Tanong
◼ Ano ang dapat gawin kapag hindi dumating sa oras ng pulong ang inatasang tagapagsalita sa madla?
Paminsan-minsan, ang di-maiiwasang mga pangyayari ay hahadlang sa isang kapatid sa pagdating sa oras upang ibigay ang nakatakdang pahayag. Kung may dahilan upang maniwala na di-matatagalan at siya’y darating, ang mga matatanda ay maaaring magpasiyang tumungo sa Pag-aaral ng Bantayan; ang Pahayag Pangmadla ay maaaring sumunod pagkatapos nito. Ano kung maliwanag na ang tagapagsalita ay hindi darating? Marahil ang isang lokal na tagapagsalita ay magbibigay ng anumang pahayag na naihanda na niya.
Kapag may maingat na patiunang paghahanda kadalasang naiiwasan ang ganitong suliranin. Ang tagapag-ayos ng pahayag pangmadla ay dapat na makipag-ugnayan sa bawat tagapagsalita isang linggo man lamang ang patiuna upang ipaalaala sa kaniya ang kaniyang atas. Dapat na kasama sa paalaala ang oras ng pulong, ang direksiyon ng Kingdom Hall at numero ng telepono, at ang maliwanag na direksiyon kung paano makikita ang bulwagan. Dapat na maingat na itala ng tagapagsalita ang mga detalyeng ito. Kung may lumitaw na di-maiiwasang pangyayari na hahadlang sa kaniya sa pagbibigay ng pahayag, dapat siyang makipag-ugnayan karaka-raka sa tagapag-ayos ng pahayag pangmadla upang may maisaayos na kahalili. Dapat gumawa ng lahat ng pagsisikap upang maiwasan ang pagkansela sa huling sandali. Kung ang tagapagsalita ay mahuhuli ng ilang minuto, maaari siyang tumawag o kaya’y magpadala ng mensahe hangga’t maaari upang malaman ng mga kapatid kung ano ang gagawin nila.
Ang pagpapahalaga sa mga atas sa pahayag pangmadla, mabuting patiunang paghahanda at mga paalaala ay titiyak na ang kongregasyon ay makapagtatamasa ng isang kapaki-pakinabang na pahayag pangmadla bawat linggo.