Tanong
◼ Angkop pa ba na magdaos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa isang di-aktibong kapatid na lalaki o babae ayon sa tagubilin ng isa sa mga miyembro ng Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon?
Ang matatanda ay may pananagutang magpastol sa kongregasyon, lakip na sa sinumang miyembro na naging di-aktibo. Kanilang dinadalaw ang mga ito at inaalam kung anong personal na tulong ang kinakailangan. Kapag angkop, maaaring ilakip ang pag-aalok sa di-aktibo ng kapakinabangan ng isang personal na pag-aaral ng Bibliya. Ang Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, pahina 103, ay nagpapaliwanag na ang Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon ang magpapasiya kung sino ang maaaring makinabang sa ganitong paglalaan.
Aalamin ng tagapangasiwa sa paglilingkod kung sino ang nasa pinakamabuting kalagayan upang makatulong, anong mga paksa ang dapat pag-aralan, at aling publikasyon ang pinakamabisang makatutulong. Marahil ang isa na dating nakipag-aral sa taong iyon o sinumang kakilala at iginagalang niya ang nasa mabuting kalagayan upang makatulong. Isang may-kakayahan at may-gulang na kapatid na babae ang maaaring hilingang tumulong sa isang di-aktibong kapatid na babae. Karaniwan nang hindi na kailangang sumama pa ang ibang mamamahayag sa inatasang konduktor. Kapag inatasan, maaaring iulat ng mamamahayag na mangangasiwa ng pag-aaral ang oras, ang mga pagdalaw-muli, at ang pag-aaral.—Tingnan ang Disyembre 1987 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, pahina 1 at 3.
Yamang ang estudyante ay isang taong bautisado, karaniwan nang hindi na kailangang ipagpatuloy pa ang pag-aaral sa mahabang yugto ng panahon. Ang tunguhin ay upang tulungan ang di-aktibo na muling dumalo sa lahat ng mga pulong ng kongregasyon at maging regular na mamamahayag ng mabuting balita. Susubaybayan ng tagapangasiwa sa paglilingkod ang pagsulong ng gayong mga pag-aaral. Dapat na ang maging resulta ng gayong maibiging pagtulong ay ang maisabalikat ng mga kapatid na ito ang kanilang sariling pananagutan sa harapan ni Jehova at “mag-ugat at maitayo” nang matibay sa katotohanan.—Efe. 3:17; Gal. 6:5.