‘Panatilihin ang Mabubuting Gawa’ sa Disyembre
1 Ang mabubuting gawa ay yaong mga gawaing may tuwirang kaugnayan sa katuwiran ng Diyos at sa mabuting balita ng kaligtasan. Pinasigla ni Pablo si Tito na paalalahanan ang mga kapatid na “humanda sa bawa’t gawang mabuti” at “patotohanang may pagkakatiwala, upang ang mga sumasampalataya sa Diyos ay maging maingat na papanatilihin ang mabubuting gawa.” (Tito 3:1, 8) Kung uunahin nila ang mabuting balita at mamumuhay na kasuwato ng matuwid na mga pamantayan ni Jehova, ang mga kapatid ay hindi maliligaw.—Mat. 6:33.
2 Ang payo ni Pablo ay kapit pa rin sa atin ngayon. Palibhasa’y napapaligiran tayo ng isang balakyot na sistema na maaaring magpalayo sa atin sa paglilingkuran kay Jehova, kailangang lagi tayong mapagbantay. Paano natin magagawa ito?
TULONG NA INILAAN
3 Kailangang samantalahin natin ang espirituwal na mga paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano. (Heb. 13:20, 21) Ibinigay niya sa atin ang kaniyang Salita, ang Bibliya, bukod pa sa napakaraming maiinam na pantulong sa pag-aaral. May nahirang na mga lalaking maygulang sa espirituwal upang magbigay ng personal na tulong bilang mga pastol ng kawan. Ang regular na lingguhang mga pagpupulong sa Kingdom Hall at sa pribadong mga tahanan, at ang mga asamblea at kombensiyon, ay naglalaan ng nakapagpapatibay na pagsasamahan at mga tagubilin.
4 May isinasagawang kombenyenteng mga kaayusan ukol sa paglilingkod sa larangan sa mga kongregasyon. Sa gayong mga kaayusan tayo ay lubusang nasasangkapan upang ipangaral ang “mabuting balita” at upang tulungan ang iba na maging kapuwa mananamba kay Jehova.—Mat. 24:14; 28:19, 20.
GAWAIN SA DISYEMBRE
5 Ang Disyembre ay magiging magawaing buwan para sa karamihan sa atin. Marami ang dadalo sa “Magtiwala kay Jehova” na Pandistritong Kombensiyon. Libu-libo ang makikibahagi sa pag-aauxiliary payunir. Kailangang pagsikapan nating lahat na ipamahagi ang aklat na Mga Kuwento sa Bibliya o ang brochure na “Narito!” kailanpama’t magagawa.
6 Kung nagpaplano kayong magbakasyon sa Disyembre, malamang na magkakaroon kayo ng maraming pagkakataon upang kausapin ang mga tao sa impormal na paraan. Maging handa kayo palagi na magsalita sa kanila hinggil sa pag-asa ng Kaharian. Nasumpungan ng marami na kapag nagdadala sila ng mga babasahin, sila’y natutulungang magbukas ng mga pag-uusap na madalas ay umaakay sa mainam na pagpapatotoo. Kaya magdala kayo ng mga magasin, brochure at mga aklat kapag naglalakbay.
7 Napansin namin sa nakaraang mga taon na sa Disyembre madalas na bumababa ang bilang ng mga mamamahayag na nag-uulat. Halimbawa, noong Nobyembre, 1986, nag-ulat tayo ng 91,879 na mamamahayag, samantalang noong Disyembre ito’y naging 85,609, isang pagbaba ng mahigit 6,000 mamamahayag! Bakit nagkakaganito? Kadalasan ito’y sapagka’t nakakaligtaang iulat ng mga mamamahayag ang kanilang mga gawain kapag sila’y nakadalo sa mga kombensiyon. Paano natin malulutas ang suliraning ito sa taóng ito? Bueno, kung ang inyong kombensiyon ay sa Enero 1-3, 1988, iminumungkahi namin na tiyakin ninyong ibigay ang inyong ulat sa kongregasyon bago kayo umalis patungo sa kombensiyon. Maging para sa mga dadalo sa Disyembre 25-27, maaaring makabuti kung inyong iuulat ang inyong gawain bago kayo umalis patungo sa kombensiyon, lalo na kung nagpaplano kayong magbakasyon pagkatapos ng kombensiyon at hindi kaagad babalik. Dapat idiin ito ng mga matanda, at tiyakin na ang lahat ay may pagkakataong makibahagi sa paglilingkod sa larangan bago ang mga kombensiyon at makapag-uulat ng kanilang gawain nang maagap.
8 Kung tayo’y “laging sumasagana sa gawa ng Panginoon,” ating pananatilihin ang mabubuting gawa sa ikapupuri ni Jehova sa Disyembre.—1 Cor. 15:58.