aktibo ay nagbalik muli sa kawan ng Diyos.
2 Sa nakaraang ilang taon higit na pansin ang naibigay upang tulungan ang mga naging di aktibo. Nangunguna ang mga tagapangasiwa upang dalawin ang mga di aktibo. (Gawa 20:28) Bilang resulta, marami ang nakatugon at muling naging aktibong mga mamamahayag ng Kaharian. Mayroon pa bang ilan sa inyong kongregasyon na naging di aktibo sa nakaraang mga taon? Ano ang magagawa upang sila’y matulungan?
KUNG ANO ANG MAGAGAWA
3 Ang tagapangasiwa sa paglilingkod at ang kalihim ang nangunguna sa pag-oorganisa ng mga kaayusan upang pangalagaan ang mga di aktibo. Dapat isaayos na ang unang dadalaw ay ang mga matanda. Sa ilang kaso, baka naisin ng di aktibo na siya’y pagdausan ng isang pag-aaral sa Bibliya. Kung gayon, pagpapasiyahan ng tagapangasiwa sa paglilingkod kung sino ang aatasan na magdaos ng pag-aaral. Marahil ang isa na dating nagdaos ng pag-aaral sa taong iyon ang makatutulong. Kung ang nasasangkot ay isang buong pamilya, marahil ang isang matanda o kuwalipikadong ministeryal na lingkod ang mabuting magdaos ng pag-aaral sa kanila. Ang isang di aktibong kapatid na babae ay maaaring matulungan ng isang may karanasang babae sa kongregasyon. Ang isang kabataan ay maaaring tumugong mabuti kung ang isang batang ministeryal na lingkod o payunir ang tutulong sa kaniya.
4 Nasumpungan ng ilang matatanda na sa unang pagdalaw ay kapakipakinabang kung rerepasuhin ang artikulong “Manumbalik sa Pastol ng Inyong mga Kaluluwa” sa Watchtower ng Mayo 1, 1982 (Nobyembre 1, 1982 sa Tagalog). Sa isang kabataan, maaaring makatulong ang artikulong “Ang Puso Mo’y Ipanumbalik Mo kay Jehova” sa Watchtower ng Oktubre 1, 1982 (Abril 1, 1983 sa Tagalog). Pagkatapos nito, maaaring isaayos ang isang regular na pag-aaral sa Bibliya.
5 Ang mga mamamahayag na nagdaraos ng gayong mga pag-aaral ay nararapat magpakita ng personal na interes sa mga indibiduwal na ito. Makipagkaibigan sa kanila. Idiin ang kahalagahan ng pagtatamong muli ng espirituwal na kalakasan.
6 Bagama’t ang ilan ay hinilingang tumulong sa mga di aktibo, hindi ito nangangahulugan na ang iba ay hindi na makatutulong. Ang lahat ay maaaring bumati sa mga ito kapag sila’y dumadalo sa Kingdom Hall at maaaring kausapin sila sa nakapagpapatibay na paraan. Ipadama sa kanila ang ating kaligayahan sa kanilang pagdalo at na ang ating pag-asa ay na sila’y patuloy na sumulong. Ang ganitong maibiging pagmamalasakit ay kailangang patuloy na ipakita habang sumusulong sila sa espirituwal. Ang gayong sama-samang pagsisikap ay nagbubunga ng mabuti.—Efe. 4:16.
7 Oo, nagagalak tayo kapag nakasama nating muli ang mga dating di aktibo. Ang ating dalangin ay na pagpalain nawa ni Jehova ang ating mga pagsisikap na “magsigawa tayo ng mabuti” sa mga di aktibo na siya nating “kasambahay sa pananampalataya.”—Gal. 6:10.