Tanong
◼ Ano ang dapat gawin kapag nagkaroon ng isang sakuna na apektado ang mga kapatid?
Kapag Nagkaroon ng Sakuna sa Inyong Lugar: Huwag mataranta. Manatiling kalmado, at ipako ang pansin sa kung ano talaga ang mahalaga—buhay, hindi ang tinatangkilik. Asikasuhin agad ang pisikal na mga pangangailangan ng inyong pamilya. Ipagbigay-alam sa matatanda ang inyong kalagayan at kasalukuyang lokasyon.
Ang matatanda at ministeryal na mga lingkod ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa paglalaan ng tulong. Kung may patiunang babala, gaya sa ilang bagyo, titiyakin ng mga kapatid na ito na ang bawat isa ay nasa ligtas na dako, at kung ipinahihintulot ng panahon, dapat na kumuha at mamahagi ng mga suplay na kakailanganin.
Pagkatapos, dapat na hanapin ng mga konduktor ng pag-aaral sa aklat ang bawat pamilya at alamin ang kanilang kalagayan. Ang punong tagapangasiwa o iba pang matanda ay dapat na pahiwatigan hinggil sa kalagayan ng bawat sambahayan, bagaman maayos na ang lahat. Kung may nasaktan, sisikapin ng matatanda na isaayos ang pagpapagamot. Maglalaan din sila ng anumang materyal na bagay gaya ng pagkain, pananamit, tirahan, o mga kinakailangang suplay sa sambahayan. (Juan 13:35; Gal. 6:10) Ang lokal na matatanda ay magbibigay ng espirituwal at emosyonal na pagtangkilik sa kongregasyon at karaka-rakang isasaayos hangga’t maaari na ipagpatuloy ang mga pulong ng kongregasyon. Pagkatapos maisagawa ang lubusang pagsisiyasat, dapat makipag-ugnayan ang isang matanda sa tagapangasiwa ng sirkito upang ipagbigay-alam sa kaniya ang sinumang nasaktan, pinsala sa Kingdom Hall o sa tahanan ng mga kapatid. Makikipag-ugnayan naman ang tagapangasiwa ng sirkito sa ibang kongregasyon upang malaman kung gaano kalawak ang problema, at pagkatapos ay tatawag sa telepono o tetelegrama sa tanggapang pansangay taglay ang ulat sa situwasyon.
Kung ang Sakuna ay Naganap sa Ibang Dako: Alalahanin ang apektadong mga kapatid sa inyong mga panalangin. (2 Cor. 1:8-11) Kung nais ninyong maglaan ng tulong na pera, maaari ninyong ipadala ang inyong donasyon sa Samahan, kung saan ang pondo para sa tulong ay inilagay para sa layuning ito. Ang direksiyon ay: Watch Tower Society, P. O. Box 2044, 1060 Manila. (Gawa 2:44, 45; 1 Cor. 16:1-3; 2 Cor. 9:5-7; tingnan ang Disyembre 1, 1985, Watchtower, mga pahina 20-2.) Huwag magpapadala ng mga materyales o mga suplay sa lugar ng sakuna malibang ito’y espesipikong hinihiling ng mga nangangasiwang kapatid. Maiiwasan nito ang kalituhan at matitiyak ang wastong pamamahagi ng kung ano ang kinakailangan.—1 Cor. 14:40.
Pagkatapos magawa ang wastong pagtaya, aalamin ng Samahan kung kakailanganing bumuo ng relief committee. Ang responsableng mga kapatid ay pahihiwatigan. Ang lahat ay dapat na makipagtulungan sa matatanda upang ang dagling pangangailangan ng mga kapatid ay sapat na matugunan.—Tingnan Ang mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 310-15.